Press Release
August 21, 2007

ISANG TERMINO LAMANG PARA SA JBC
REGULAR MEMBERS, HINILING NI NOYNOY

INIHAIN kahapon ni Senador Benigno "Noynoy" S. Aquino ang isang panukalang magbabawal sa isang miyembro ng "Judicial Bar Council (JBC)" na mare-appoint sa naturang konseho, makaraang makapaglingkod ito sa kabuoang apat na taon ng kanyang termino.

Layon din ng panukalang batas na pag-ibayuhin ang kasarinlan ng kapangyarihan ng JBC na siyang nagrerekomenda ng listahan ng mga nominado sa Pangulo ng bansa, kung saan hinihirang ng huli ang mga kagawad ng nasabing konseho.

Ayon kay Noynoy, kung maipapasa ang panukala, hindi maoobliga ang JBC na magnomina ng mga indibidwal base sa "political considerations" para na rin sa hangaring mare-appoint ng Pangulo at sa halip, mga merito at kwalipikasyon ang kanilang pagbabatayan.

Sa ilalim ng umiiral na batas, partikular ang Section 8 par. (2), Article VIII ng Saligang Batas 1987, ang Presidente ang siyang nagtatalaga ng regular na miyembro ng JBC buhat na kinabibilangan ng mga sumusunod: 1) representante ng Integrated Bar of the Philippines; 2) propesor ng batas; 3) retiradong miyembro ng Korte Suprema; at 4) representante mula sa pribadong sector.

Sa ilalim rin ng naturang artikulo ay nakasaad ang "ex-officio members" ng JBC - ang Punong Hukom ng Korte Suprema, ang sekretaryo ng Kagawaran ng Hustisya at ang representante ng Kongreso.

Isa pang hangarin ng panukala ni Sen. Aquino ang pagbibigay ng ng pagkakataon sa iba pang mga may kakayahan at magagaling na abogado ng bansa na makapaglingkod sa JBC, upang hindi matuon sa iilan lamang.

"In the end, enhancing the independence of the JBC by avoiding political considerations and providing equal access and opportunity to public office will strengthen the independence of our judiciary, ultimately promoting the fair administration of justice in this country," paliwanag pa ng senador.

News Latest News Feed