Press Release
August 14, 2007

Transcript of Interview with Senate President Manny Villar (DZBB)

Ano po ang reaksyon ninyo sa panukalang amnesty?

SPMBV: Well, wala pa namang desisyon sa kaso ni Pangulong Estrada bagama't isa ako sa mga umaasa na maa-acquit siya. Premature pa itong pinag-uusapang isyu bagama't ito ay isang option na pwedeng mangyari kung saka-sakali. Ito ay isang bagay na dapat nating pag-aralan ng mabuti dahil di ito simple. Unang una, sino ang dapat na makasama dito, isa pa, papayag ba naman ang Pangulong Estrada dito kung may verdict na, eh wala pa naman. Yung procedure talaga dito, ang pangulo normally ang nagbibigay ng amnesty at nag-aagree lang ang kongreso. Pero ang bagay na ito ay pinag-aaralan na rin namin na posibleng option balang araw. Mahalaga din dito na konsultahin ang mga apektadong tao.

Ang ibig niyong sabihin, masyado pang maaga na ito ay pag-usapan pero ipinag-utos na rin niyo sa inyong mga tauhan na pag-aralan na dahil pati si Sen. Trillanes ay sakop din daw nito.

SPMBV: Di pa maliwanag kung sino ang mga kasama dito maliban sa binabanggit ni Speaker de Venecia na sina Pangulong Estrada at Sen. Trillanes. Kung matutuloy man ang amnestiya, syempre gusto ko na makasama yung dalawa. Mahaba pa kasing proseso ito at ito ay isang proposal na palagay ko ay nagpo-float lang ng trial balloon si Speaker. Walang masama na pag-usapan ito pero mahalaga sa ganitong mga bagay ang opinyon ng mga taong apektado.

So dapat pati yung mga taong masasakop ng amnestiyang ito ay isama sa konsultasyon?

SPMBV: Tama iyan. Baka nga ngayon sinasabi nila na ayaw nila iyan, sasabihin nila na di pa naman kami guilty. Kaya sa aking palagay, marami pang dapat gawin pa dito na paghimay.

Kumusta po ang trabaho ng Senado lalo na yung mga panukalang pagpapababa sa presyo ng gamot at pagpapababa sa singil sa kuryente?

SPMBV: Mas mabilis siguro yung sa gamot kasi ipinasa na namin iyan noon, di lang napasa ng mababang kapulungan. Iba kasi ang kanilang bersyon . Sinasabi nila na yung bersyon nila ang talagang makakapagpababa sa presyo ng gamot.

Nai-file na ho uli iyan ni Sen. Mar Roxas?

SPMBV: kaya nga sa kanya rin ibinigay ang komite na siyang tatalakay nito para mas maging mabilis ang pagtalakay niyan. Palagay ko, mabilis na iyan kasi pinasa na namin iyan last Congress. Kaya lang, dapat din namang pakinggan yung mga kongresista na nagsasabing iyong kanilang bersyon ang talagang makakapagpababa sa presyo ng gamot at mukha namang totoo.

Yun pong EPIRA Law?

SPMBV: Yun ang medyo baka matagalan ng konti pero nakahanda na kaming talakayin iyan. Nasa Committee on Energy na iyan sa pamumuno ni Sen. Miriam Santiago. Kami naman sa Senado ay handang handa na para umpisahan ang pagtalakay sa usapin na iyan.

Nagta-trabaho na ba yung mga komite sa Senado Mr. Senate President?

SPMBV: Dalawang linggo ang kinailangan namin para maorganisa kami at iyan naman ay mabilis na iyan kumpara sa mga nagdaang panahon. Ngayon, tuloy pa rin yung pagpili namin ng mga members sa CA at SET para makakilos na kami. Sa ngayon, kinakausap na ng mga committee chairmen ang kanilang mga committee secretary at nagpa-prioritize na sila ng mga batas na uunahin nila dahil daan-daan ang mga panukalang nakahain na sa Senado. All set na ang senado na magtaas ng level ng produksyon ng mga panukalang dapat naming pagtibayin.

Kumusta nga pala ang JPEPA? Ano po ang mangyayari doon?

SPMBV: Iyan ay mabigat na problema subalit pinag-uusapan na iyan Committee on Foreign Relations. Mayroong proposal si Sen. Miriam na gawing Committee on the Whole ang pagtalakay sa JPEPA. Ako ay naghihintay pa ng kanyang rekomendasyon sa bagay na ito. Mas maganda kung komite na lang niya para maharap ng ibang komite ang kanilang mga trabaho.

(end of interview)

News Latest News Feed