Press Release
November 23, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar with DZMM

Q: Paano niyo po nabigyan ng atensyon itong mga akala mo ay mga original na armalite na ibinebentang toy guns?

SPMBV: Pag ganito kasing panahon ng kapaskuhan, itong mga ganitong laruan ang aking binabantayan dahil hindi pa naisasabatas yung aking panukala tungkol sa toy labeling. Ako ay nabahala sa mga baril-barilan na ito dahil kamukha talaga ng mga tunay na baril. Pag madilim at natutukan ka ng mga toy guns na ito, hindi mo masasabi kung peke ito o hindi. Binabantayan ko din ang ibang produkto tulad ng Christmas lights dahil mayroon akong empleyado na nakabili ng Christmas lights na depektibo, pumutok. Itong mga ganitong insidente ang karamihan na pinagmumulan ng sunog.

Q: Noong hawakan niyo po ba yung mga baril, singbigat din nung mga orihinal?

SPMBV: mabigat din pero hindi kasimbigat ng mga tunay na baril. Kaya lang hindi naman lahat ng tao ay may kaalaman tungkol sa mga baril. Kamukhang-kamukha talaga. Pag tinutukan ka ng toy gun, hindi mo naman iche-chek yun. Pag tinutukan ka sa gabi kahit na sa araw, mahihirapan kang i-distinguish kung peke o hindi yung baril na nakatutok sa iyo.

Q: Ano ho ang hakbang niyo para i-regulate ang bentahan nito?

SPMBV: Gagawin natin ang lahat para matigil ang bentahan nito para hindi ito maibenta at di maging laruan ng mga bata pero mas lalong nakakabahala na magagamit ito sa masamang paraan. Hindi lang iyong mga baril-barilan ang concern ko. Dapat ay mag-ingat din tayo sa iba pang laruan dahil marami ang mga laruan na delikado sa mga bata. May mga laruan na dapat ay certain age lang ng mga bata ang naglalaro dahil iyong iba may maliliit na parte na choking hazards. Nakikipag-coordinate na ako sa DTI para magawan na ng paraan itong mga baril-barilan na ito.

Q: Ano pong paraan? Ipapatigil na ba ang bentahan niyan?

SPMBV: Kung maaari ay ipatigil ang bentahan ng mga ganitong uri ng laruan lalo na at hindi pa nagiging batas ang aking Toy Labelling Act na naglalayong malagyan ng kaukulang label ang mga ibinebentang laruan.

Walang patutunguhan talaga ito dahil maaaring gamitin lang ito sa kasamaan lalo na ng mga kriminal.

SPMBV: Oo nga. Hindi natin kailangan ang mga ganitong laruan.

Q: Maiba naman po tayo, kahihiyang maituturing ba itong pagpapatigil ng World Bank sa pagpondo sa mga road projects ng Pilipinas dahil sa katiwalian sa bidding?

SPMBV: Malaki talagang kahihiyan iyan sapagkat nabasa ko mismo sa front page ng Wall Street Journal ang balitang iyan. Nagkakaroon kasi ngayon ng drive ang World Bank laban sa korapsyon sa buong mundo bilang isa sa mga policies ng bagong Pangulo ng World Bank. Napahiya talaga kami dito, kaya kami sa Senado ay mag-iimbestiga tungkol dito. Kailangan talaga namin itong busisiin.

Q: Sabi ni Sec. Andaya na ang World Bank naman ang nagpapa-bid. Sa atin daw dito sa Pilipinas ay pababaan ng bid samantalang sa World Bank ay pataasan? Ano po ba talaga ang tamang proseso?

SPMBV: Pagtatakip na lang ito. Tanggapin natin ang katotohanang ito. Ipakiusap natin sa Pangulo at sa DBM na tanggapin ito at repasuhin muna.

Q: Ipapatawag po ba ninyo ang mga opisyal ng World Bank sa inyong Senate investigation?

SPMBV: Titingnan natin. Iyan ay isang foreign institution at hindi naman obligadong pumunta sila dito sa atin. Subalit mayroon namang ibang otoridad na pwedeng ipatawag para maipaliwanag sa publiko ang puno't dulo ng problemang ito.

News Latest News Feed