Press Release
March 19, 2007

KIKO ON THE ARREST OF KA SATUR

"Mariin nating kinukundena ang pag-aresto at paglipat sa Leyte ni Ka Satur Ocampo, lalo na't sa mula't sapul ay malabo ang tunay na pakay sa pagpapausad ng kanyang kaso.

Kabaha-bahala ang pag-ungkat sa isang kaso ng dalawang dekada na, lalo pa't panahon ng kampanya ngayon, pati na ng partylist na kanyang kinabibilangan. Hindi natin hahayaan ang paninindak sa mga taong nagpapakita ng di pagsang-ayon sa pamahalaan.

Kailanman, hindi dapat pigilan ang pakikilahok ng mga sinasabing makakaliwang personalidad sa pamahalaan, dahil bahagi ito ng malayang pamamahayag at demokrasya sa ating bansa. Makakamit lamang natin ang tunay na komprehensibong pamamahala kung ang lahat ng sektor ng lipunan, anuman ang paniniwalang pulitikal, ay hahayaang makibahagi sa diskurso ng pamahalaan.

Hinahamon natin ang ating gobyerno na maging patas at makatotohanan sa pag-resolba ng isyung kinasasangkutan ni Ka Satur. Kung magbubulag-bulagan tayo sa usaping ito, mas lalala lamang ang ating kwestyonableng reputasyon ng karapatang pantao sa labas ng bansa. Hindi lamang ito usapin ng karapatan ni Ka Satur kundi ng respeto sa karapatang pantao at pagpapatupad ng batas sa ating bansa."

News Latest News Feed