Press Release
September 27, 2007

Transcript of interview with
Senate President Manny Villar (DZRH)

Q: Ano po ang inyong assessment, sino po ang nagsasabi ng totoo kahapon sa pagdinig diyan sa Senado, si Chairman Abalos o itong si Ched Chairman Romulo Neri?

SPMBV: Sa palagay ko ang tao ay gumawa na ng desisyon sa bagay na iyan. Nais ko lamang banggitin na pangalawang akusasyon na iyan kay Chairman Abalos. Bagamat hindi pa tapos ang report ng committee at ayokong pangunahan iyon, pero itong si Romy Neri ay isang tao na hindi naman sinungaling. Hindi ko naman sinasabi na sinungaling ang iba, sinasabi ko lang ang pagkakakilala ko rito ay isa itong straight na Cabinet member. In fact, kung walang executive privilege palagay ko, marami pang nasabi iyan.

Q: Oo nga pala, nagkaroon kayo ng executive session kahapon, nalinawan po ba kayong mga senador?

SPMBV: Hindi masyado pero marami ring naliwanagan kami. Syempre hindi natin puwedeng pag-usapan iyan sa radio kasi ipinagbabawal iyan sa batas kapag nagkaroon ng executive session. Subalit ang masasabi ko lamang, medyo naliwanagan kami ng konti lang, hindi pa ganap. Kahit doon sa executive session ay ina-avail niya ang kanyang executive privilege. Masasabi ko lamang na bagamat nagtrabaho po ng 14 na oras halos ang Senado ay hindi naman nasayang ang oras dahilan sa marami din namang natingnan, nakita ang mga tao. Ang ultimong analysis po niyan ang tao po ang magde-desisyon. Kami ho ay gagawa ng rekomendasyon pero ang mahalaga ho ay naisip ng mga tao at nakita nila kahapon at sila ang huhusga kung sino ang nagsasabi ng katotohanan. Sa amin naman ay tuloy ang imbestigasyon. Ngayong araw na ito ay magkakaroon tayo ng panibagong imbestigasyon naman para maging balanse ang imbestigasyon. Ngayon titingnan namin ang technical at legal aspect nitong NBN deal kung talagang kailangan ba talaga itong broadband sa Pilipinas o unnecessary lang na gagastos tayo ng P15 bilyon.

Q: Sino ang isasalang ngayon ng Blue Ribbon?

SPMBV: Ngayon ay nag-imbita kami ng mga eksperto, technical at legal. Medyo technical at legal ngayon pala balansyado, hindi naman kami talaga naghahanap lamang ng akusasyon sa corruption. Ang imbestigasyong ito is also in aid of legislation kaya talagang kailangang malaman din namin iyong mga teknikal at legal na bagay para makagawa tayo ng isang balansyado at tamang rekomendasyon sa komite.

Q: Matagal po ang ginawa ninyong hearing tungkol sa broadband deal. Baka daw po napapabayaan ninyo na iyong mga gagawin ninyo kasi naapektuhan ang oras ng session, baka iyong mg apanukala ay mabinbin?

SPMBV: Actually ang nangyari naman ay nag-session pa rin kami bagamat alas-10 na. hinirit pa namin iyong dalawang panukala na sponsored ni Sen. Chiz Escudero. Ito naman ay karakarakang inaprubahan namin at tinapos ang interpellation. Kaya tatlo na ang panukala na na-sponsor ni Chiz Escudero. Masipag na bata ito at ipinagmamalaki natin.

Q: Anong panukalang batas iyan sir?

SPMBV: Number one iyong sa mga bilanggo na bibigyan sila ng bonus kung sila ay merong good conduct at kung maayos sila habang nakabilanggo ay may kabawasan sa kanilang sentensya. Ang pangalawa ay ang pagbibigay ng mas maraming retirement benefits sa ating mga judges at justices sapagkat nangangailangan naman iyon ng talagang karagdagan din na retirement para naman mas makapag-desisyon sila ng tama at hindi sila ma-tempt sa corruption. Magaganda ang mga panukalang iyon. Ang nakalinya naman sa Lunes ay ang panukala na magbibigay ng pautang na walang interes sa ating mga magsasaka, Pangalawa, hindi ko alam kung lalabas na sa committee ni Senator Roxas iyong cheaper medicine, wala pa sa amin subalit hinahabol daw. Dito rin kasama na ang pantulong sa ating mga maliliit na mangangalakal, iyong mga small and medium scale enterprises. Meron tayong suporta diyan at iyan ay pipiliting ipasa sa Lunes. Meron din tayong suporta para sa larangan ng environment at sa larangan ng edukasyon, iyong environmental education na pagtuturo ng tungkol sa kapaligiran sa ating mga mag-aaral. At saka ihahabol din iyong sa breastfeeding na panukala ni Senator Pia. Labing-apat iyan, palagay ko mga sampu ay mai-sponsor na sa floor at maihahabol namin bago kami mag-adjourn next week.

Q: Puwedeng unahin daw po ang cheaper medicine?

SPMBV: Iyon nga. Actually, nasa committee lang iyan. Pagkalabas na pagkalabas sa committee niyan, mabilis iyan. Dangan nga lamang at hindi pa lumalabas sa committee.

Q: Sinasabi po ni Romulo Neri ayaw niya sa NBN pero bakit siya ay pumirma, ano ba ang nagyari?

SPMBV: Actually, ito ay inihihiwalay niya. Gusto niya ang broadband, ang sabi niya masyado daw malaki ang kinikita ng mga telecom companies dapat naman din magkaroon ng kompetisyon. Nililiwanag niya na hindi iyong deal mismo, hindi iyong ZTE ang kanyang inaprubahan kundi iyong pagkakaroon ng proyekto na broadband.

Q: Pero bakit daw in-endorse na naman iyong project itong panig ni Joey de Venecia na Amsterdam Holdings?

SPMBV: Hindi naman. Sinasabi niya na ini-encourage niya na ituloy ang mga ganyang proyekto pero ang nililiwanag niya, sinasabi ko lang ang sinabi niya, na hindi ang NEDA ang nagbibigay ng kontrata iyan ay DOTC. Sila ay nagsasabi lamang kung magandang project iyan. Halimbawa, kung ikaw ay magtatayo ng planta ng kotse magandang magtayo ng planta ng kotse sa Pilipinas pero kung Ford iyan, General Motors o Toyota, ang pipili DOTC.

Q: Marami po ang naniniwala sa sinabi ni Sen. Miriam na itong away ng magkabilang-panig na ito, isa po ang pinagtutumbukan nito, isyu po ng komisyon. Ano po ang gagawin ng Senado dito? Baka ang Senado ay nagagamit lamang, baka ang Senado maging in aid of collection?

SPMBV: Hindi naman. Sa palagay ko, kasi P15 bilyon ito, mabigat-bigat din itong huhulugan ng bayan kaya palagay ko okay din naman na pag-uspan at pigilan kung hindi kinakailangan. Kung sayang lang, pigilan dahil P15 bilyon ang huhulugan natin kaya maraming pera. Pagkatapos nito meron pang Cyber Education na mas malaki pa dito. Kaya naman nililiwanag namin dahil ang total daw nito ay $1.8 billion. Kaya ito halos ay P80 bilyon. Hindi baleng pag-ubusan ng oras ng Senado dahilan sa laki ng huhulugan ng ating mga kababayan. Palagay ko mapipilay tayo sa pagbabayad nito kung mali ito at hindi pakikinabangan.

Q: Ano po ang mangyayari, tatapusin ba ito ng Blue Ribbon? Kayo po ba ay magbibigay ng rekomendasyon kung ito ay dapat kanselahin o hindi at iyong may mga pananagutan sa kontratang ito, kayo po ba ay magrerekomenda din para merong makasuhan?

SPMBV: Palagay ko ay liliwanagin iyan. Minamadali na nga namin iyan kaya magkasunod na ang hearing namin nang sa ganoon ay matapos na agad ito. Ayaw naming sabihin na masyadong pinapatagal itong mga ganitong hearings. Also, may susunod pa kasi rito, siguro pagka-resume na ng session namin.

Q: Ano ang susunod?

SPMBV: Hindi pa tapos iyong $1.8 billion. May mga panukala pa daw na dapat naming tingnan.

Q: At babalik nga ba si Chairman Abalos, Chairman Neri at Joey de Venecia?

SPMBV: Not necessarily. Depende iyan sa komite. Titingnan muna nila at papag-aralan namin itong issue ng executive privilege. Kasi kung talagang hindi namin makakaya at illegal naman talaga o talgang legal ang ginawa ni Secretary Neri, wala kaming magagawa diyan. Kasi tayo ay sumusunod lamang sa batas. Kung sa interprestasyon ng Supreme Court ay talagang itong pag-invoke ni Romy Neri ng executive privilege ay naaayon sa batas, kami ay walang magagawa ho diyan kundi pumayag lamang. Pero kung makikita namin na hindi naman at mali siya sa pag-invoke ng executive privilege in this particular case, mapipilitan kaming ipatawag uli siya.

Q: Sabi ninyo naniniwala kayo sa credibility ni Chairman Romulo Neri. Kayo ba ay magrerekomenda ng pagpa-file ng criminal case laban kay Chairman Abalos sa kasong bribery?

SPMBV: Hindi naman kasi ganoon iyan. Constitutional body ang pinagungunahan ni Chairman Abalos at ang pagtanggal sa kanya kung saka-sakali man na siya ay nagkamali, ang proseso diyan ay impeachment. At ayon kay Vice Gov. Rolex Suplico, siya ay magpa-file ng impeachment complaint ngayong araw na ito. (end)

News Latest News Feed