Press Release
August 13, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar

Q: On amnesty

SPMBV: Ang amnesty ay isang bagay na pinag-aaralan din nating mabuti. Ipinapa-review ko iyan sa aking mga abugado. Sa bagay na ito, syempre dapat kunsultahin din ang mga may kinalaman dito. Malaking bagay naman iyan syempre, gawin natin ang lahat ng puwede. Mas maganda sana kung ma-acquit na lang ang Pangulong Erap Estrada, kung ito iyong isang paraan na nakakaganda rin, puwede naming gawin ito. Sa ngayon, hindi pa ako handang sabihin kung ito ay gagawin ng Senado o hindi, kung magpa-file kami o hindi. Ito ay isang bagay na dapat pag-aralan munang mabuti. Syempre, kinakailangan dito ang opinion ng Dating Pangulong Estrada.

Q: Hindi ba parang pre-conditioning ito?

SPMBV: Wala namang masama na tingnan natin ang lahat ng posibilidad. Walang masama na tingnan natin ang lahat ng posibleng paraan para magkaroon ng hindi pangit na pangyayari itong desisyon, kung lalabas man. Walang masama kung titingnan natin ang lahat ng posibilidad. Syempre, magkabilang-panig iyan. Sa amin, mas gusto na lang sana namin ay ang acquittal. Subalit kung hindi mangyayari iyan, nakahanda naman kaming rebyuhin ang lahat ng options para sa Pangulong Estrada. Kaya nga pinapa-study ko sa aking mga abogado ito dahil hindi naman ito pwede sa isang particular na tao. Ito ay isang grupo ng tao dapat sa aking pagkakaintindi ng batas na magkakaroon ng amnestiya. Dito ay may katanungan kung sinu-sino ang kasama diyan at ano ang kanilang pagkakapare-pareho. Kasi halimbawa, kung pati sina Senator Trillanes ay makakasama, mas maganda na rin iyan. Subalit ang mga bagay na ito ay dapat talagang pag-aaralan. Huwag padalos-dalos at kahit papaano, mahalaga rin dito ang opinion noong maaapektuhan. Sa lahat dito, ang isang tao na dapat tanungin natin ay ang Dating Pangulong Erap Estrada. Syempre pinakamalaki ang weight ng kanyang sasabihin sa proposal na ito.

Q: Pero normally ang amnesty ay applied sa mga wala pang conviction?

SPMBV: Puwede naman sa pangkalahatan na, kung sasabihin mo halimbawa na lahat ng dating Pangulo ng Pilipinas, ganyang general grouping, puwede mong sabihin iyan. Ang hindi lang puwede rito, isang particular lang kaya kailangang ayusin ito na gagawa ka ng sinong grupo ang bibigyan mo ng amnestiya, what do they have in common? Puwedeng gawin ito kung ito ang makabubuti.

Q: Puwede rin bang makasama?

SPMBV: Kunwari kung ang gusto ng Dating Pangulong Estrada ay acquittal, maaaring hindi niya gusto ito. Hindi natin masasabing ito ang gusto niya. Maski mag-offer ang Kongreso ng ganito ay hindi natin masasabi kung gusto niya sapagkat maaaring acquittal ang kanyang kagustuhan. Hindi naman sinasabing hindi makakasama. Kaya lang, may mga tao na mas gusto ang acquittal kung naniniwala naman sila talaga na wala silang kasalanan ay ayaw nila ng amnesty, mas gusto nila ang ma-acquit na lamang. Ito ay isang bagay na kinakailangang tanungin din natin ang kanilang opinion.

Q: Posible ba itong win-win solution ng Malacañang?

SPMBV: Hindi lang naman Malacañang ang nag-iisip nito. Marami ring tao ang nababahala sa posibleng mangyari paglabas ng verdict diyan. Hindi lang naman Malacañang ang concerned dito. Marami rin talagang concerned din at naguusap-usap din kung ano ang mabuting paraan at hindi magiging madali. Unang-una, walang nakakaalam kung ano ang magiging verdict. Marami ang nage-espekula lamang kung ano ang magiging verdict at iyon ang gagawaan ng strategy, depende sa verdict na lalabas. Pero sa ngayon, wala namang nakakasiguro kung ano ang lalabas na pasya ng hukuman.

Q: Sa inyo, mas gusto ninyo na hintayin na lang muna?

SPMBV: Hindi naman. Ang sa akin dito, kagaya ng sinabi ko kanina, mahalaga iyong maapektuhan. Kasi madali sa ating magsabi hindi naman tayo kasi. Kaya sa akin, ang pinakamahalaga dito ay iyong mabibigyan ng amnestiya ay makuhanan din ng pananaw at tanungin kung ano ang kanilang pananaw dito sa proposal na ito.

Q: On Commission on Appointments

SPMBV: Sa CA, malapit nang matapos iyan. Actually, meron na kaming proposal. Halos lahat naman ay sang-ayon na. Siguro ay ipo-formalize na lamang ito sa darating na araw, maaaring bukas o sa makalawa. Pero definitely itong linggong ito ay bubuuin na ang CA at bubuuin na rin ang Senate Electoral Tribunal. Mahalaga na mabuo na itong dalawang office na ito dahilan sa pareho namang naghihintay ng trabaho. Sa CA, marami nang naghihintay ng confirmation. Sa SET, alam natin na merong kaso na naghihintay diyan, iyong kaso ni Senator Zubiri at kaso ni Atty. Koko Pimentel.

Q: Paano po ang hatian?

SPMBV: Sa CA, iyon lang ang pag-uusapan whether by majority-minority or by party. Merong nagsasabi kasi na by party at merong nagsasabi na by majority-minority. Ang sa akin ay nahahanda kami sa parehong alternatibo na iyan. Meron kaming proposal. Actually, konti lamang ang pagkakaiba. Parang nakikita ko na minor lamang ang diperensya kung gagawing by party o kung gagawing majority-minority.

Q: Anong formula ang ginamit ninyo?

SPMBV: By proportion ito, parating by proportion ito. Kung majority-minority, by proportion sa number of senators. Kung by party naman, by proportion din. Itong CA mathematical formula lang iyan. Wala namang subjectivity diyan, talagang may formula diyan. Susundin natin ang mathematical formula sa pag-divide ng CA at saka ng SET.

Q: Walang pumiyok?

SPMBV: Basta ganyan alam naman natin ang rule diyan, di naman talaga sasaya ang lahat. Basta ang importante lang, masaya ang karamihan. Sana masaya lahat pero alam natin na imposible naman iyon. Syempre merong malulungkot diyan, merong hindi. Basta naman naiintindihan nila na sa isang parliament na kagaya nito ay mahalaga lamang na ang higit na nakararami ay kuntento na.

Q: On presidential survey?

SPMBV: Wala naman, kasi ang mga survey naman na ganito pa kalayo ay irrelevant din iyan. Although maaaring relevant sa ibang tao. Nasasatao na lang iyan kung siya ay maapektuhan ng survey na three years before the event o hindi. Iyong ibang tao, magre-react, iyong ibang tao hindi. Kanya-kanya nang diskarte iyan. Kanya-kanya nang approach iyan. Iba-iba ang epekto niyan sa iba't-ibang mga tao. Kasi iyong tatlong taon ay napakatagal na panahon pa at napakaraming mangyayari diyan.

Q: Pero you are saying na mahalaga na kasama ka sa tambiolo?

SPMBV: Kung kasama ka sa nandoon, at least kung baga sa lottery kasama ka na sa tambiolo, at least okay na iyon. Magta-trabaho ka na lang from there. Ang mahirap, kung wala ka pa sa tambiolo, syempre marami-raming trabaho pa iyan.

Q: Or too late?

SPMBV: May 2016 pa naman. Kapag wala ka pa sa tambiolo ngayon, baka 2016 ka na.

Q: Paano ninyo pag-uusapan ni Kabayan ang possibility na the two of you will run?

SPMBV: Ayoko pang pag-usapan maski anong possibility rito dahil ako, believer ako sa tamang timing ano man ang aking gagawin. Kung tatlong taon pa, masyadong matagal pa para mag-isip ng dapat kong gawin. Sa akin, ang gagawin mo ngayon, sakaling hindi mo na matandaan three years from now. Kanya-kanyang paniniwala iyan. Hindi ako naniniwalang at this time, may relevance ang ganyang mga surveys.

Q: But as good friends, nagsasabi ba si Vice

SPMBV: Basta kami ni Vice, we are very good friends. In fact, hindi lang siya pati naman iyong ibang ang mga pangalan ay nandoon ay mga kaibigan pa rin natin. Parang wala namang point na pagka-diperensyahan ang isang bagay na hindi nyo alam kung mangyayari.

Q: Sa CA, if you will use the party formula, both you and Senator Alan will have a seat, kasi automatic ang sa inyo; LP is entitled to one seat.

SPMBV: Totoo iyon. Pero kami naman ay nahahandang magbigay. Hindi naman kami ganyan. I'm sure puwedeng pag-usapan iyan. Doon naman sa mga maaagrabyado ay willing naman kaming mag-accommodate din. Hindi naman automatic iyan at sasamantalahin namin iyong pagkakataon na iyon na ang Nacionalista ay entitled sa isang seat. Willing kaming ibigay iyon sa maaagrabyado sa hatian.

Q: Sino kaya iyon?

SPMBV: Wala naman. Kung agrabyado ka o hindi ay nasa isip mo lang iyon talaga.

Q: Allowable naman iyong second term ng vice president

SPMBV: Maaga masyado iyan. Ako nga hindi ko na matandaan ang nangyari three years ago kaya nakikita ko iyong irrelevance of this dahil sa iyong ginawa mo three years ago, parang irrelevant na ngayon. Ganyan din ang mangyayari sa 2010. Iyong panahon ngayon, magiging irrelevant na iyan.

Q: Do you want to comment on the military's series of losses?

SPMBV: Dapat nang mag-meeting ang National Security Council at sa palagay ko, seryoso na itong nangyayari sa Southern Philippines. Isang bagay ito na hindi natin puwedeng bale-walain. Hindi na isang aksidente lamang ito. Ito ay isang bagay na kinakailangan nang harapin ng buong bansa at lahat ng lider ng bansa ngayon ay dapat na mag-usap-usap kung paano haharapin itong problema na ito na maaaring lumala. May mga bagay-bagay na hindi natin puwedeng balewalain. Hindi naman natin pwedeng ignorin ito. Ayaw nating mag-overreact dito. Ayaw natin na maging mainit ang ulo natin dito subalit mahalaga rin na ang ating Armed Forces of the Philippines ay igagalang sa ating bansa. Hindi naman puwedeng hindi igagalang ang ating AFP. Maraming dapat gawin dito kagaya ng pagpapalakas ng AFP na parati namang sinasabi tuwing may mangyayaring ganito subalit hindi naman nari-release ang pondo. Kaya ngayon ang pinakamahalagang mangyari, bukod sa magmi-meeting ang mga lider ng bansa, dapat mag-release na ng pera para sa modernization ng ating AFP at nang sa ganoon hindi naman sila naaagrabyado sa mga ganitong pangyayari. Meron tayong modernization program, dapat ito ay maimplementa in full at masimulan na ngayon. Mahalaga iyong meeting pero mahalaga rin naman na ma-release na ang dapat ma-release. Talagang nakikita ko na walang choice, talagang kailangan nating palakasin ang AFP. Hindi dahil gusto nating gumawa o magkaroon ng gulo, kungdi sa palagay ko, ito ang paraan din para makaiwas tayo sa gulo.

Q: Equipment lamang ba iyon sir?

SPMBV: Hindi naman lang equipment iyan. Ako ay naniniwala sa kakayahan ng ating Armed Forces. Kaya lamang, syempre minsan kapag mas kinakatakutan ang isang grupo, mas naiiwasan ang away.

Q: Iimbestigahan pa ba ng Senado ang lapse ng ground commanders?

SPMBV: Sa isang bagay na ganito, napakahirap na magsisisihan tayo. Ito ay isang bagay na seryoso at hindi dapat balewalain. Kapag mga ganitong pagkakataon, dapat pag-mitingan mabuti ito kung ano ang magiging approach natin dahil sa hindi na aksidente ito. Hindi na simpleng bagay at ayaw nating magkamali. Mahalaga na sa pagharap dito sa problemang ito, united ang liderato ng ating bansa. Normal naman sa strategy na kapag overwhelming ang force, mas nakaka-discourage ang mga gulo. Pero kung kulang ang equipment, mas nagkakaroon ng maraming aksidente kagaya nito.

Q: Iyong leadership ng AFP parang minama-liit nila? Kasi kung hindi natatakot

SPMBV: Kaya nga kailangan pag-usapan natin. Hindi natin masasabing sa leadership lang ng AFP. Maaaring may ibang motibo itong mga gumagawa nang ganito na parang naghahamon. Dapat ay basahin nating mabuti kung ano ang motibo ng gumagawa nito baka tayo ay pumupunta doon sa gusto nilang puntahan natin. Siguraduhin muna natin kung ano talaga ang motibo ng mga taong ganito na bigla na lamang gumawa ng mga ganitong provocation.

Q: Mas preferred nyo na mag-meet nng NSC kaysa mag-imbestiga ang Senado?

SPMBV: Ang gusto ko lang ay maintindihan natin itong nangyayari, ma-brief tayo talaga kung ano ang nangyayari at harapin ang problemang ito nang buo ang bansa nang hindi nagsisisihan. Wala namang problema kung iimbestigahan pa rin ito, hindi naman problema na tingnan natin ito, ang mahalaga lamang dito maiintindihan natin kung ano ang nangyayari talaga. Noong una, parang maraming nagsasabi sa atin na aksidente ito pero ngayon nangyari na naman, hindi na siguro aksidente ito. Kailangang malaman na natin talaga ang puno't dulo at ang motibo ng mga pangyayaring ganito. (end)

News Latest News Feed