Press Release
February 19, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar over DZXL with Erwin Tulfo and Doris Bigornia

Q: Sinasabi po na wala naman daw kapararakan ang ginagawa ng Senado at walang resulta ang ginagawang imbestigasyon.

SPMBV: Unang-una, hindi natin puwedeng balewalain iyong $330 million na transaksyon. Ito ay mayroong malaking halaga. Maraming magkakapera dito at hindi naman kailangan ng ating bansa. Naagawan nga ang housing ng sundalo't pulis para dito. Pangalawa, may kidnapping na nangyari. Ito ba naman, ang isang Filipino ay mawawala na lamang sa isang airport at hindi alam ng kanyang mga mahal sa buhay at makikidnap siya. Alam n'yo kapag hindi tayo kumibo sa mga ganitong pangyayari, baka balang-araw tayo ang magkaroon ng ganitong eksperyensya o iyong ating mga anak. Wala tayong masisisi kundi ang mga sarili natin dahil noong nangyari ito ay hindi tayo kumibo. Kaya bakit naman nila sasabihin na hindi mahalaga iyan? In fact, iyong pagsasabi na hindi mahalaga iyan ay nagsasabi na ang values natin ay napakababa na kung itong kidnapping at napakalaking halaga ay itinuturing na balewala.

Q: Ilalagay n'yo rin ba under oath sina Senators Lacson at Madrigal para patotohanan ang sinabi ni Lozada?

SPMBV: Kahapon ay halos nai-validate na nila iyong sinabi ni Lozada, narinig nga nila. Ang gusto nga nilang magsabi ngayon ay si Secretary Neri. In effect, talagang kinumpirma nila iyong sinabi ni Lozada na iyon na nga ang pinag-usapan nila kasama na iyong illustration ni Mr. Lozada na iba't ibang oligarchs sa ating bansa.

Q: Pero wala ba kayong nakikitang mali sa ginawang pakikipagpulong ni Lacson, Madrigal kay Lozada?

SPMBV: Unang-una, noong panahon na iyon si Mr. Lozada naman ay walang kaso, hindi naman iyan wanted. Siya ay malaya na makipag-usap kaninuman. Si Secretary Neri naman noong mga panahong iyon ay walang arrest order. Libre naman talaga siya na makipag-usap kaninuman. Hindi po bawal iyong makipag-usap kaninuman. Noong panahon na iyon, at least, walang masama sa mga ganoong usapan.

Q: Dumadami po ang sumusuporta kay Jun Lozada. Do you believe na kapag tumagal pa ito ay lalong pang dadami at itong paghingi ng resignasyon ng pangulo? Do you think this will trigger, wika nga, it's time to change?

SPMBV: Malaking pagbabago ang nangyayari ngayon. Hindi lang natin alam kung saan aabot ito. Ang nangyari kay Mr. Lozada ay nagising niya iyong mga damdamin ng ating kababayan. Sa palagay ko ang nakagising nga diyan hindi masyado ang ZTE, bagama't medyo matagal na iyon, subalit iyong pagkakakidnap sa kanya. Doon nagising ang ating kababayan na medyo lumalala na itong posibleng mangyari sa isang Filipino. Parang sabay-sabay na nagising ito. Noon ngang makita nila ang nangyari kay Mr. Lozada na natakot para sa kanyang buhay, na kinidnap sa airport, talagang lahat ng Filipino ay nakaramdam ng naiiba at parang ayaw nila. Tinanong nila kung gusto nila itong ganitong pamumuhay at ganitong sistema ng gobyerno. Sa palagay ko, lumalabas na ayaw nila kaya nagkakaroon ng aksyon. Kanina narinig ko iyong sa Deped. Sa aking palagay ang mga kabataan ay dapat ding turuang maging aktibo at nagmamahal sa ating bansa. Hindi naman dapat na dahil sila ay bata ay hindi natin sila i-involve dito. Maliban na lamang kung pipilitin. Iyon naman ang mali. Pero kung sila ay voluntarily na gustong magpahayag ng kanilang nararamdaman, iyan po ay mabuti sa ating demokrasya sapagkat sila rin ang makikinabang dito sa mangyayari sa ating bansa. Ang mga kabataan din ang magmamana nitong ating bayan. Siguro gusto lang nila na ang mamanahin nila ay isang demokrasya at isang sistemang maayos.

Q: Kasama pala kayo doon sa Moral Revolution Council?

SPMBV: Ako naman ay sumusuporta sa lahat ng mga pagtawag, mga moral revolution, mga changes, subalit ako ay hindi puwedeng mag-active sa mga iyan dahil sa bilang pangulo ng Senado, baka mabigyan ng kulay ang ating ginagawang imbestigasyon. Subalit sa isang kaibigan ko na si Speaker de Venecia, ako naman ay nakahandang tumulong sa anumang kanyang binabalak sa darating na panahon.

Q: Si Sen. Jinggoy po at Sen. Gordon medyo nagkakasamaan ng loob, paano n'yo iha-handle ito?

SPMBV: Kahapon kasi mago-open ako dapat ng session kaya nawala ako noong oras na iyon. Hindi natin maiaalis iyan. Sa Senado ay talagang open ang lahat ng senador. Sinasabi nila ang kanilang nasasaloob. Iyan naman ay hindi pwedeng pigilan.

Q: Masama pong tingnan. Akala ng taong-bayan ay isa lang ang kalaban, sila-sila na ho ang nag-aaway.

SPMBV: Syempre tayo po ay hihingi ng paumanhin diyan sa ating mga kababayan. Siguro sa silakbo lamang ng damdamin. Normal iyan. Pero totoo naman iyon, hangga't maari po, iniiwasan namin iyan dangan nga lamang at paminsan-minsa ay may nakakalusot na ganyan.

News Latest News Feed