Press Release
April 20, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (RMN)

Mr. Senate President,kumusta na po ang inyong pag-iikot sa mga palengke?

SPMBV: maganda naman ang resulta at diyan ko nabuo ang programa na pagtutuunan ko ng pansin pag ako ay mahalal muli. Marami pa tayong dapat gawin sa kabila ng pagkakapasa natin ng napakaraming panukala mula nang ako ay maging pangulo ng Senado. Gayunman, nakikita ko na marami pa tayong dapat gawin lalo na ang marami nating mga palengke sa bansa na nangangailangan ng tulong pisikal. Yung iba walang suplay ng tubig. Marami din sa mga nagtitinda sa palengke ang kulang ang puhunan dahil wala silang mautangan na mura ang interes. Ito ang dapat bigyan ng espesyal na atensyon ng ating pamahalaan dahil ang mga nagtitinda sa palengke ang magiging pundasyon ng paglago ng kabuhayan ng mga mangangalakal sa bansa o maliliit na negosyanteng Pinoy. Kailangan nating tulungan ang mga nagtitinda sa palengke at iyan ay kasama sa mga programang isusulong ko kapag ako ay nakabalik sa Senado. Kasama na rin diyan ang aking pagsusulong para sa pag-lago ng sektor ng agrikultura para makapag-create ng mga bagong trabaho at makatulong sa pagresolba sa kagutuman.

Senator, baka po maaari niyo ring pagtuunan ng pansin ang mga ambulant vendors sa mga gilid-gilid ng palengke na gusto ring mabuhay ng marangal. Sila po ay nagnenegosyo pero unfortunately di sila nabibigyan ng sapat na atensyon.

SPMBV: Totoo iyan, dahil yung palengke, sa sobrang kaliitan ay talagang di na makaya at kinakailangan na ng expansion para magkaroon ng pwesto ang ibang gusto ring maghanapbuhay. Dapat talagang palakihin na ang facilities ng maraming palengke para ma-accommodate yung mga nasa labas. Para din maging patas sila nung mga nagtitinda sa loob ng palengke. Dapat bigyan din sila ng pagkakataon para hindi na sila palaging hinahabol.

Ano po ang inyong reaksyon sa pamamayagpag niyo ngayon sa mga surveys?

SPMBV: Natutuwa ako sa resulta ng mga surveys. Ang mahalaga sa akin ay iyong dalawang surveys na ginawa para sa performance ko sa Senado at nakuha ko ang pinakamataas na approval rating sa lahat ng mga senador. Ito ay pinapahalagahan ko dahil ito ang aking score bilang senador at Senate President. Mahalaga din sa akin yung nakakuha ako ng pinakamataas na trust rating o pagtitiwala sa lahat ng government officials. Yung dalawang iyan ay nakakataba ng puso at nagsisilbing hamon sa akin para lalo pang pag-igihin ang trabaho at lalo pang makatulong sa paglutas ng ating mga suliranin.

Ano po ang masasabi ninyo sa pagkwestyon sa mga ginagawang surveys?

SPMBV: Yung mga nagsasabi lang naman na masama ang resulta ng surveys ay yung talo sa surveys. Noon pa naman iyan. Sa buong mundo naman kasi,kinikilala ang mga surveys na mahalagang bagay at karamihan sa mga ito ay totoo. Kung wala silang tiwala sa mga surveys, ang maipapayo ko lang ay pwede nilang i-average yung credible at scientifically-done surveys. Halimbawa yung sa Pulse Asia at SWS, pwedeng i-average iyan para magkaroon ng mas maliwanag na picture kung ano ang iyong estado. Pero karamihan naman sa mga pumupuna sa surveys ay naniniwala din at ginagawa din nilang guide para sa kampanya.

Isa siguro sa dahilan kung bakit kayo namamayagpag sa surveys dahil sa maganda niyong trabaho lalo na itong hospital detention bill na kayo ang main author. Congratulations po dahil iyong mga pasyente na walang pambayad ay di na lalong magpo-problema sa paglaki ng bill.

SPMBV:Iyan talaga ang binigyan natin ng atensyon dahil nakaka-awa ang mga nade-detain na pasyente dahil di makabayad sa ospital. Ang ganyang klaseng practice ay walang puwang sa ating lipunan. Hindi talaga dapat i-detain ng mga ospital ang sinuman dahil lamang hindi ito makabayad. May ibang paraan para gawin ito at ako ay natutuwa na kahit paano,ako ay nakatulong sa ating mga kababayan.

News Latest News Feed