Press Release
November 26, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar with Unang Hirit

Q: Magkakaroon ng marathon session ang Senado sa P1.2 Trillion 2008 budget, kasama po ba ang PAGASA sa may dagdag pondo para ipambili ng mga modernong kagamitan?

SPMBV: Palagay ko, pwede iyan. Malaki ang pangangailangan ng PAGASA dahil kailangan talagang mabago ang mga equipment na kanilang ginagamit.

Q: Magkakaron pa ba ng pagbabago sa Senado yung 2008 budget?

SPMBV: Magkakaroon ng pagbabago pero hindi iyong amount. Normally, kulang pa ang budget na iyan. Yung iba sigurong budget, ay malilipat sa iba at hihingan namin ng kaukulang paliwanag yung mga lump sum at hindi detalyadong pondo.

Q: Mag-uumpisa na ang Senado sa imbestigasyon doon sa kontrobersiya sa pagkansela ng World bank sa loan ng Pilipinas, magsusunod-sunod na naman ang imbestigasyon ninyo dahil nandiyan pa yung ZTE at cash gift issue.

SPMBV: Hindi namin hinahanap ang mga bagay na ito. Kaya lang, pagbukas mo ng diyaryo, nandiyan na itong mga kontrobersiyang ito. Halos linggo-linggo. Iyan ay tungkulin naming busisiin. Di kami naghahanap ng away. Ginagawa lang namin ang aming tungkulin at di namin aatrasan dahil malaking halaga na naman ang involved doon sana sa loan sa World Bank para road projects na sinasabing may anomaly sa bidding. Titingnan namin kung sino ang dapat managot dito para hindi na pamarisan at iyong mga nagbabalak na gumawa ng ganitong mga gawain ay umatras na at tumigil na.

Q: Congratulations po at 100 years na ang inyong partido, ang Nacionalista Party. Ano bang paghahanda ninyo para sa okasyon?

SPMBV: Malakihan na ito dahil 100 years na ang partido. Ire-revive na namin ng husto ang Nacionalista Party. Panahon na para muling kilalanin ang kadahilanan kung bakit ito itinatag. Alam naman natin na ito ang partidong nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa at sa palagay ko, kailangan na namang ipaglaban this time ang kalayaan ng bansa laban sa kahirapan.

Q: Ito po ba ay paghahanda na rin sa 2010?

SPMBV: Ang Nacionalista Party ay maghahanda sa lahat ng eleksyon, 2010, 2013, 2016, sa lahat ng eleksyon. Gusto ko lang ipaalam na buhay ang Nacionalista party para maibalik ang kalakasan ng partido kung kailan maganda ang takbo ng ating bansa.

Q: Nagpapalakas din ang Liberal Party, pabor po ba kayo sa 2-party system, Nacionalista at Liberal?

SPMBV: Maganda ang 2-party system dahil iyon talaga ang sistema noong namamayagpag ang ekonomiya ng Pilipinas. Noong no. 2 tayo sa Asya sa ekonomiya, 2-party system ang pinaiiral sa ating bansa. Nagsimula na ang paghina ng ating ekonomiya nang dumami na ang mga partido kaya palagay ko oras na para ibalik ang ganyang sistema.

Mensahe po ninyo sa taumbayan.

SPMBV: Sa mga kasapi ng Nacionalista Party, buhay po ang partido at sana ay makipag-ugnayan kayo sa amin. Sa ating mga kababayan, sa kabila ng mga problema ng bansa, magkakaroon pa rin tayo ng magandang pasko.

News Latest News Feed