Press Release
June 7, 2007

Sa gitna ng mga pagsubok
SENADO, NANATILING TAPAT SA SAMBAYANG PILIPINO -- VILLAR

Ipinagmalaki ni Senate President Manny Villar na ipinakita ng buong Senado ang pagiging independyente at ang kahalagahan ng institusyon sa gitna ng matitinding pagsubok na hinarap nitong ika-13 Konggreso. Ang Senado ay nanatiling tapat sa sinumpaan nitong mga tungkulin sa sambayanan, pahayag ni Villar sa kaniyang talumpati sa sine die adjournment ng Senado.

Pinasalamatan ni Villar ang mga kapwa senador na nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na pamunuan ang kapulungan sa ikatlong regular na sesyon.

Malaking karangalan para sa akin na pamunuan ang mga mahuhusay na kalalakihan at kababaihan sa Senado na kaisa ko sa adhikain na isulong ang pambansang interes, ani Villar.

Ayon kay Villar, maraming pagsubok na hinarap ang Senado sa mga nakaraang taon tulad ng pagpapabuwag dito at ang pagyurak sa kapangyarihan nito na magsiyasat sa mga anumalya at kontrobersya.

Marami ang nagtangka na harangin ang ating mga imbestigasyon at mayroon pang nagtangka na ipabuwag ang Senado. Nanganib ang ating institusyon subalit sa mga puntong ito, pumanig sa atin ang Korte Suprema at ang taumbayan, pahayag ni Villar.

Sinabi ni Villar na sa pagpapakita ng paninindigan ng Senado sa mga naging kontrobersya, nanatili ang mataas na pagtingin sa kapulungan.

Kasama nating nanindigan ang sambayanan sa ating pagharap sa mga pagsubok at malaki ang dapat nating ipagpasalamat dito. Ang paghahalal ng ating mga kababayan ng mga bagong senador sa katatapos na eleksyon ay hindi maitatangging testimonya ng pagkilala sa kapulungang ito, diin ni Villar.

Sa kaniyang talumpati, inihayag ni Villar na naging masigasig at masipag ang kapulungan sa paglikha ng mga batas na tumutugon sa pangangailangan ng ibat ibang sektor.

Tinukoy ni Villar na sa ikatlong regular na sesyon ng Senado, pinagtibay nila ang 169 na mga panukalang batas, 51 ang para sa pambansang aplikasyon at 118 para sa local na aplikasyon.

Sa kaniyang talumpati, kinilala at pinapurihan ni Villar ang mga kapwa senador, ang mga staff at secretariat ng kapulungan na aniya ay sama-samang nagtrabaho ng may buong dedikasyon at katapatan para sa record-setting na mga nagawa ng Senado.

Isa-isa ring pinapurihan ni Villar ang mga kasamahang senador na papatapos na ang ikalawang termino sa senado na sina dating Senate President Franklin Drilon, Senate President Pro Tempore Juan Flavier, Senador Ramon Magsaysay Jr. at Senador Sergio Osmena III.

Kinilala rin ni Villar ang mga kontribusyon sa lehislasyon nina Senadora Loi Ejercito Estrada na hindi na tumakbo para sa reeleksyon at Senador Alfredo Lim na nanalo sa pagka-alkalde ng Maynila. Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, sinabi ni Villar na marami pa silang kailangang harapin at gawin upang matugunan ang kahirapan, kawalan ng katarungan, katiwalian at mga burukrasya.

Marami pa tayong kailangang gawin at harapin. Maraming balakid sa landas ng hinaharap para sa pag-unlad tulad ng kahirapan, kawalan ng katarungan, katiwalian at ang magulong burukrasya. Dahil dito, kailangan natin ng bagong pagsisikap at bagong pag-asa para sa magandang kinabukasan para sa ating lahat, ani Villar.

News Latest News Feed