Press Release
December 18, 2007

Transcript of interview with Senator Mar Roxas on DZMM

On the Affordable Medicines bill:

Q: Kausap natin si Speaker JDV kanina, at commitment niya ay i-approve on third reading na mamaya ang Medicines bill, at baka pwede pang ihabol bago mag-recess bukas. Kayo po ba ay magpapatawag ng bicam, ihahabol ho ninyo?

MAR: Sa totoo lang, palagay ko hindi na aabot ito ng Pasko, kahit magpatawag ng bicam bukas. Ang resulta ng bicam ay mangangailangan pa ng ratification by the body, at palagay ko kung magre-recess sila bukas ng hapon at ang Senado ganoon din ay huli na ito. Malungkot na development ito dahilan sa matagal na nating inaantay itong aksyon ng Kamara, at ikinalulungkot ko na hindi pa makakahabol bago pa ang Pasko.

Q: Kung talagang ihahabol, baka yung bicam mahilaw, hindi ho ba?

MAR: Malamang ganoon nga mangyayari, kase kung pakitang tao para mag bicam, padalian, madaming compromise, hindi pagdedebatehan ng lahat... Kahit magkaroon ng bicam, nangangailangan ito ng ratification ng buong Kamara, at kung recess na po sila, wala rin.

Sa totoo lang, bobolahin lang natin ang ating mga tagapakinig na sabihing makakahabol pa ito. Kung mamaya ipasa ng Kamara de Representantes, ang pinakamaagang bicam niyan will be tomorrow. Kung sabihin ng House sa bicam na 'o sige, tanggapin natin ang Senate version,' de tapos. Kung sabihin ng Senado 'tanggapin natin ang House version,' tapos na rin. Pero hindi natin nakikita kung ano ang resulta ng sa Kamara. Mamayang gabi pa nila pagbobotohan. Ayaw ko naming bolahin ang ating mga kababayan na makakahabol ito.

Q: Saan ho magiging madugo ang inyong debate sa bicam?

MAR: Hindi ko pa nakikita, pinagbotohan nila ito kagabi, so kumukuha kami ng kopya para makita talaga kung ano yung mga pagkakaiba. Palagay ko yung isa na talagang pagdedebatehan, itong price regulatory board, dahilan sa doon sa Senate version, ang aming ninanais ay, Secretary of Health at Pangulo, iyon lamang - may transparency, malinaw, wala nang kuskos balungos. Itong price regulatory board ng House, magdadagdag pa ito ng isa pang layer at magiging hindi malinaw, magiging malabo kung bakit ba yung ibang gamot na kasama, yung iba naman hinde, bakit ito yung presyo na itinakda bilang tamang presyo. Mas mabuti na malinaw, may transparency, responsibilidad at awtoridad ng Secretary of Health, ganoon din sa Pangulo. Iyon naman ang mga nakatakdang opisyales na sumusubaybay sa ating kalusugan. Ganoon na lang.

Q: Kapag naaprubahan ang bersyon ng Senado, talaga ho bang upon implementation of the statute agad na papayagan ang importasyon ng mga gamot?

MAR: Tama po iyon. Of course, susulat pa ng implementing rules, mga proseso, pero ang konsepto nito ay sa madaling panahon, papasok na dito yung kompetisyon. Kung maaalala natin, itong cellphone, noong PLDT lang at walang kompetisyon - mahal, matagal ang serbisyo, susuhol ka pa para makakuha ng linya. Noong nagkaroon ng kompetisyon, mabilis ang serbisyo, nagkaroon ng bagong technology, at naging mas mura pa ang serbisyo. Ganoon din sa airlines. Noong Philippine Airlines lamang at walang kompetisyon, mahal, Plane Always Late, luma ang mga eroplano. Ngayon, nakita naman natin kung ano ang nangyari. Ang mga flights ay mas mura, at mas maraming lugar sa ating bansa na nabigyan ng serbisyo. So palagay ko ang kompetisyon ang siyang talagang sustainable na makapagbigay ng abot-kayang presyo na sustainable dito sa ating bansa. Kung ngayon isinabatas, siguro in one month nandiyan na yung rules, at pwede nang i-angkat ang mga gamot na ito.

Q: So kapang naaprubahan na, sino ang allowed mag-import mula sa ibang bansa?

MAR: Una magre-rehistro, kahit sino rehistrado sa BFAD ay maaaring magpasok nito. Hindi naman kung sinu-sino lang, dahilan sa gusto nating siguruhin ang kalidad nito. Una magrehistro sa BFAD, pangalawa, kung ano man ang gamot na i-angkat, idaan sa testing ng BFAD para sigurado din tayo sa quality. Ganoon pa man, makapasok dito yung gamot, kompetisyon na po iyon, at hindi lang generic - mga branded din. Ang konsepto rito ay kung mas abot-kaya ang presyo sa labas, ipasok dito para siyang magbigay ng kompetisyon dito sa lokal.

Halimbawa, yung Norvasc na pang high blood ay P45 dito. Sa India, hindi generic, hindi counterfeit - legitimate, genuine Norvasc, P5. Papasok dito ang gamot na iyan, at pati ang gobyerno magpapasok. Binabantayan din natin ang mga pribado na magpasok ng Norvasc. Bibilhin nila ng P5, baka ibenta nila ng P40 pa rin. Ang gobyerno magbebenta, P10. Ayaw naman natin na gamitin ito para may sumama pa sa pagsamantala.

Q: Ano yung mga nakikita mong dahilan sa mataas na presyo ng gamot?

MAR: Hindi naman nila inamin ito, pero yung lumitaw sa mga hearings ay ang kakulangan ng kompetisyon dito sa atin. Iyon ang pinakadahilan. Magmula sa retail, Mercury Drug, about 2/3 dumadaan sa Mercury. Doon sa wholesaler, 70% doon sa Zuellig Pharma. Doon sa contract manufacturing ang Interphil, pag-aari din ng Zuellig iyon e, so iisa lang para sa mga multinational companies. So talagang concentrated yung market power dito. Palagay ko sinisingil nila dito yung hindi nila kayang singilin sa ibang bansa na mas may kompetisyon.

Q: Baka mangyari dito yung sa Oil Deregulation, kung saan akala bababa ang presyo ng langis, noon pala nagkakaroon sila ng cartel. Ano ang assurance na hindi ganito ang mangyayari sa panukala niyo?

MAR: Ang garantiya natin, patuloy ang gobyerno na mag-aangkat, at ang gobyerno rin kasama sa pagbigay ng kompetisyon. Ang sinimulan natin noon sa DTI ay tinutuloy ngayon sa Butika ng Bayan, Butika sa Barangay. Lalong titibay ito 'pag naipasa na ang batas. Finile-an kami ng kaso ng mga pharmaceutical companies, para itigil ito. Kapag naisabatas na ito, wala na ang mga hadlang ito.

News Latest News Feed