Press Release
February 6, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar in DZXL with Erwin Tulfo and Doris Bigornia

Q: Mainit ba ang ulo ninyo ngayon?

SPMBV: Mainit talaga ng konti dahil sa kami ay nagde-demand ng full account ng nangyari dito kay Mr. Lozada. Kami ay naguguluhan at medyo naiinis. Medyo kinakabahan din kami dahil parang itong mga ganitong bagay ay nangyayari sa isang bayan na kagaya natin. Syempre kahit paano bilang isang Filipino, matatakot ka rin na ito pala ay posibleng mangyari dito.

Q: Makakasuhan ba dito si Atutubo, iyong pulis at iyong mga PSG?

SPMBV: Ang mga legal naming ngayon ay pinapag-aralan na iyan. Pinagtatahi-tahi namin ngayong umaga ang mga nangyari. Nagmi-meeting ang legal namin ngayon para mapag-aralan ang mga kasong puwedeng isampa. Ang una naming ginawa ay humingi muna kami ng account nitong nangyari talaga at kung meron silang closed-circuit tv, gusto naming makita ang video at kung ano ang nangyari. Hindi naman puwedeng hindi maipaliwanag ito. Iyon ang gusto naming mangyari. Hindi naman kami titigil hangga't hindi kami nakakakuha ng magandang paliwanag.

Q: Meron pong mga tao doon ang Senado para i-serve ang kanyang warrant of arrest. Bakit po hindi sila nagpumilit na sumama doon sa mga PSG at kay Atutubo at nagpa-confine lang sila doon sa press holding area?

SPMBV: Maganda ang tanong mo na iyan. In fact kasi pinigil sila. Alam mo naman hindi naman ganoon kadami ang aming mga tauhan. Ang aming stand sa ganyan ay non-confrontational. Hindi naman kami makikipag-away diyan. Sila ay hindi pinapasok sa loob. Inaasahan naman nila na hihintayin na lamang nila. Kaya lang, nagulat sila nang hindi na dumating. Noong kausap ko nga kagabi si Mrs. Violeta Lozada, three hours after nagpa-panic siya at hindi pa niya nako-contact ang asawa niya. Kaya hanggang kagabi ay pinag-aaralan namin ito at ngayon ay tuloy pa rin. Umaasa kami na sana naman ay ligtas itong si Mr. Lozada. Subalit ito ay isang bagay na malaki ang repercussion sa ating lahat. Ito ay dapat nating bantayan sapagkat nakakatawa na ang dahilan na ibinibigay na merong isang sarhento na kumuha. Can you imagine, kung merong may galit sa iyo ay puwede kang makuha ng isang sarhento at mawawala ka na lang.

Q: At in-escort pa ng Assistant General Manager ng NAIA. May nag-text po sa akin kanina, nagmamalaki daw itong sila Atutubo na kahit anong imbestigasyon ng Senate, alam nila na hindi sila sisipot sa Senado dahil hihingi lang sila ng permiso sa Malakanyang at tiyak na hindi sila bibigyan para lumutang sa Senado.

SPMBV: Ito ang nangyari kay Secretary Neri na binigyan muna kami ng Korte Suprema ng order na huwag munang i-implementa ang arrest order. Maganda sa akin din iyon sapagkat gusto ko na ring maliwanagan talaga itong limitasyon ng kapangyarihan namin at limitasyon ng kapangyarihan ng executive department nang sa ganoon ay hindi naaabuso itong bagay na ito. Wini-welcome ko ang gusto ng Supreme Court na mag-hearing na agad at magkaroon ng oral arguments at gagawa na sila ng desisyon para naman itong gagawin na magdadahilan na lamang ay hindi na pupwede.

Q: Ako po ay nabubuwisit dahil maski sino na lang ay hindi rumerespeto sa Senado, maging Asst. General Manager lang. Sinasabi ni Atutubo kanina sa interview sa radio ay wala naman silang binigay na warrant of arrest, bakit naming huhulihin para sa kanila?

SPMBV: Hindi naman namin pinapahuli sa kanila. Kami ang huhuli. Kami ay nakikipag-coordinate lamang sa kanila at hindi nila pinapasok at nawala. Maski sabihin pa na wala ang Senado doon, ang totoo nawawala pa rin si Mr. Lozada at iyan pa rin ang dapat ipaliwanag.

Q: Meron ba kayong ginagawa na measures para matiyak na itong si Neri ay hindi rin mawawala?

SPMBV: Itong si Secretary Neri ay iba naman. Hindi ko pa alam ang kanyang whereabouts unlike itong si Mr. Lozada na darating talaga at dumating talaga sa airport.

Q: Hindi po ba kayo nangangamba na magiging precedent na ito na kapag may hinanap kayo ay bigla na lang itatago ng otoridad maski na ng barangay tanod na lamang?

SPMBV: Ang hindi mawawala ay may arrest order. Hindi naman puwede na habang-buhay kang may arrest order. Palagay ko masasabi ko na matagal nang wala ang Pangulong Arroyo ay may arrest order ka pa rin. Huwag naman sana nilang babale-walain ang arrest order ng Senado dahil ang arrest order na iyan ay nasa pangalan po ninyo maski wala na ang mga nakaupo sa Malakanyang.

News Latest News Feed