Press Release
November 13, 2007

Transcript of interview with Senate
President Manny Villar (DZMM)

Q: Nabalitaan niyo po ba iyong batang babaeng nagbigti sa Davao dahil sa kahirapan?

SPMBV: Oo at talagang malakas ang epekto sa akin niyan at sa palagay ko, sa iba ring nanunungkulan. Hindi lamang iyan ang insidenteng ganyan. Marami pang mga Pinoy na ganyan din ang problema. Marami ang dumaranas ng hirap. Dumaan din ako sa kahirapan at alam ko kung paano maging mahirap.

Q: Kayo ba noong bata pa ay may kaya ang mga magulang?

SPMBV: Squatter kami noong araw. Mahirap din kami. Hindi nga sa amin iyong tinitirahan naming bahay. Nagtinda ako ng hipon sa palengke noong onse anyos ako. Kasama ko si nanay na naglalako ng hipon sa Divisoria. Siyam kaming magkakapatid. Magkakasama kaming natutulog sa sala sa iisang kulambo. Kaya ramdam na ramdam ko ang nangyari kay Marianet at ito ay dapat magsilbing hamon sa ating lahat. Ito ay aral din sa mga magulang. Nauunawaan ko na marami naman ang nagsisipag at nagtitiyaga ngunit hindi pa rin umaasenso. Hindi sila dapat mawalan ng pag-asa at huwag nilang kaligtaan ang mga bata. Mahirap kasi kapag dinamdam din ng mga bata ang mga suliranin.

Q: Marami na nga pong nagsisipag at nagtitiyaga pero mahirap pa rin. Kayo po, ano ang sikreto niyo sa pag-ahon niyo sa hirap?

SPMBV: Dapat desidido ka din at dapat ay may lakas din ng loob. Pero ang importante sa lahat ay ang tiyaga. Minsan kasi, aabutin ka ng maraming kamalasan dahil sa kahirapan na akala mo ay wala ng pag-asa. Pero pasasaan ba't may mangyayari ding maganda sa buhay kapag desidido ka lang at huwag kang mawalan ng pag-asa, maski na ano ang kakulangan mo, wala kang pera, hindi ka nakapag-aral, at kahit ikaw ay may kapansanan. Kahit kulang sa pagkain, kahit naghahati-hati ang mga bata ng kakainin, kahit paano, nakakaraos din.

Ibig sabihin, hindi lang dapat ang mga magulang ang desidido na baguhin ang kanilang mga buhay kundi pati na rin iyong mga bata ay dapat desidido rin na huwag isuko ang kanilang murang isipan sa kahirapan at magpakamatay na lang.

SPMBV: Huwag naman ganoon. Kailangan talagang gabayan ang mga bata. Iyong matatanda kasi, maski nahihirapan ay nakakalaban. Mahirap iyong mga bata. Ako ay nahihiya rin bilang nanunungkulan at lahat marahil ng mga nasa gobyerno ay dapat tanggapin ang katotohanan na kulang ang ginagawa namin para maiangat namin ang antas ng kabuhayan ng ating mga kababayan. Nagugulat ako dahil may mga nagtatalo pa kung ano ang kadahilanan ng pagpapakamatay ng bata. Yun naman ay maling-mali.

Q: Ano po ba ang ginagawang mga panukalang batas ng Senado para busugin sa kasaganaan ang mga tao?

SPMBV: Marami. Halimbawa na diyan iyong panukala na aayuda sa mga nagsasariling negosyanteng pinoy na nag-uumpisa sa maliit na puhunan. Nandiyan din ang Cheaper Medicine Bill. Simula nang maging Pangulo ako ng Senado, pinapakita namin na masipag ang Senado. Iyong mga imbestigasyon ay sinasabayan namin ng magandang performance sa pagpapatibay ng mga panukala. Gusto kasi naming maipakita sa taumbayan na ang Senado ang pinakamasipag na ahensiya ng gobyerno para magsilbing halimbawa sa ibang tanggapan ng pamahalaan. Kasi kung magsisipag lahat, lahat ay sabay-sabay na magsisipag para umunlad ang ating ekonomiya. Pursigido ang lahat ng mga senador sa kanilang mga panukala, sa pagtalakay ng mga tratado, sa mga imbestigasyon at pagdinig, nakikita mo talaga lahat na bising-busy.

Q: So,hindi nakakahiyang bigyan ng bonus ang mga iyan lalo na ang mga empleyado?

SPMBV: Iyong mga empleyado dapat talagang bigyan ng bonus.

Q: Ano na po ba ang sitwasyon ng 2008 national budget?

SPMBV: Pinagtibay na ito ng Kamara at ibibigay na sa amin iyan. Magandang balita ito dahil Nobyembre pa lang ay pinagtibay na ng mababang Kapulungan. Pipilitin naming sa Senado na pagtibayin ito bago matapos ang 2007. Maganda rin ito para sa ating ekonomiya dahil kapag naisabatas ito bago matapos ang 2007, babalik ang respeto sa atin ng mga investors. (End of interview)

News Latest News Feed