Press Release
April 13, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (DZRH)

Mr. Senate President, ano po ang ang reaksyon niyo sa mainit na pagtanggap ng mga taga Pampanga na itinuturing na balwarte ng administrasyon?

SPMBV: Natutuwa ako dahil alam naman ng lahat na ito ang lalawigan ng Pangulo, bagamat ang aking lolo ay galing sa Pampanga kaya may dugo din akong kapampangan. Nakakatuwa dahil parang walang pinag-iba ang Pampanga sa ibang lalawigan sa bansa na mainit ang pagtanggap sa akin. Masaya ako, dahil noong una, di ko malaman kung paano tayo kakampanya dito (Pampanga), pero ganoon din pala kainit ang pagtanggap sa akin ng mga taga Pampanga.

Sa Orani, Bataan po na hometown ng inyong inang si Nanay Curing, walang parti-partido nang kayo ay bumisita doon dahil yung mga lokal na opisyal ay nagpahayag ng suporta sa inyo.

SPMBV: Totoo iyan dahil halos lahat ng kandidato doon ay mga kaibigan ko at sabi ko sa kanila, di ako makikialam sa local politics at nangako sila na susuportahan nila ang aking kandidatura sa Bataan.

Pag-usapan naman po natin yung Pulse Asia Senatorial Survey kung saan no. 2 na kayo mula sa pagiging no. 6

SPMBV: Totoo iyan. Lalong gumaganda at umiinit ang pagtanggap sa akin ng tao dahil tumataas ang aking rating sa mga surveys. Pero, hindi naman iyan ang mahalaga. Ang gusto ko ngayong pag-aralan ay ang mga suliranin ng ating mga kababayan, kung bakit hindi nakakarating sa ating mga kababayan ang epekto ng sumisiglang ekonomiya at kung bakit patuloy pa rin ang kahirapan sa ating bansa.

Ano ang mensahe niyo sa ating mga Cabalen?

SPMBV: Sa lahat ng mga taga Pampanga, nagpapasalamat ako sa mainit ninyong pagtanggap sa akin dahil ako naman ay may dugo ring kapampangan. Umasa po kayo na sa darating na panahon, kapag tayo ay palarin, dadalhin ko sa Senado ang init ng pagtanggap niyo sa akin.

News Latest News Feed