Press Release
November 23, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar with DZRH

Q: Hanggang kailan n'yo po mapagtitibay itong panukalang budget?

SPMBV: Pinaplano namin dalawang linggo bago mag-bicameral conference. Sa Lunes magsisimula na kaming mag-deliberate diyan. Araw at gabi ang gagamitin namin at kung kinakailangan ay hanggang Biyernes para matapos kami.

Q: Normally hanggang Miyerkules lamang ang sesyon?

SPMBV: Pero kami ay magtatrabaho hanggang Biyernes kung kinakailangan para matapos ito.

Q: Ukol sa inyong panukala na higpitan ang regulasyon sa pagbebenta ng toy guns...

SPMBV: Oo kasi alam mo, tumitingin ako doon sa mga laruan dahil sa Pasko. Nagbabantay din tayo sa mga Christmas lights na sumasabog, nagiging dahilan ng sunog. Ngayon nakikita ko itong mga toy guns at talagang mukhang totoo. Dito ako nabahala na pangkaraniwan na lang pala na nabibiling laruan. Ito ay magagamit sa masamang paraan at sa kriminalidad. Mukhang totoo, hindi mo mahahalata.

Q: At sa hirap ng buhay ngayon, hindi natin maiaalis na may mga kababayan tayo na magkaroon ng ganyang kaisipan.

SPMBV: Palagay ko. Kaya ako mismo ay kinabahan nang makita ko na mukha talagang tunay ang mga baril na lumalabas bilang laruan. Ako ay nabahala at gusto kong ipagbawal ito.

Q: Ang Senado po ba may nakikita na para makalutas sa problema ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo?

SPMBV: Nag-file ako ng resolusyon para tingnan uli itong deregulation law. Gusto kong masiguro na itong pagtaas ng langis ay tama ang pagtaas nila dahilan sa kapag tumataas ang piso laban sa dolyar, bumababa naman ang presyo ng gasolina. Kaya dapat ang diperensya lamang ang idagdag nila at hindi nila aabusuhin iyan. Gusto kong bigyan ng mas maluwag na karapatan ang Department of Energy para maq-supervise nang maayos itong mga oil companies. Bibisitahin namin itong deregulation law at titingnan namin ang epekto nito.

Q: Dito sa deregulation law merong probisyon na nagtatatag ng isang inter-agency body na dapat umaalam sa mga ganitong isyu.

SPMBV: Kulang na kulang. Tingin ko walang gana ang gobyerno rin na tingnan ito. Dapat ay sagarin nila iyong interprestasyon ng batas dito kagaya rin ng pagsagad nila sa interpretasyon ng konstitusyon para magkaroon ng pagbabantay talaga itong kartel na ito.

Q: Balita namin magkakaroon ng grand centennial celebration ang Nacionalista Party. Ano po ang magiging highlights ng naturang pagdiriwang?

SPMBV: Ito ay selebrasyon na magmamarka ng malakihang pagkabuhay ng Nacionalista Party. Dito sa araw na ito ay ilo-launch natin ang town by town na pag-organisa ng NP. Talagang desidido ang partido na maging isa sa dalawang pinakamalaking partido sa 2010.

Q: Nagbigay na po ng pahayag si dating Pangulong Estrada na susuportahan kayo kung sakaling tumakbo kayo bilang presidente sa 2010.

SPMBV: Hindi ko alam iyan. Karangalan iyan kung totoo iyan. Ang pangulo naman ay ating hinahangaan at kaibigan. Syempre anumang tulong na manggagaling sa kanya ay napakalaking bagay.

Q: Sa kabila ng katotohanan na napakaraming imbestigasyon ang ginaganap, hindi naman nawawala sa focus ang inyong liderato?

SPMBV: Hindi naman. Nakapagpasa kami two weeks ago ng walong panukala. Ngayon naman inaasikaso natin ang budget na sa kauna-unahang pagkakataon ay baka makapasa bago matapos ang taon. Merong pa kaming tinatrabaho na 12 pa. Kapag ito ay nagawa namin, ito ay record-number na naman. Normally, walang ipinapasa sa uang limang buwan ang Senado kapag nagsisimula ang Kongreso. Subalit nakapagpasa na kami ng siyam at ngayon naman ay meron nang nakalinya na 12. Talagang maipagmamalaki namin ang kasipagan ng Senado ngayon.

News Latest News Feed