Press Release
February 1, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar -- DZBB
with Mike Enriquez

Q: May apela po si Chairman Neri sa Senado na kung pwede daw ay i-reconsider ang warrant of arrest at hayaan na lang na ang Korte Suprema ang maghusga sa kung anumang isyu mayroon ang lehislatura at ehekutibo.

SPMBV: Iyong natanggap kong sulat ay ibinigay ko sa mga senador para sa kanilang pag-aaral dahil ito ay desisyon ng isang collegial body. Buong komite ang dapat magdesisyon sa bagay na iyan at hindi lang iisang tao. Kaibigan ko si Sec. Neri at naiintindihan ko ang kanyang kalagayan. Ang ginagawa kasi ng komite ngayon at ng Senado ay ipatupad ang aming tungkulin na itinatakda ng konstitusyon. Ang patuloy na pagbalewala ng Malakanyang sa aming mga subpoena sa mga opisyal ng gobyerno ay hindi naming hahayaang magpatuloy. Naiintindihan namin ang gustong sabihin ni Sec. Neri kaya mas maganda na maayos ito at siya ay mag-appear sa Senado. Bibigyan namin siya ng maximum courtesy sa Senado na kung mag-aapear siya ay sasabihin niya ang kanyang mga nalalaman. May right naman siya ng executive privilege. Ang gusto lang naming ma-establish dito ay ang karapatan ng Senado na makapag-isyu ng arrest order kapag binalewala ang ipinapalabas naming subpoena. Naging habit na ng Malakanyang na halos lahat ng mga opisyal ng gobyerno ay pinagbabawalang magsalita sa mga isyung sensitibo gaya ng ZTE deal.

Q: Pag nagpatuloy po ang ganyang paninindigan ng Malakanyang, baka maubusan kayo ng papel at tinta sa pagfill-up ng mga warrant of arrest sa mga ipapatawag niyong opisyal ng gobyerno.

SPMBV: ito ay isang bagay na tatalakayin namin habang umaabante ang isyung ito. Titingnan muna namin kung magdedesisyon si Sec. Neri na humarap sa Senado.

Q: Sinabi niyo po Mr. Senate President na iyong sulat ni Sec. Neri ay inyong ipinamahagi sa mga senador. Ibig bang sabihin nito na nire-reconsider niyo na bawiin na muna ang warrant of arrest laban sa kanya?

SPMBV: Ang komite lang ang makakapagdesisyon diyan. Pwedeng i-reconsider iyan ng blue ribbon at kung gagawin nila iyan, ako ay willing na tingnan ang bagay na iyan. Subalit, hindi magiging madali iyan. Hindi lang naman kasi ito tungkol sa ZTE deal, ito ay tungkol din sa karapatan ng Senado na magpa-aresto sa sinuman na susuway sa subpoena ng Senado.

Q: Mr. Senate President, iyon po bang mga opisyal ng gobyerno na iniimbitahan niyo na di sumisipot, di ba sumusunod lang naman sa kanila sa utos sa kanila? Paano naman po iyong mga nag-uutos?

SPMBV: Ang nangyayari kasi pag humaharap sa Senado ang isang opisyal ng gobyerno at ayaw niyang sumagot, ini-invoke ang executive privilege.

Q: So ang sinasabi niyo, sumipot na lang sa Senado?

SPMBV: Oo. Maghe-hearing agad kami. Then kung inaakala niya na yung kanyang sagot ay sakop ng executive privilege, pwede naman niyang i-invoke iyon dahil karapatan din ng isang cabinet member na mag-invoke niyan kung kinakailangan.

Q: Dumadaing si Sec. Neri na parang lumalabas na criminal siya at tinawag pa siyang pugante. Medyo nasasaktan na yung mama. Nararamdaman na niya.

SPMBV: Naiintindihan ko iyon. Gaya nga ng sabi ko kanina, kaibigan ko iyan at di ko iyan kinakaila. Ang totoo niyan, isa itong teknikal na bagay na kung may issue na warrant of arrest, iyon na talaga iyon. Maski sa Amerika ay may prosesong ganito na pwede ka talagang ipa-aresto kung gusto kang gawing witness ng gobyerno. Pero hindi naman natin sinasabi na si Sec. Neri ay may nagawang krimen maliban sa di niya pagsipot sa Senado.

Q: Patuloy pa rin ho bang kikilos ang mga tauhan ng Senado para ipatupad ang warrant of arrest?

SPMBV: Unfortunately, mayroong warrant of arrest. Obligasyon ng Senate sgt-at-arms na i-implement ang arrest order maliban na lang kung magkakaroon ng unawaan na sisipot na si Sec. Neri sa hearing o kung pipigilan kami ng Korte Suprema.

News Latest News Feed