Press Release
October 2, 2007

Transcript of interview with
Senate President Manny Villar (DZBB)

Ano po ang reaksyon niyo nang inyong marinig ang pagbibitiw ni Chairman Abalos?

SPMBV: Nagulat ako, di ko inaasahan na magre-resign siya. Pati ang Senado ay nabigla dahil pinaghahandaan na naming yung magiging role namin sa impeachment. Kaya nga hindi kami masyadong nagsasalita na tungkol kay Chairman Abalos nitong mga nakaraang araw dahil kami ang magsisilbing korte kung natuloy ang impeachment. In a way, mapapasimple ng pagreresign ni Chairman ang problema ng Senado at ngayon ay pwede na rin uli kaming magsalita nang magsalita ngayon. Pero sa isang bansa, pinapapurihan ko si Chairman sa kanyang ginawa dahil hindi naman tayo sanay na nagsisipag-resign ang ating mga government officials kapag nahaharap sa matitinding issue. Sana lang, magsilbing simula ang ginawang ito ni Chairman Abalos para sa mga opisyal natin sa gobyerno. Unfortunately for Chairman Abalos, hindi titigil ang Senado sa imbestigasyon sa ZTE deal dahil lamang siya ay nag-resign. Hindi naman doon natatapos ang lahat. Si Chairman Abalos ay isa lamang sa players sa ZTE deal issue. Iba-iba po ang reaksyon ng mga Senador sa pagbibitiw ni Chairman Abalos. May nagsasabi na ito ay act of statesmanship at act of delicadeza, may nagsasabi naman na taktika lang ito para makaiwas sa isyu. Paano po ba ito dapat tanggapin ng mga Pilipino? SPMBV: Dapat ay igalang ang kanyang naging desisyon. Hindi madali ang mag-resign dahil nakakahiya rin iyan. Kapag ikaw ay nag-resign, ang tingin ng tao ay may dapat kang ipaliwanag . Ang pagreresign ay isang bagay na hindi mo masyadong ipagmamalaki. Maganda ang pananaw ko sa ginawang ito ni Chairman Abalos bagama't di ko sinasabi kung may kasalanan siya o wala. Dapat papurihan ang kanyang resignation at sana tularan na ito ng iba. In fact, yung mga kasama sa ZTE issue na iyan na di pa nagre-resign ay baka gusto nilang gayahin si Chairman Abalos para maganda.

Sino po iyon Senador?

SPMBV: Ayokong magbanggit ng pangalan dahil di pa naman tapos ang imbestigasyon namin pero alam na nila kung sino sila. Baka gusto nilang gayahin na si Chairman Abalos, mas mabuti para maganda din ang pagtingin sa kanila ng tao.

Sinasabi po ng ilang observers na ang resignation na ito ni Chairman ay magiging daan para maibalik ang nawalang kredibilidad ng Comelec.

SPMBV: isang hakbangin ito pero hindi totally maibabalik ang imahe ng Comelec. Hindi lang naman si Chairman ang may problema diyan sa imahe ng Comelec. Maaaring ito ay magandang direksyon pero hindi ito sapat kaya dapat magpakitang-gilas ang Comelec sa Barangay at SK elections para talagang mabura kung anuman ngayon ang image ng Comelec. Mas magandang sabayan nila ito ng iba pang hakbangin para magtuloy-tuloy na ang pagbabago ng imahe ng komisyon.

Kailan po ba ang susunod na hearing sa ZTE deal?

SPMBV: Nabigla kami sa resignation ni Chairman Abalos kaya kailangan ulit naming mag-meeting sapagkat yung mga pinagmitingan naming ay hindi na iyon yung dapat gawin. Papakiramdaman din namin kung ano ang magiging development sa iba pang players sa ZTE deal. Magmi-meeting kami kung ano ang next step in the light of Chairman Abalos' resignation.

Nasa agenda pa rin ba ang pagpapatawag kay Chairman Abalos?

SPMBV: Isa iyan sa pag-uusapan namin, yung pagpapatawag kay Chairman Abalos, kay Sec. Neri, Joey de Venecia at doon sa iba pa. Si First Gentleman ay babalik na rin daw.

Mukhang hindi naman daw aattend

SPMBV: Palagay ko, hindi naman talaga siya a-attend pero hindi ibig sabihin na porke hindi siya dadalo sa pagdinig ay ititigil na ng Senado ang imbestigasyon sa ZTE deal.

On another subject Senador, dumarami ngayon ang bilang ng mga nagugutom na Pinoy batay sa survey ng SWS.

SPMBV: Sa akin, tanggapin natin ito. Alam ko na ang magiging reaksyon ng gobyerno dito ay mali ang computation, mali ang formula. Harapin natin ito. Sa mga problemang ganito, ang Senado ay handang tumulong at makipag-cooperate sa ating gobyerno para malutas ang issue ng kagutuman. Nakakalungkot ang bagay na ito at hindi ito pwedeng hayaan. Sa mga ganitong bagay ay pwedeng magsama-sama ang executive at legislative. Kung meron silang programa, kami ay handang sumuporta para sa kapakanan ng ating kababayan. (end)

News Latest News Feed