Press Release
August 22, 2007

Transcript of radio interview (DZBB) with Senate President Manny Villar

Tuloy na po ang pag-convene sa senado bilang committee of the whole para imbestigahan ang privilege speech ni Sen. Lacson tungkol sa Hello Garci Tape?

SPMBV: Marami kasing komite na gustong pagpasahan ng imbestigasyon kaya't napagkaisahan na lang na ibigay sa committee of the whole. Tatalakayin natin ito at maaaring next week na gawin ang unang hearing. Nakiusap kasi si Sen. Lacson na yung kanyang witness ay kailangang makapagbigay agad ng kanyang statement para di malagay sa panganib ang kanyang buhay.

Mr. SP, ano po ba ang aasahan ng taumbayan sa imbestigasyon ng committee of the whole?

SPMBV: Gagawin namin itong tuloy-tuloy ngunit gusto kong i-assure ang taumbayan na hindi mababalam ng imbestigasyon na ito ang ibang trabaho ng senado. Hangga't maaari, ang hearing ay gagawin sa aming spare time para hindi nito mabalam ang regular at karaniwang trabaho sa senado. Yung JPEPA at ibang panukala, tuloy din ang pagtalakay sa mga iyan.

Mabuti at nabanggit niyo yan Mr. SP dahil maraming nagtatanong kung paano na ang ibang priority measures katulad ng pagpapababa sa presyo ng gamot at pagpapababa sa singil sa kuryente?

SPMBV: Tuloy-tuloy po iyan. Iyan naman pong mga panukalang iyan ay nasa komite pa lamang kaya ginawa namin na committee of the whole ang gagawing pagdinig sa speech ni Sen. Lacson dahil wala pa rin kaming masyadong trabaho sa ngayon. Lahat ng mga panukala ay nasa mga komite pa kaya't tamang-tama ang pagkakataon na ito para paglabas ng mga panukala sa mga komite, posibleng patapos na rin ang pagdinig ng committee of the whole. Gaya ng sinabi ko, hindi ko hahayaan na ang ganitong mga imbestigasyon ay maka-antala sa ibang trabaho ng senado. Committed po kami na magkaroon ng mataas na produksyon ang buong senado.

Saan po ba mapupunta ang imbestigasyon na ito sa kalaunan? Anong klaseng resulta ang posible nitong kalabasan?

SPMBV: Mahirap sabihin agad iyon. Ang objective natin dito ay lumabas ang katotohanan para marinig ng ating mga kababayan ang buong pangyayari. Kung mayroong mga dapat kasuhan, kakasuhan natin. Depende iyan sa mga maririnig natin na kanilang sasabihin. Kung wala namang basis ang kanilang sasabihin, wala rin kaming mairerekomendang kaso. Kung may basis, obligasyon ng komite na magrekomenda ng prosecution.

Aasahan po namin Mr. SP na di mapapabayaan ang mga priority bills ng senado sa pag-iimbestigang muli sa Hello Garci Tape.

SPMBV: kung kinakailangan naming mag-overtime, gagawin namin dahil gusto ko talaga na maraming produksyon at maraming maipasang batas ang senado.

end of interview

News Latest News Feed