Press Release
March 6, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
over Umagang Kay Ganda with Pinky Webb

Q: Kagulat-gulat po ba itong naging desisyon ng Senado na kumbaga ay talikuran ang inilatag na compromise deal ng Korte Suprema?

SPMBV: Mahirap para sa Senado na pumayag sa ganitong compromise. Mahalaga para sa amin ang aming responsibilidad. Ibinigay ng konstitusyon iyan. Sabi ko nga sa aking mga kasamahan, baka tayo masisi ng mga susunod na henerasyon ng mga senador at sabihin na bakit tayo nag-establish ng precedence na ganito. At saka, paano na ang future investigations naming? Hindi natin maiiwasan na ang compromise deal na ito ay magagamit na precedent sa mga darating na panahon.

Q: Unanimous po ba ang naging desisyon sa bagay na ito?

SPMBV: Oo naman. Nagkasundo ang mga senador. Matindi ang aming paninindigan at paniniwala namin na tama ang aming ginagawa. Hindi pwedeng ma-compromise ang paghahanap sa katotohanan. Umaasa na lang kami na makikita ng Supreme Court na ito talaga ang tungkulin ng Senado sa ilalim ng ating konstitusyon.

Q: Paano natin ngayon ihihiwalay ang EO 464 na ni-revoke na ng Pangulo versus doon sa executive privilege? Halimbawang dumating si Chairman Neri sa Tuesday hearing ninyo, paano po pag ininvoke na naman niya ang executive privilege?

SPMBV: Yun nga ang problema kaya hindi talaga kami pumayag dahil ii-invoke lang ng ii-invoke iyan. Yung kasing pagbasura sa EO 464, hindi kumpleto iyon. Mayroon pa kasing Memorandum Circular 108 na mas grabe pa diyan at mayroon pang executive privilege. Kung talagang hangarin nila na palabasin at paharapin ang mga government officials sa Senado, sana ibinasura nila ito ng sabay-sabay. Doon ako maniniwala na sincere nga ang gobyerno.

Q: Ang naiwan kasi sa isipan ng mga tao ay itong EO 464, kaya nga lagi naming sinasabi na mayroon pang MC 108 at executive privilege. Kumbaga, tatlong hadlang ito, at iyong unang hadlang pa lang ang natanggal.

SPMBV: Pampalubag-loob nga lang eh. Parang pagbabagong puri lang iyong pagbasura ng EO 464. Alam naman nila iyon na hindi sapat ang ginawang hakbang sa EO 464. Wala rin iyan. Hindi rin naman naresolba iyong MC 108 at yung isyu sa executive privilege.

Q: Paano po yung hearing sa Tuesday?

SPMBV: Marami pa kaming iimbitahin. Yung pinangalanan ni Dante Madriaga na greedy bunch, inimbitahan na rin namin. At saka, anong malay natin, baka biglang dumating si Chairman Neri. Kung hindi naman, marami pa kaming iimbitahan para magbigay-liwanag doon sa mga pahayag ni Mr. Madriaga.

Q: So, wag po tayong umasa na darating sa Tuesday si Chairman Neri dahil wala po pang katiyakan iyon.

SPMBV: Marami pa rin namin kaming tatanungin sa tinawag na greedy bunch ni Mr. Madriaga. Nililiwanag ko lang na hindi ito tungkol kay Chairman Neri lamang. Ang isyu dito ay ang institusyon ng Senado. Kapag isinuko namin ang aming kapangyarihan, wala ng magbabantay sa mga anomalya sa gobyerno.

Q: Napansin po naming kay Jun Lozada, na maganda ang amor ng mga Senador sa kanya. Pagdating p okay Madriaga, parang nagda-doubt ang mga Senador. Pero narinig ko na po kayo na sinabi niyong you are giving him a fair chance. Ano ho ang basa niyo ngayon kay Madriaga?

SPMBV: Hanggang ngayon naman, wala kaming nakikitang problema kay Mr. Madriaga. Nagda-jive naman yung mga sinasabi niya doon sa testimony ng ibang witness. Iba lang talaga ang personalidad niya. Mas buo ang loob. Siya kasi nag-volunteer. Out of nowhere, bigla siyang lumitaw kaya mas nagduda siguro kami. Di gaya ni Mr. Lozada na talagang hinanap namin, ipinatawag namin at nagtago pa sa amin. Itong si Mr. Madriaga, biglang dumating, so hindi rin mai-aalis sa Senado na magduda.

Q: Paano pag di dumating yung sinasabi ni Mr. Madriaga na greedy bunch?

SPMBV: Magpapalabas kami ng warrant of arrest. Ganoon naman ang proseso, pagkatapos naming maglabas ng subpoena, pag binalewala iyon, warrant of arrest na ang kasunod. Pero siguro naman, may darating sa kanila.

Q: Noon pong huling hearing, di nakadalo sina PNP Chief Razon, yung PSPO at yung airport officials dahil may inihaing kaso na rin si Sen. Jamby. Kayo po ba sa palagay ninyo, kailangan pa silang ipatawag ulit?

SPMBV: Mahalaga na marinig namin iyong paliwanag nila sa nangyari sa airport dahil di pa nila ito maipaliwanag. Tatlong grupo iyan, yung PNP, yung PSG at yung airport officials na hindi na nga bumalik sa Senado. Kailangang bigyang liwanag yung kidnapping issue. Para sa Senado, malaking usapin iyong kidnapping.

News Latest News Feed