Press Release
April 21, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar (DZRH)

Napakaraming naganap nitong mga nakaraang araw. Unahin po natin Mr. Senate President ang insidente ng pagpugot ng Abu Sayyaf sa kanilang bihag na pitong construction worker, ano po ang reaksyon niyo tungkol dito.

SPMBV: Napakabigat na pangyayari iyan at kailangan nating gumawa ng hakbang para mabigyan natin ng hustisya yung mga napugutan ng ulo. Balik na naman ang mga ganitong karumal-dumal na gawain at obligado ang AFP na gumawa ng paraan, dahil kung hindi ay mawawalan ng tiwala ang ating mamamayan. Ito ay tahasang paghamon sa ating Armed Forces. Kailangan nating palakasin ang AFP dahil mistulang hindi iginagalang ang ating AFP.

Walang pagpapahalaga sa buhay ng tao ang mga bandido, dapat siguro, pinupulbos na ito ng gobyerno, Mr. Senate President.

SPMBV: Kailangang talaga ang all-out campaign. Dahil kung hindi pinigil ngayon iyan, lalo pang lalakas ang loob ng mga bandido.

Problema talaga ng Mindanao ang peace and order

SPMBV: Iyan ay malaking problema at isang kadahilanan kung bakit di dumarating ang investment sa ilang bahagi ng Mindanao. Kapag hindi agad nalutas ang suliraning ito,magtutuloy sa kahirapan ang mga residente doon.

Ano naman po ang masasabi ninyo Mr. Senate President, sa pagkamatay ni Julia Campbell?

SPMBV: Napahiya tayo doon. Nakakaawa naman ang pamilya ni Julia. Ang magagawa natin diyan ay bigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay sa lalong madaling panahon. Sa ganitong paraan,at last mababawasan ang sinapit nating kakayahan sa pangyayaring iyan.

At saka yung paliwanag siguro na isolated lamang kung napag-uusapan ang ating mga turista

SPMBV: napahiya talaga tayo diyan. Wala tayong magagawa diyan kundi bawasan ang sakit at damage na nangyari. Dalawa iyan, bigyan ng hustisya ang pagkamatay at mahuli agad ang suspect. Tayo ay mag-apologize,ayusin natin at bigyan pa ng dagdag na seguridad ang mga lugar na puntahan ng mga turista.

Importante talaga na mabigyan ng sapat na seguridad lalo na ang mga liblib na lugar na madalas puntahan ng mga turista.

SPMBV: tama iyan. Mahalagang ma-reinforced and seguridad sa mga lugar na iyan para maging panatag ang loob ng mga turista.

Tungkol po sa nangyaring brownout sa Metro Manila nitong nakakaraang araw, hindi po ba ito nakakabahala Mr. Senate President, considering na nalalapit na ang eleksyon?

SPMBV: Nakakabahala talaga iyan. Di natin malaman kung iyan ay sinasadya o talagang nangyari. Bagamat siniguro na ng Napocor na hindi na uli mangyayari iyan, di pa rin maiiwasan na mag-alala at mabahala ang ating mga kababayan. Indikasyon din iyan ng estado ng ating power industry, maaaring kinakapos na rin ang suplay ng ating enerhiya. Dalawa lang ang posibleng dahilan sa nangyari: maaaring may problema ang industriya ng ating kuryente o practice na ito.

Ang senado sa ilalim ng inyong liderato ay gumawa na ng mga imbestigasyon tungkol dito sa performance ng Napocor,hindi po ba?

SPMBV:matagal na nating iniimbestigahan iyan. So far, gumaganda ang kanilang pananalapi ngayon dahil itinaas nila ang presyo ng kuryente, kaya nakakabawi sila.

Ang isang nakakabahala ay iyong mga napapaulat na anomalya sa Napocor partikular sa punto ng privatization

SPMBV: Pag talagang napag-uusapan ang Napocor ay di nauubusan iyan. Tuwing mag-iimbestiga kami, may lumilitaw na bagong anomalya. Di naman kami titigil sa pag-iimbestiga. Napakalaking government corporation ang Napocor at gusto nating maisaayos ito.

Maraming nagsasabi na dapat sana ay nagbababa ng singil sa kuryente dahil gumaganda naman ang lagay ng piso kontra dolyar, pero sa halip, malawakang brownout ang nararanasan natin.

SPMBV: tama iyan. Malaking dahilan kung bakit mas gumanda ang tubo ng napocor at mabawasan ang kalugian, ay dahil mas bumaba ang kanilang interes dahil sa paganda ng exchange rate at pagbaba ng interest rates ng mga bangko. Pero sa kabila niyan,hindi naipapasa sa ating mamamayan yung savings at ang matindi, nagkakaroon pa rin tayo ng brownout.

Kagabi po ay lumaya na si dating Sen. Gringo Honasan sa pamamagitan ng pagpiyansa. Ano po ang tingin niyo dito?

SPMBV: sa akin okey lang iyon. Kaibigan ko naman iyan si Greg. Hayaan na lang siyang magkampanya at bigyan natin ng pagkakataon ang taumbayan na magbigay ng kanilang opinion tungkol kay Greg para nang sa ganoon ay hindi masabing hindi nabigyan ng pagkakataon na magkampanya si Greg. Hayaan natin ang tao, sila ang magbibigay ng opinion kung may sala o wala si Greg.

Kayo po ay nandiyan ngayon sa Calasiao, Pangasinan, kumusta naman po at ano ang idinadaing sa inyo ng mga tao?

SPMBV: maganda ang pagtanggap sa akin dito. Sa lahat ng mga napuntahan ko, kahirapan talaga ang pangunahing suliranin at ito ay di natin maikakaila lalo na sa sektor ng agrikultura. Kaya naman dapat bigyan ng atensyon ang agri sector dahil karamihan ng ating mga kababayan ay sa agrikultura pa rin umaasa.

Ano po ang inyong mensahe sa taumbayan, Mr. Senate President?

SPMBV: sa ating mga kababayan, alam ko po na matindi ang matindi ang ginawang trabaho ng Senado nitong nakaraang taon simula nang tayo ay maging Pangulo, subalit marami pa tayong dapat pagtulung-tulungan at sana ay magkaroon po ako ng pagkakataon na magawa ko iyon at makasama uli ninyo sa pagtulong sa paglutas sa kahirapan at iba pang suliranin ng bansa.

News Latest News Feed