Press Release
April 18, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (RMN)

Pakilinaw nga po nitong leave issue ni Pangulong Arroyo

SPMBV: Ang sinabi ko lang naman ay ang Pangulo, pwedeng maintindihan kung siya ay magte-take ng leave dahil normal naman para sa ating mga Pilipino na kapag ang ating mga mahala sa buhay ay namemeligro ang lagay, di naman nakakagulat na ikaw ay magle-leave. Tinanong kasi ako kung ano ang gagawin ko kung ako ang malagay sa ganyang sitwasyon, ang sabi ko, na kung ang asawa ko ay manganganib din ang buhay, ako ay magle-leave at alam ko rin na ang asawa ko ay magle-leave kung ang aking buhay naman ang nasa panganib.

Lumilitaw po sa World Bank na napakarami pa rin nating mga kababayan ang naghihirap at umaabot lang ng isang dolyar ang budget sa isang araw. Napakaliit ho Senator, at siguradong di sila nakakakain sa isang araw.

SPMBV: Consistent ito doon sa isang survey na nagsasabing na 19% sa ating mga kababayan ang nakaramdam ng gutom, kinu-confirm ng World Bank data ang survey na iyon tungkol sa kagutuman. Harapin natin ito at tanggapin ng maluwag sa ating kalooban. Ako man, pinag-aaralan ko talaga ang bagay na iyan at nag-iikot ako mismo sa buong bansa at gumagawa ng sariling programa kung paano ako makakatulong. Dalawang bagay kasi iyan, dapat palalaguin mo ang ekonomiya na siyang ginagawa ngayon ng gobyerno at sinusuportahan ng Senado, pero kailangan ding may programa kung paano makakarating ng mabilis sa ating mga kapuspalad na kababayan ang anumang pagbuti ng ating ekonomiya.

Ano po ba Senator Villar ang inyong programa at mga proyekto para sa Mindanao?

SPMBV: Malapit sa puso ko ang Mindanao at maski noong ako pa ang chairman ng Senate Committee on Finance, sinisiguro ko na mapapagtibay yung mga laang pondo para sa Mindanao. Actually, ang Mindanao ang pinakamalaki ang pondo sa ating pambansang budget. Mas malaki kaysa sa Visayas at Luzon. Itutuloy natin iyan dahil ako ay naniniwala sa potensiyal ng Mindanao at napakalaki pa ng pwedeng magawa para mapaunlad ang Mindanao. Malaki ang mapupunta sa Mindanao sa aking isinusulong na pangkalahatang programa para sa agrikultura lalo na itong pagsusulong ko na mapondohan ng P20B ang sektor ng agrikultura batay sa isinasaad ng batas.

Sa ngayon po, kumusta na ang inyong pag-iikot at saan po ngayon ang inyong schedule?

SPMBV: Baka pumunta ako ngayong araw sa Pangasinan

Ano po ang mensahe ninyo sa ating mga kababayang nakikinig ngayon?

SPMBV: Mga kababayan, sa pag-ikot po natin sa buong bansa ay nakikita ko ang mga problema at nasasabi ko rin sa inyo ang aking mga nagawa bilang Pangulo ng Senado. Iyan po ay nais nating ipagpatuloy sa darating na mga panahon at iyon pong natanggap ko na pinakamataas na trust rating sa lahat ng government officials at pinakamataas na approval rating sa lahat ng mga senador, iyan po ay mga bagay na aking sinesoryoso at nagsisilbing hamon para lalo ko pang pag-ibayuhin ang aking trabaho upang sama-sama nating mai-ahon sa hirap ang ating mga kababayan.

News Latest News Feed