Press Release
September 21, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny
Villar (Damdaming Bayan - Joe Taruc & Karen)

Q: Mukhang nagkabiglaan kayo kahapon sa Senado?

SPMBV: Oo nga eh, nagulat kami sa dami ng dumating na mga Cabinet members pero sinabi ko naman na mabuti naman at dumating sila dahilan sa maganda rin yung ganyan na may respeto yung executive department sa isang co-equal branch at nililiwanag ko naman na kami ay hindi naghahanap ng away. Ang gusto lang naman namin ay makatanggap ng mga paliwanag pero maganda rin para sa ating bansa yang ganyan na may cooperation sa magkabilang panig.

Q: Kahit papano yun po ang positive development na nangyari kahapon?

SPMBV: Sana magtuloy-tuloy iyon, at kahapon ako ay nagpasalamat sa kanila at sana ay hindi lamang dito sa broadband itong ginawa nila at maging sa ibang hearing, para kahit papano ay magkaroon ng transparency itong ating bansa at siyempre mas panatag ang mga kababayan natin kung makikita nila na iyong mga cabinet members ay nagpapaliwanag sa kanilang ginagawa at sinasagot yung mga tanong ng mga ibang sektor ng lipunan.

Q: Sa maraming pagkakataon, napakarami nating ipinatawag na miyembro ng gabinete pero hindi nakasisipot sa mga hearing. Pero kahapon, pati iyong mga hindi ipinatatawag ay nagpuntahan lahat.

SPMBV: Talagang nagulat kami pati yung mga hindi kasama pero mabuti na rin yan at sana ay magtuloy-tuloy yan dahil sa ito ay napakalaking bagay sa ating bansa at kahapon nga ay medyo nakikita ko na ang haba ng hearing pero lalong nalilito yung mga kababayan natin.

Q: Totoo yan. . .

SPMBV: So nung ako ay nagtanong na, hiningi ko na ipaliwanag at isulat sa amin yung buong proseso from step one, step two, step three, lahat ng involve doon, lahat ng ahensiya bawat step, at kung nasaan na tayo. At kung hindi pa tayo tapos, ano pa ang dapat gawin? At para malaman naman natin kung pwede pa nating kanselahin ito, ang kung kakanselahin natin ay magkano ang mawawala satin o kung ano ang mawawala sa atin. Palagay ko pag nakita iyon, medyo liliwanag.

Q: Kahapon ang nakita natin dito, kumbaga parang ang China ang nagdidikta ng tempo.

SPMBV: Tingin ko ay China ang nagdidikta ng tiyempo, at sa tingin ko kung sino ang may pera talaga ay siya ang magdidikta ng tiyempo.

Q: At saka dito naman sa ating bansa, ay wala silang paki kahit anong mangyari basta't makuha nila ang pautang na inaalok ng China.

SPMBV: Yun ang nakakapagtaka eh, kaya ako ay nagdududa din sa mga opisyales natin dahilan na parang lahat nalang ng sabihin ng China ay tinatanggap at yung paliwanag ng mga ibang eksperto na hindi naman kailangan itong broadband, ay binalewala.

Q: Para bang utang na loob pa natin sa kanila. . .

SPMBV: Talagang medyo kahapon ay nakikita natin na lituhin naman, at may mga sumasagot naman. At naapreciate ko rin naman na nagtatangka talagang sumagot yung mga ibang cabinet member dangat nga lamang at talagang hindi yung dapat ipaliwanag kasi kayat medyo nagkakabuhol-buhol din.

Q: Pwede po ba naming malaman kung may kapangyarihan po ang Senado na kanselahin o i-divert po yung pera na ipapautang ng China sa ibang proyekto na mas kailangan po ng Pilipinas?

SPMBV: Wala eh, kasi yan ay, in fact. . .

Q: Doon sa executive agreement, hindi ho ba dapat niraratify ng kongreso?

SPMBV: Yun, dahil sa dalawang bagay yan. Kung executive agreement, kailangan naming aprubahan. Pero kung kontrata naman, kinakailangang may bidding. Kaya hindi malaman at naiintindihan ko na medyo naiipit yung ating . . .

Q: Parang walang kalalagyan eh.

SPMBV: Pero maganda rin yan dahil nakikinig yung ibang mga cabinet member at nalalaman nila na ito'y sana magsilbing leksyon na nagsasabing huwag silang pasok ng pasok. At may mga cabinet member tayo na baka nag-iisip din na gumawa nang anuman at kumita, ay huwag na at makikita nila na medyo mahihirapan ding lumusot.

Q: Yung punto ng possible anomaly tungkol dito sa naturang transaksyon, hindi gaanong nabigyan ng focus kahapon.

SPMBV: Una pa lamang kasi yan, at kahapon nga noong naobserbahan ko ay kinakailangang isaayos itong sa hearings at siguro sa mga susunod na hearings ay maisasaayos na iyan sa pamamagitan ng pagsusulat ng talagang step by step nito. Pag nagawa namin yung step by step niyan, yung mga tao ay mas magiging malinaw na yung tanong at malalaman na natin kung sino yung responsable dito sa transaksyon na ito.

Q: Ito nga po ang sabi ng ating isang caller eh, kasi hindi naman natin maikakaila na maraming nanonood at nakikinig dito po sa hearing kahapon sapagkat live kayo on radio at live din kayo on television at napakaraming mga media na sumaksi. Sabi ng isang caller, itong ginagawa ng DOTC ay malaking insulto sa mga Pilipinong nag-aral ng I.T. at hinahangaan sa ibang bansa. Abay kung hindi daw po mareresolve ng tama ang isyung ito at masusunod ang gusto ng DOTC, marami na namang magagaling na Pilipino ang aalis dito sa ating bansa.

SPMBV: Marami talaga, naririnig ko na talagang nanlalambot dito sa transaksyon na ito. Dahil talagang lahat ng mga eksperto na nakausap ko rito ay sinasabi sakin, "hindi na natin kailangan ito at sayang na sayang yung pera" hindi talaga kailangang pumasok ang gobyerno dito.

Q: Samantalang nakikita naman natin na napakarami nating mabibigat na problema na sana ay pinaprioritize.

SPMBV: Oo, sabi ko nga yung sa mga classrooms at hospital. Eh kung diyan nila nilagay yan, baka very popular pa sila.

Q: O kaya'y ipahiram nila doon sa mga bagong entrepreneur. .

SPMBV: Yan ang maganda, isa ring maganda iyan. Andami eh, andaming paglalagyan eh kung bakit ito yung naisip nila na transaksiyon na kinikwestiyon ang gamit.

Q: Yung pang sinasabi nilang kaduda duda na malaki raw ang menos nang gobyerno in terms of telecommunications expenses ay mukhang hindi iyon ang lumilitaw na records ng government.

SPMBV: Mahirap ipaliwanag iyon, lahat ng eksperto ay sinasabing masyadong mahal yan. At bukod sa hindi na kailangan, masyadong mahal.

Q: Saka yung pag momodernize ng ating I.T., yung telecommunications, habang lumalaon patuloy ang modernization, at habang nagmomodernize, bumababa ang singil at cost nito.

SPMBV: Baka by the time na talagang . . .

Q: Obsolete na rin yun. . .

SPMBV: Pagkakabit na pagkakabit palang, alam naman natin sa gobyerno ay masyadong mabagal eh. Mabagal ang implementasyon, baka tamang tama yung inauguration nito, kinabukasan ay obsolete na.

Q: At saka napakabilis ng pagbabago dito sa ating I.T. hindi ho ba?

SPMBV: Totoo yan, alam mo yung kinakaba ko diyan, hindi kaya ng gobyerno ang bilis ng pagpapalit ng teknolohiya sa I.T. kaya dapat diyan kung merong negosyo silang papasukin, huwag na ito. Tingin ko ay hindi natin kaya ito.

Q: Saka meron din kayong pagkilos kahapon na pinaiimbestigahan sa Anti-Money Laundering Council na magsubmit ng report kung merong possible traces nung possible anomalies na nagyari dito.

SPMBV: Kaya humihingi ako ng report sa kanila para malaman natin kung may mga unusual movements na mga transaksyon tungkol diyan noong panahon na nagaganap itong mga bagay na ito.

Q: Kung sakasakali, meron naman kayang kakayahan ang Anti-Money Laundering Council considering na ang mga transaksyon ay nangyayari sa iba't-ibang bansa?

SPMBV: Totoo yun, kasi yun naman siguro ang pakinabang sa Anti-Money Laundering Council na yan. At kung isasabay doon sa pagbibigay noong proseso sa nangyari yung step by step, maganda kung may mga petsa, may mga ahensiya ng gobyerno, mga taong involve, diyan matratrace natin yan kung may report ng Anti-Money Laundering.

Q: Isa pang punto dito nang ating mga kababayan yung transaksyon na yan ng ZTE ng China, mukhang mas kapani-paniwala yung pahayag ni Joey DeVenecia considering na yung China ay hindi gaanong mahigpit dito sa mga corruption cases na ganito.

SPMBV: Alam mo totoo yan, isa pang nakakatakot ang China, maluwag sa mga bagay na ganyan. At alam natin na napakadali nilang pumayag, napakadali nila sa transaksyon na ganito.

Q: Basta tinitingnan lang nila kung makikinabang sila.

SPMBV: At saka may duda rin ako na baka ito ay kasama rin sa pag impluwensiya ng foreign policy ng Pilipinas. Alam naman natin na nag-aaway ang Amerika at ang China ngayon at nag-aagawan kung sino ang papaboran ng bawat bansa sa Asya, kasama na ang Pilipinas doon. Kaya baka itong mga regalong ito ay bilang pagpapalakas. Alam naman natin sa mga Chinese Officials ay mahilig sa ganyan na itoy mga pabor na para maimpluwensiyahan.

Q: Mahilig din sila sa mga Sexcapades. . .

SPMBV. Yun pa ang isang nagpapaganda nitong istorya eh.

Q: Parang teleserye Senate President, marami po ba kayong nalaman tungkol sa transaksiyon ng ZTE sa ibang parte pa ng mundo na allegedly meron din pong mga kaso ang ZTE? Yung track record?

SPMBV: Totoo yan at medyo marami ring involvement at yun ay tinitingnan pa namin ng husto sapagkat mas maluwag talaga sa kanila doon. Hindi naman talaga as transparent kagaya ng sa atin, basta't may blessings sa taas ay okey na. Sa kanila kasi, pwedeng gamitin itong mga bagay na ito bilang kasangkapan ng government. Hindi ko naman sinasabing sigurado ako dito sa pag-mpluwensya ng mga iba't-ibang bayan na gusto nilang impluwensiyahan.

Q: Ibig sabihin, halimbawa, hoy hawak kita sa leeg. Hindi ka makakapalag. But just for that Senate President, hindi po ba pwedeng ikansela nalang dahil marami pong mga bansa na ban daw po ang ZTE sa kanilang lugar?

SPMBV: Yun din ang proposal ko na kanselahin na dahil masyado siyang complicated. Napakaraming kadahilanan para kanselahin, unang-una, hindi kailangan. Pangalawa, masyadong mahal kung gagamitin man. At pangatlo, masyado nang kwestiyonable. Mas simple nalang para siguro manatiling maganda yung pag abante natin ekonomiya, hindi na sisigla yan pagka ganyan ng ganyan yung balita. At baka kako hindi lang ito yung huli, baka kako meron pang mga darating na mga anomalous transactions na lalabas sa mga darating na araw. Hindi maganda ang sa isipan ng ating mamamayan. Sayang naman, kung tunay na sumisigla nga ang ating ekonomiya, ay biglang pumara.

Q: Mr. Senate President, alam po nating masyadong masalimuot itong naturang isyu, itong naturang kontrobersiya. Pero hindi naman po ba naapektuhan ang efficiency ng Senado?

SPMBV: Maipagmamalaki ko naman na itong lahat ng imbestigasyon na ito ay walang epekto sa aming regular na sesyon. Kahapon huwebes halimbawa, nag hearing kami sa JPEPA sa umaga, naghearing kami sa ZTE deal na ito sa hapon. Walang pasok ang Senado pag huwebes at maski ngayon maraming maghehearing ngayon sa budget, Friday walang pasok. Kaya iba yung ginagawa ko diyan, yung tinatawag na multi-tasking sa management. Tuloy-tuloy na imbestigasyon pero sa labas ng normal na oras, tuloy-tuloy rin ang pagtalakay ng panukala, yung JPEPA, Budget, at tuloy-tuloy rin yung paghahanda namin in case pupunta kami sa korte sa kadahilanan siyempre pag may challenge ang Senado, may grupo naman ako diyan na naghahanda rin para pagharap namin sa korte. Kaya sabay-sabay namin yan ginagawa at hindi naman sa pagmamalaki, last year tayo ang nagkaroon ng image na pinakamasipag na ahensiya sa gobyerno at yun naman ay gusto nating ituloy at patunayan na ang Senado ang pinakamasipag na ahensiya sa gobyerno.

Q: Meron isang napansin kahapon, bakit daw po hinihingi niyo ang listahan ng lahat ng involve sa ZTE deal?

SPMBV: Well, step by step. Kasi hindi namin alam kung sino ang tatanungin. Ang nangyayari kasi kahapon ay parang rambol rambol ang tanungan. Gusto ko lang ay magkaroon ng sistematik na pagtingin dito sa proseso na ito at gusto kong malaman lahat ng involve, lahat ng ahensiyang dapat involve, at lahat ng mga petsa para ma trace natin, importanteng importante sakin kung nasaan na ba tayo na stage. Pwede pa ba nating kanselahin ito? Kasi baka mamaya nandoon pa tayo sa stage na pwede pa naman palang kanselahin, di kanselahin na natin ngayon pa.

Q: Mr. Senate President hindi po natin maikakaila na meron kayong tinatawag na Inter Chamber Courtesy na inoobserve, pero ano pa ho ang masasabi niyo sa katayuan ngayon ni Speaker Joe DeVenecia?

SPMBV: Alam nyo, ipit na ipit si Speaker Joe dahil sa anak niya yan. Alam niyo naman tayong mga magulang ay mahal natin ang mga anak natin at itataya natin ang buhay natin diyan. Pero kinukuwestiyon na siya, baka medyo maapektuhan ang kanyang liderato sa mababang kapulungan.

Q: Mukhang plano siya palitan

SPMBV: Pero palagay ko naman si Joe ay eksperyensiyadong tao at kaya niyang lusutan ang mga bagay na ito sa larangan ng pulitika. Obserbahan nalang natin kung papaano niya lalanguyin itong mga bagay na ito, palagay ko naman itong si Joe ay kaya niya itong mga ganitong gusot.

Q: Bago pa natin iwan itong isyu ng NBN ZTE contract, if you were the President, ano pong asksyon ang gagawin niyo?

SPMBV: Kakanselahin ko na ito kung ako ang Pangulo dahil talagang maliwanag na naglalabasan yung negative dito

Q: In other words, isakripisyo na ang dapat isakripisyo.

SPMBV: Oo, ganun na talaga yun.

Q: Para sa kapakanan ng nakararami.

SPMBV: So we can move forward para sa bayan na rin. Para matigil na lamang ito, sapagkat pangit itong tingnan. Hindi nagagandahan ang ating mga kababayan natin dito, kaya kung ako ang Pangulo rito, kakanselahin ko na ito.

Q: Isa pang mahalagang isyu, yung tungkol dito sa pinagtibay na panukalang batas ng Kamara de Representantes na nagpapaliban ng halalan para sa Barangay at SK elections.

SPMBV: Nag caucus kami dito dahilan sa alam ko na marami sa mga kandidato ngayon na naghihintay na ng pinal na desisyon at bagamat hindi pa naman pinal to, gusto ko lang malaman ang indikasyon ng mga senador at ang lumalabas sa caucus ay karamihan ng mga senador ay ayaw tigilin o pigilin ang halalan at gusto nilang ituloy. Kaya yun ang lumalabas dun sa caucus na yun, bagamat hindi naman natin masasabi na pinal yun dahilan sa may proseso yan. Yung bill ay talagang tumatakbo yan, sa committee, may report, pagdedebatehan yan, pagbobotohan. Pero yun matagal yun, kaya kumuha na ako ng indikasyon.

Q: Hindi lang matagal, lalo na kung uupuan lang ng Committee Chairman, patay na. . .

SPMBV: Baka wala na kaya para at least alam na ng mga kandidato ngayon, maa asses na nila ang probability na dahil sa sinasabi ko na sa kanila ngayon na karamihan sa mga senador ang naging resulta ng konsensus ay hayaang matuloy ang eleksiyon.

Q: Kasi sila na ang hahawakan particularly ang ilang kagawad ng Kamara de Representates, na ang hahawakan sila doon sa isang beses daw meron kayong nabanggit bilang Pangulo ng Senado na kayo ay naniniwala sa pangangailangan na ipagpaliban ang halalan.

SPMBV: Ito ang sinabi ko na bibigyan namin nang bukas na isipan ang proposal ng House kung meron sila. At talaga namang nagpatawag ako ng caucus para diyan, in fairness to us, talagang ito ang proposal ng House at ito ang kanilang mga dahilan kung bakit nila gustong mapostpone ito, at ano ba ang palagay mo, kung pwede ba nating pagbigyan sila, palagay niyong lahat. So, medyo nagtaasan kami ng konting argument pero karamihan naman talaga ay gustong ituloy. Ang sa akin naman ay sinabi ko na titingnan namin nang bukas ang isipan at iyon naman ang ginawa namin.

Q: Kaya most probably halos 90%, tuloy ang eleksiyon.

SPMBV: Tuloy ang eleksiyon, 90%. Hindi ko sinasabing 100% dahil baka magbago ng isipan ang ibang senador pero kung ikaw ay kandidato at nalalaman mo na ang probabilidad.

Q: Considering the proximity of the schedule of the election.

SPMBV: Yes. Ginawa ko naman yun, yung nag aasest ng chances nila ay maases nila ng tama kasi itatanong nila, ano ba ang pakiramdam mo sa mga senador? Eh tatanungin ko sa isang caucus at sasabihin ko sa inyo ang resulta para alam ninyo. Tinanong ko nga, sinasabi ko na overwhelming majority ng senador ay gusting matuloy.

Q: In other words, hindi kayo nagdedesisyon ng kayo lang, always with consultation.

SPMBV: Oo, kasi hindi naman parang akong bahala sa Senado. Mahirap yung ganun, hindi kami ganun sa Senado. Ako namamahala, nag-eestablish na tumatawag ng caucus, pero in the end, yung ano ang decision namin collectively ang masusunod.

Q: So sa mga darating na araw, kahit papano magkakaroon ng pagkilos ukol dito ang Senado?

SPMBV: Oo, tuloy pa rin naman kami. Kaya lamang yung sinasabi ko nga naman na baka akala nila na 50-50 yung percent ng chances, sinasabi ko na hindi naman.

Q: Mr. Senate President, ano po yung stado ng cheap medicines bill?

SPMBV: Ok naman, nasa Committee pa pero napagusapan namin, kasi nag identify kami.

Q: Nagkaroon po ba ng bagong problema itong naturang panukala? Sa palagay ko pinagtibay na ninyo noong nakaraang sesyon?

SPMBV: Gusto lang kasi namin na kahit papano na maidikit sa bersyon ng mababang kapulungan. Dahil sa ang naging problema noon, sa mababang kapulungan ay ibang-iba sa amin. Kaya inaayos namin pero nag identify kami ng 14 na panukala na pipilitin namin na maipasa in the next 2 weeks. Kasi 2 to 3 weeks nalang kami bago mag adjourn kaya yan ay hahabulin namin. Doon sa caucus na iyon din, kung saan pinag-usapan naming yung barangay elections, pinag-usapan din naming yung mga prayoridad bago mag adjourn. Normally sa unang sesyon, walang pinapasa ang Senado. Dahil normaly nasa committee pa yan. Pero pipilitin namin na maski unang sesyon pa lang ay makapag pasa kami ng maraming panukala. Kasama na nga yang Cheaper Medicine na yan, at yung sa U.P. Bill at yung sa mga ibat-iba pang mahalagang panukala.

Q: Kumusta naman po yung kaso ni Sen. Antonio Trillanes na hanggang ngayon ay hindi pa rin po pinapayagan at napagdesisyonan na ng judge na hindi siya pwedeng sumama sa Senado?

SPMBV: Iniisip namin yung possibility na doon siya maghearing sa Fort Bonifacio, hindi ko lang alam kung papayagan siya. Pero humingi sakin ng permiso si Senator Trillanes kung pwede daw ba siyang mag hearing doon at ang sabi ko sa kanya na pwede ka talaga diyan. Papayagan ka namin, pero hindi ko lang alam kung papayagan tayo ng Fort Bonifacio Authorities. You have our support, ang suporta namin ng Senado ay nasa likod mo at kung mag aasiste kami kung kinakailangan para naman maski diyan sa kulungan ay magawa mo ang iyong papel bilang isang Senador.

Q: Observation nang isang caller natin, sabi niya, ok lang Mr. Senate President na ituloy ang Barangay elections pero sana iabolish nalang ang election ng SK kasi wala namang function at silbi ang mga ito.

SPMBV: Merong ganyang proposal at yun ay isang bagay na pinag-aaralan talaga nang mababang kapulungan at nang Senado din kung dapat bang may SK. Sapagkat normally ang pag train ng leaders ay ginagawa sa eskwelahan para naman kahit papaano ay yung mga estudyante at kabataan ay lalong ma-encourage na mag-aral.

Q: Dahil sa performance ng Senado ngayon, definitely kahit papaano mapag-iiwanan yung Kamara de Representantes sapagkat hanggang sa kasulukuyan ay marami pang committees na hindi pa naoorganize doon sa mababang kapulungan.

SPMBV: Saka ang kinakaba ko nga yung nangyayari sa liderato, siyempre kanya kanyang kampanya yan. Pero 2 to 3 weeks na lang ang nalalabi kaya mabilisan din yan. Wala rin sigurong panahon yung mga nagpaplano na magtanggal kay Joe sapagkat 2 or 3 linggo na lang ay adjournment na.

Q: . . .si Speaker De Venecia, siguradong ayaw niyong malagay sa kanyang pwesto ngayon, anong gagawin niyo?

SPMBV: Kung ako kay Joe, dalawang linggo na lang ang nalalabi. Dalawang linggo na lang, kayang kaya mo nang mag hang on sa two weeks. Basta relax ka lang diyan after that matagal na break iyan. At after the break malamig na ang ulo ng mga tao.

End of interview

News Latest News Feed