Press Release
March 6, 2008

Transcript of press conference with Senate President Manny Villar

Q: Was there really a unanimous decision o no decision kagabi?

SPMBV: May desisyon kagabi. Maliwanag na ang desisyon ng Senado ay i-reject ang compromise na pino-propose ng Supreme Court. Hindi naman namin sinasabi na masama ang intensyon ng SC. In fact, we appreciate na iyon ay iminungkahi nila. Subalit maliwanag na gusto na lang naming hintayin iyung desisyon sapagkat naniniwala kami na ang ginagawa ng Senado na ito ay naaayon sa Konstitusyon. Ang ginagawa ng Senado ay in exercise of its power. Mahirap naman na magkaroon tayo ng precedent na sa darating na panahon ay magagamit laban sa Senado. Mahirap din naman na pumapayag kami sa mga ganitong bagay. In the case of Secretary Neri, napakahirap na hindi mo siya maaring tanungin ng tatlong katanungan; kung nai-follow up ng pangulo ang ZTE deal, ano ang sabi ng pangulo noong sabihin niya iyong offer sa kanya at kung siya ay naimpluwensyahan ng pangulo. Ito ay tatlong katanungan na bawal itanong. Kung hindi namin maitatanong iyan, parang useless naman ang pagpunta ni Secretary Neri dito. Mas maganda na lamang na hintayin na lamang namin ang desisyon. Anyway, marami pa naman tayong witnesses na ipapatawag. At all times, mahalaga na hindi namin papabayaan ang tungkulin at kapangyarihan ng Senado na naaayon sa ating Konstitusyon.

Q: Nakipag-usap po kayo kay Chief Justice Puno kanina?

SPMBV: Sinabi ko lang kay Supreme Court Chief Justice na hindi naman kawalan ng paggalang iyon, talaga lamang naniniwala ang Senado na ang kanyang ginagawa ay naaayon sa Konstitusyon. Mas mabuti na lamang na ang desisyon na lamang nila ang hintayin natin para maliwanagan na once and for all itong issue ng executive privilege.

Q: Ano ang reaksyon ni Chief Justice?

SPMBV: Okay naman. Iyon naman ay para maging maganda rin ang samahan ng SC at ng Senado. Hindi naman nakikipag-away ang Senado. Ang gusto lamang ng Senado ay ipagtanggol ang kanyang kapangyarihan at tungkulin na naaayon sa Konstitusyon. Iyon lamang naman ang gusto ng Senado. Hindi tayo nakikipag-away sa Malacañang. Hindi tayo nakikipag-away kaninuman, lalong-lalo na sa SC.

Q: Initially ang spokesman ng SC nanghinayang sa pag no-No Deal ng Senate kasi malilimit lang sa three questions ang ruling nila on executive privilege.

SPMBV: Hindi naman din. Ano naman ang masama kung halimbawa, dumating dito si Secretary Neri at magkaroon kami ng pagkakataon na matanong siya? To me, kapag iyong tatlong tanong na iyon hindi mo maitatanong, useless na. Baka itong compromise na ito ay ma-damage ang mga darating na panahon. Paano na iyong mga darating na henerasyon ng mga senador? Baka kami naman ang balikan kung bakit kami pumayag sa mga ganitong compromise?

Q: May nabanggit po si Puno kung kailan sila magde-decide?

SPMBV: Normally naman ay isang buwan. Baka magkaroon pa ng motion for reconsideration iyan, dalawang buwan. Kami naman ay nakahandang maghintay. Ang mahalaga ay hindi namin mai-compromise ang kapangyarihan ng Senado sa bagay na ito. Maliwanag naman na naghahanap lang kami ng katotohanan. At iyon ang maliwanag sa aming isipan. Hindi nawawala iyan.

Q: Disappointed si Sen. Mar Roxas sa naging desisyon ng majority ng senators. May panawagan siya sa inyo na i-reassess iyong naging stand.

SPMBV: Naiintindihan naman natin iyon. Ako naman ay nanawagan sa kanya na sana ay maunawaan niya ang kahalagahan ng kapangyarihan ng Senado.

Q: Hindi kaya ma-compomise ang judiciary as a co-equal branch...

SPMBV: Too early naman para sabihin natin na ganoon ang SC. Ako ay naniniwala pa rin sa fairness ng ating SC. Naniniwala pa rin ako na in the end, susundin pa rin nila kung ano ang nakalagay sa ating Konstitusyon. Kikilalanin nila ang supremacy ng Konstitusyon. Hindi naman iyan supremacy of the judiciary. It is the supremacy of the Constitution.

Q: Sabi ni Apostol, you were given the chance to ferret out the truth pero mukhang ayaw ninyo?

SPMBV: Iyon nga iyong bawal itanong. Ang tanong ay parang pwera lamang sa pangulo. Iyon ang gusto naming itanong dahil naitanong na nga namin kay Secretary Neri halos lahat, pwera lang iyong pinakamahalaga na ang pangulo ba finalow-up itong ZTE deal? Ang pangulo ba ay inimpluwensyahan siya dito? Ano ang sinabi ng pangulo doon sa pagtatangkang bigyan siya ng lagay? Ito ang napakahahalagang katanungan na gusto nating malaman ang katotohanan. Kaya kung hindi mo maitatanong itong mga bagay na ito, ano ang katotohanan na malalaman mo? Iyong iba naman alam na natin.

Q: Bunye called this arrogance on the part of the Senate.

SPMBV: Kaya nga kami nasa SC, palagay ko. Naintindihan naman nila na kina-clarify natin ang Konstitusyon kaya kami dumulog diyan. Hindi po arrogance iyan. Ang exercise ng power ng Senado ay hindi arrogance. Ito ay bilang pagsunod sa tungkulin na ibinigay sa amin ng Konstitusyon at tungkulin na ibinigay sa amin ng sambayanang Filipino na naghalal sa amin. Ito naman kasi ang maliwanag na trabaho namin bilang senador. Dito kami inihalal ng tao. At ito ang nasa Konstitusyon. Hindi po ito arrogance. Ito ay paggawa ng aming tungkulin.

Q: Will you authorize the Senate committees to work even during the Lenten recess?

SPMBV: Yes. Hindi lamang ngayong bakasyon. Everytime na may bakasyon, ang committee ay magtutuloy ng trabaho. Hindi ako naniniwala na magbabakasyon ng matagal ang mga committee. Naniniwala ako na tuloy-tuloy lamang iyan. Baka rin magpahinga ng konti para bigyan ang staff ng pagkakataon na makapagpahinga ng konti. Subalit sa Holy Week, syempre hindi naman puwede dahil Holy Week iyan. But lahat ng committee ay bibigyan natin ng kapangyarihan para magtuloy ng kanilang mga hearings. Pati iyong pagtalakay ng mga panukala, puwede nilang gawin.

Q: May new witness daw si Sen. Lacson.

SPMBV: Hintayin na lamang natin. Sana naman. Mas maganda sana kung may witness na makakapagbigay ng liwanag dito. Syempre mas wini-welcome natin iyan. Maski si Secretary Neri ay iniimbitahan namin na tawagan kami anytime. Puwede naman siyang dumating sa Senado at sabihin ang kanyang nalalaman tungkol dito. Hindi naman kailangang magkaganito itong mga bagay na ito. Anytime kami naman ay madaling kausap. Tumawag lang siya sa amin. Puwede niyang sabihin lahat. Lahat ng accommodation, kami naman ay nakahandang ibigay sa kanya.

Q: Kung hindi pa rin siya dumating sa Tuesday?

SPMBV: Hindi pa siya darating sa Tuesday. After the decision.

Q: Content lang, sabi n'yo ang pag-uusap ninyo ni Puno ay okay naman. Meron ba siyang ibang issue na ni-raise?

SPMBV: Ako naman ay nagpunta lamang doon para ipahayag ang damdamin ng Senado at ipahayag sa SC na hindi naman naming hangarin na basta bale-walain na lang ang suggestion. Sinabi namin na we appreciate iyong kanilang hangarin na magkaroon ng compromise. However, sinabi namin na napakahirap niyan sapagkat maaaring mai-compromise naman namin ang aming tungkulin sa Konstitusyon at natatakot ang mga senador na magkaroon ng precedent ito at mahirap na. Okay naman. Nauunawaan naman ng Chief Justice iyan.

Q: Pumunta kayo doon?

SPMBV: Oo. Wala namang problema. Sasabihin lamang naman sa Chief Justice. Ako naman ay puwedeng pumunta saan man, sa Malakanyang, sa House of Representatives, sa Supreme Court. Hindi naman nagbabago ang aking pananaw dahil pumunta ako sa isang lugar.

Q: Did he tell you of the consequences, like matatagalan pa siguro dahil ayaw ninyong makipag-compromise?

SPMBV: Okay naman iyon. Kasi sa tingin ko, dapat tingnan natin iyong future, iyong kinabukasan. Huwag lamang nating tingnan itong isyu na ito. This is beyond Secretary Neri. This is about the Senate. Napakahalaga na palawakin natin ang ating kaisipan at ilagay natin ang mahalaga sa Senado. Hindi lamang ito ZTE. Hindi lamang ito Secretary Neri. Ito ay Senado. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Senado ang siyang mahalaga rito. Doon sa mga hindi nakakaunawa, sana ay lawakan ninyo ang inyong pang-unawa para makita ninyo na hindi lamang it okay Secretary Neri lang. hindi ito ZTE lang. Ito ay ang kapangyarihan at tungkulin ng Senado na naaayon sa ating Konstitusyon. Kailangan ipagpatuloy ng Senado ang paghahanap niya ng katotohanan. Napakahalaga niyan.

Q: Nabanggit ninyo two to three months pa ang desisyon?

SPMBV: Maaring dalawang buwan lamang, assuming na magkakaroon ng motion for reconsideration. But to me, kapag nagdesisyon ang SC, maaring isipin ni Secretary Neri na huwag nang mag-motion for reconsideration at mag-appear na. In which case, baka Marso lang ay humarap na siya.

Q: (inaudible)

SPMBV: Iniiwan ko iyan sa mga lawyers but I am assuming that they will.

Q: Malabo pa ang closure?

SPMBV: Hindi pa kasi sa Martes ay marami tayong inimbitahan kasama iyong tinatawag ni Mr. Madriaga na Greedy Bunch.

Q: Kahit abutin pa ng Flores de Mayo, hihintayin ninyo si Neri?

SPMBV: Maski hintayin pa ng Pasko. To be fair, the SC will decide as early as possible, I think. In a month or two, they will make a decision. Sabi ko nga, hintayin na lamang. Mahirap naman na mag-compromise pa tayo dito.

Q: The Blue Ribbon cannot make a decision without Neri?

SPMBV: Actually, puwede na rin. Mas maganda lang, mas kumpleto. Depende rin. Kasi kung may lumabas din na witness na mas marami pang alam kay Mr. Neri, okay din.

Q: Iyong pagsasara ng hearing malabo pa in one to two months?

SPMBV: Ayokong pangunahan ang komite sa bagay na ito. Subalit depende sa mga sasabihin ng witnesses sa Martes. Kung inyong naaalala, iyong pinatawag namin na mga pulis na according to Mr. Lozada ay siyang kumidnap sa kanya, tatlong batch iyon; PSG, ASG at PNP, PSPO, iyon ay hindi dumating noong aming hearing. Hindi pa namin naririnig ang panig nila. Mahalaga rin na marinig namin ang panig nila para maipaliwanag nila kung bakit sinasabi nila na hindi kidnapping ang nangyari dito kay Mr. Lozada.

Q: Sinu-sino ang na-subpoena.

SPMBV: Iyong Greedy Bunch. Si Ruben Reyes, Leo San Miguel, Quirino dela Torre, Jimmy Paz. Iyong dalawang ZTE officials, Fan Yang at Yu Yong.

Q: A-attend na raw?

SPMBV: Wala pa. Hindi ko pa alam kung a-attend sila.

Q: Nasa abroad po ang karamihan dito sa Greedy Bunch.

SPMBV: Hindi naman kami titigil diyan. Ang susunod sa subpoena ay hihingan sila ng show cause kung bakit sila hindi dapat mabigyan ng arrest order.

Q: For clarification po, sino po ang nagdesisyon ng rejection ng compromise? Iyong chairmen ng three committees?

SPMBV: Ang Senado. Lahat ng nandoon sa caucus. Majority ng mga senador ang nag-decide diyan.

Q: Maski wala na ang 464, pati ang 108, the executive privilege will still be a stumbling block?

SPMBV: Sa akin iyong mga number-number, nalilito lang tayo diyan. Mas mahalaga na ipakita ng pangulo ang sinseridad niya sa pamamagitan ng pag-oorder na lang sa kanyang opisyales na involved na magpakita na at sabihin ang kanilang nalalaman. Kasi nalilibang tayo dito sa debate kung 108, 464 o baka may iba pang bagong circular. Ang mahalaga ay makita natin na pinapunta niya ang kanyang officials, pinagsalita niya at pinagsabihan niya na huwag nang mag-avail ng executive privilege. Doon makikita natin na talagang sincere ang pangulo.

Q: Since there is no compromise, what will be the rule if another official invokes executive privilege?

SPMBV: Pareho pa rin. Wala naman kaming magagawa pa diyan. Talagang kapag hindi kami naga-agree, isa-cite namin siya for contempt. At kamukha ng ginawa ni Secretary Neri, tatakbo iyan sa SC. At ganoon na naman ang mangyayari. Wala kaming choice diyan. Naniniwala kami na iyan ay paggawa ng tungkulin naming sa Senado. Hindi kami magbabago diyan.

Q: You will cite a witness in contempt if they cannot justify...

SPMBV: Oo. Kasi kapag hindi naman sumagot nang maayos ang witness at hindi naga-agree ang committee sa excuses niya, puwede siyang ma-cite for contempt on the spot.

Q: Paano kaya magiging binding ang decision ng Senate since wala pong formal voting?

SPMBV: The mere fact na walang tatanggap o tumatanggap ng kanilang compromise formula, iyon na iyon. Kasi ang compromise formula is something that must be accepted. Baliktad iyon. Kailangan may tumanggap. Wala ngang tumatanggap dahil ang consensus ay ayaw namin.

Q: Malabo na ang appeal ni Mar Roxas na baguhin ng senators ang stand?

SPMBV: Ako, personally hindi siguro kasi talagang matibay ang aming paniniwala na mas mahalaga ang institusyon kaysa rito sa bagay na ito.

Q: Aside from Mar, sino pa ang may ayaw?

SPMBV: Hindi naman ako puwedeng magsalita doon. Malalaman n'yo naman iyon. By now alam ninyo naman. Sa kanilang mga interviews, makikita ninyo ang kanilang mga posisyon.

Q: On Spratlys

SPMBV: Dapat imbestigahan itong Spratlys. Ako mismo ay naniniwala na dapat magkaroon ng imbestigasyon dito sapagkat bakit naman nabigyan natin ang China ng ganyang privilege at kung ano ang mga kapalit niyan? Kasi tayo, we broke rounds with the Asean countries. Normally nagne-negotiate ang Asean as a bloc with China. Pero ngayon humiwalay tayo para makapagbigay tayo ng ganoong concession sa China. Ano naman ang ibinigay sa atin ng China para bigyan natin sila ng ganyang concession? Gusto lang nating maunawaan iyan kaya meron nang naka-file na mga resolution. Naniniwala ako na dapat masimulan na ang imbestigasyon diyan. Napakahalaga, sa aking palagay, ng Spratlys issue at mas maraming kailangang ipaliwanag ang Malacañang dito.

Q: One of the proposals is for the issue to be investigated by the Committee of the Whole.

SPMBV: Iyan naman ay depende kung mapapagkasunduan ng Senado iyan. Sa ngayon naman ay maganda ang performance ng Blue Ribbon Committee. Hindi ko naman nakikita na kailangan pa iyan subalit anumang oras na gustuhin ng mga nakararami sa Senado na gumawa ng ganyan, okay lang naman sa akin. Ako naman ay sumusunod lamang sa karamihan ng senador sa mga bagay na ito.

Q: Hindi ba sa Foreign Relations Committee ito?

SPMBV: Puwede rin sa Defense, puwede rin sa Blue Ribbon.

Q: Is it another impeachable offense ni GMA?

SPMBV: Oo naman. To me, it's an impeachable offense.

Q: May North Rail pa sir.

SPMBV: Oo, mahaba na ang pila. Marami ang nasa listahan.

Q: Matagal ba ang meeting ninyo with Puno?

SPMBV: Hindi naman. More of delivering the message lang.

Q: Walang sinabi si Puno na bahala kayo?

SPMBV: Hindi naman. Nagkakaunawaan naman kami. Matalik na kaibigan ko naman si Chief Justice.

Q: Siya ang nagsabi na one to two months ang desisyon?

SPMBV: Una nais kong liwanagin, ako ay nanghuhula lamang sa oras na kakailanganin ng SC at base sa kanilang sinasabi. Subalit ayaw kong bigyan sila ng deadline. Hindi naman po nagbibigay ng deadline ang Senado. Kamukha rin naman ng hindi rin tumatanggap ng deadline ang Senado kaninuman.

Q: Walang binigay na commitment si Chief Justice?

SPMBV: Wala naman. Ideya lang pero hindi commitment.

Q: Is it a priority?

SPMBV: Kapag one month priority na iyon.

Q: Does the Senate have the power to undo the Spratlys agreement?

SPMBV: Kapag executive agreement, ang Foreign Affairs iyon.

Q: Panay ang ikot ni Lozada. Ang NP ba puwede kaya siyang kunin as candidate for 2010?

SPMBV: Huwag naman. Huwag muna nating bigyan ng kulay pulitika si Mr. Lozada kasi ongoing pa ang imbestigasyon. Ito ay mga bagay-bagay na pinapag-usapan after the investigation.

Q: The Deped said Lozada should not speak in public schools.

SPMBV: Hindi naman dapat iyon. Bakit naman pipigilan ang mga iskwelahan na imbitahan si Mr. Lozada? Ang masama iyong pipilitin ang mga estudyante na makinig. Pero kung gustong makinig ng estudyante, okay lamang iyon. Hindi naman dapat pigilan na imbitahan si Mr. Lozada. Kung open invitation to all students sa isang iskwelahan na makinig kay Mr. Lozada, wala akong nakikitang masama diyan. Iyan ay magandang exercise ng ating democratic rights.

Q: Makaka-distract daw sa final examinations ito.

SPMBV: Sa palagay ko ang mga estudyante na ang makakaalam at magdedesisyon niyan kung sila nga ay madi-distract. Baka nga ma-inspire pa sila kapag narinig nila si Mr. Lozada.

News Latest News Feed