Press Release
May 5, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas ' 'Kapihan sa Manila ' press conference with Neal Cruz

The Affordable Medicines Act:

Q: How soon do you think prices will go down?

MAR: Sa ngayon, ang pamahalaan mismo ay nagpa-parallel import. Ito yung sinimulan ko noong nasa DTI pa ako at kinasuhan kami ng pharmaceutical companies para itigil ito. Ngayon, nakaset-up na yan. Napopondohan na yan at papalakihin ngayon ng gobyerno itong parallel importation niya at nang sa ngayon nararamdaman na ng ating mga kababayan sa botika sa bayan at botika sa barangay through the PITC. Itong mga gamot na ito pumapasok dito ng half-price kung ikumpara noon dito sa singil sa ating bansa. So para dito sa mga gamot na ito, maaaring agad-agad maramdaman iyan, depende sa kung gaano kalaking pera ang ilalalgay ng gobyerno dyan para bilhin nga itong mga gamot na ito sa ibang bansa.

Gagawa rin ng proseso ang BFAD. Hindi naman pwede na balewala naman yung safety, yung quality and yung security. Kung sinuman ang gustong mag-parallel import, kailangan rumehistro sila sa BFAD. Kung anuman ang bibilhin nilang gamot, dadalhin nila yung sampol nila sa BFAD para i-testing nila kung ligtas ba talaga ito. Hindi naman agad-agad ito. At matapos magawa itong sistema, then makakapagangkat na sila at dadami itong parallel importation.

Pangatlo doon naman sa ating generics industry, ngayon ay binigyan sila ng dagdag na espasyo para makapag-compete. It will also take them time. ang pinakaimportante dito ay simulan natin yung proseso para mabuwag na itong cartel na pharmaceuticals na kung saan dito sumisingit sila ng 5-10 beses na mas higit kaysa sa kanilang sinisingil sa ibang bansa.

Q: Where can price control be used?

MAR: Yung priority din ay nasa mga maintenance drugs. Kase kahit lima , sampu, dalawmpung piso ang savings sa tableta, kase maintenance drug ito pang-hanapbuhay, ang summa total savings nito ay napakalaki. Lalong-lalo na sa hypertension, diabetes, dito sa mga karamdaman na pang-hanapbuhay iniinuman ng gamot. So mayroong essential drugs for these ailments.

Q: Patients are now forced to have a kidney transplant although marami ring risks iyan, rather than spending on dialysis. Is this covered under the Affordable Medicines Law?

MAR: Palagay ko covered ito, if they are defined as such. May medical, therapeutic iyon eh. Depende doon sa operationalization ng definition ng DOH sa IRR, nakasakop din iyan sa price control at sa parallel importation at sa iba pang probisyon ng batas.

Q: How will access to these cheaper drugs be ensured?

MAR: May solusyon na diyan. Nakita natin ang problemang iyan, na ini-intimidate ng pharmaceutical company itong mga botika na 'wag mong ibenta iyan.' So mayroon tayong probisyon sa batas, yung 'must-carry' provision. Ibig sabihin lahat ng botika must carry, kailangan nilang ibenta, ilagay sa inventory nila para may benta rin siya. Iyan ay base sa political will. Kung masigasig ang gobyerno, kung may political will ang gobyerno, maaaring sabihin na ito yung sa diabetes, sa high blood, sa rayuma, lahat nitong mga pang-mahabaang gamot, kung malaki ang savings, pwede namang sabihin na ito ang dapat i-carry, ito ang presyo, at yung gobyerno mismo, maramihang bibili sa ibang bansa at ipapasok dito. Yung sa must-carry, mape-penalize sila administratively and criminally kung hindi sila sumunod sa batas.

Q: How do we ensure quality of medicines?

MAR: Sang-ayon sa bagong batas, ang BFAD ngayon can retain their income. Sa bawat gamot na narehistro, may ibinabayad ang mga kompanyang ito. Sa kasalukuyan, ang perang iyan ay pinapadala sa Treasury, pero sa batas na ito, mare-retain na ngayon ng BFAD, para makabili sila ng mga machines at ibang mga laboratory equipment para mabilis din magawa ito.

Q: Where can consumers complain about high prices in certain pharmacies?

MAR: Nakapaloob sa batas na the Department of Health is authorized, mandated in fact, to create such offices as necessary to help them administer the law, to reorganize, combine, kung anuman ang kinakailangang organizational movements within the DoH and even outside the DoH.

Higit pa rito, higit sa batas, ay talaga yung political will. Ano ba ang importante sa atin? Kase kung talagang importante ito at hindi lamang sa talumpati, hindi lamang sa isang araw sa isang taon sa May 1, agad-agad na sabihin dagdagan ang pondo ng parallel importation program ng DTI. Damihan natin ang botika sa mga barangay. Bawat barangay captain mag-designate ang magiging Botika sa Barangay cooperative sa bawat barangay, at doon ipapadala ang mga gamot na ito. Gamitin natin ang mga midwives, mga komadrona sa kanayunan, sila naman talaga ang pinupuntahan ng ating mga kababayan. Bawat isa n'on ay maaari maging SME, bibigyan ng kaunting kapital, kaunting gamot, 'kayo na magbenta diyan at magprovide nitong mga gamot sa inyong mga pasyente,' at sa ganoong paraan, makakatulong kaagad ito sa ating mga kababayan. Ang kapangyarihan ang probisyon ng batas ay nandiyan na. Ngayon ay nasa execution at nasa implementation tayo, and it depends now on the executive branch of government.

On cartels in various industries:

Q: Is there anything Congress can still do against cartels?

MAR: Kinikilala natin na mayroon talagang mga tinatawag na 'restraining trade' - price manipulation, intimidation at iba pang mga gawain na pumipigil sa malayang pagnenenegosyo dito sa atin. Kaya sa Senado, gumawa kami ng special committee to write up the antitrust, anti-monopoly laws. Ito ang tinatawag na competition policy, at ang in-assign diyan ay si Senator Enrile. We are acting on this, dahilan sa maganda man itong nangyari sa Cheaper Medicines Bill, hindi puwede na ito lamang ang kasangkapan natin laban sa matataas na presyo. Kailangang siguraduhin natin na itong mga gawain na pumipigil sa kompetisyon ay matigil din, kaya ina-update natin ang ating mga antitrust at monopoly laws.

On Land Conversions:

MAR: Para sa akin, dapat may moratorium tayo--absolute moratorium--on conversion of all agricultural land into other uses. Dapat agad-agad iyan. Pangalawa, imbestigahan natin lahat itong conversions na ito, dahilan sa maraming mga halimbawa ng prime irrigated agricultural land, ginastusan ng gobyerno iyan na lagyan ng irigasyon. Tapos, kasi nagkaroon ng suhulan sa isang tanggapan ng pamahalaan, automatically nako-convert sa ibang gamit. Kaya masasabi na yung mga tanggapan sa gobyerno na pumapayag sa conversions na ito, sila na rin mismo ang nag-contribute na nagkaroon tayo ng food crisis o food shortage sa ngayon.

Biro mo, agricultural land, rice land ginastusan ng gobyerno, irrigated, ico-convert. At ito pa ang kasaklapan niyan. Kung sa gitna ng isang irrigation canal, yung lupa dito na-convert, eh di natigil. Eh di all the other agricultural lands sa dulo, wala na. Ang epekto nito, hindi lamang yung ektarya na na-convert pero pati yung iba pa. So dapat iyang imbestigahan, because lahat ng pagdurusa ni misis ngayon, na nasa P30 ang kilo ng bigas, kasangkot sila diyan. Dahilan sa itong mga lupain na ito na prime agricultural and irrigated land ay hinayaan o napasubo sila o na-transaksyon sila na gawing iba pang gamit.

Hindi lang tempted to sell to the land developer. Kadalasan din, the poor farmer is tempted to sell back to the original owner of the land. Yung mga CLOA madalas wala na sa magsasaka iyan eh, nabenta na iyan o na-prente na iyan, nai-utang na iyan ng magsasaka. Kaya kung meron mang extension ng land reform, dapat aralin ito nang mabuti para hindi maulit ang mga mali ng nakaraan.

On the proposed suspension of VAT on oil products:

MAR: Pumatak na sa $120 ang langis sa pandaigdigang pamilihan, nag-retreat nang konti hanggang sa $110-115 per barrel. Kung iisipin natin, itong 12% VAT, in-impose ito when oil was $30 a barrel. Kaya ngayon, patuloy nating minumungkahi na tanggalin ang VAT dito sa produktong petrolyo. Napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan, ang equivalent po nito ay P5 per liter ng diesel, mahigit sa P50 bawat LPG tank sa ating mga misis, sa ating mga karinderya, sa lahat ng gumagamit ng LPG.

Sa ganitong paraan, talagang nakakatulong ang gobyerno sa ating mga kababayan. Yung pera ni Juan dela Cruz, maiiwan sa kanyang bulsa, magagastos niya ito sa kanyang mga pangangailangan, sa pambili ng bigas, halimbawa, o kaya pambili ng ibang mga pangangailangan niya. At hindi ito mawawala sa gobyerno dahilan sa paggastos ni Juan dela Cruz ng perang ito, makokolekta muli ito bilang VAT, income tax at iba pang buwis sa perang ito. Kaya dapat hindi ipagdamot ng gobyerno ang pera ni Juan dela Cruz. Tanggalin natin ang VAT sa produktong petrolyo.

Itong weekend na ito, P1. Dati-rati, ang kasunduan ng oil companies at DOE, P0.50 hanggang mahabol nila ang presyo sa abroad. Eh sa sobrang harurot ng presyo sa abroad, hindi na nila mahabol sa P0.50 kaya P1 na ang dagdag nila nitong nakaraang linggo. At sa aking pagka-unawa, sa aking pag-analyze ng mga numero, mahigit sa P2 pa ang hinahabol itong oil companies. In other words, yung price nila sa pump, hindi katumbas sa kanilang gastos sa pagbili ng raw material. Kaya kung tatanggalin natin ang VAT sa petrolyo, P5 kada litro ng diesel agad ang savings, at higit sa P50 sa bawat tangke ng LPG.

Q: May negative effect po ba ito?

MAR: Sa ekonomiya natin, walang negative effect ito. Ang gobyerno, ayaw nilang gawin ito dahil mababawasan daw sila ng pera. Ang punto, pera ni Juan dela Cruz ito, at kinakailangan ni Juan dela Cruz ito. Imbes na ang pera natin ay bumalik sa atin na dadaan sa gobyerno--at alam natin na may leakage diyan--mas mabuti na maiwan na lang itong pera na ito sa bulsa ni Juan dela Cruz. At sa ganitong paraan, tayo na mismo ang makakapagdesisyon. Gagamitin ba natin ito sa tuition? Papasok na ang Hunyo. Gagamitin ba natin ito sa gamot? Gagamitin ba natin ito sa pagkain? Ang bawat mamamayan ay mas mabuting makapagdesisyon sa kanyang pangangailangan imbes na ang gobyerno ang nagdedesisyon para sa kanya.

On the rising cost of electricity:

MAR: Ang dapat tanungin dito ay ang ERC, kasi hindi naman maaaring sumingil ang Meralco na hindi inaaprubahan ng ERC. Ang ERC ay ang siyang tagabantay natin na hindi labis ang pagsingil nitong power companies na ito. So alamin natin ano yung basehan kung bakit na-aprubahan itong pagsingil na ito. Dumaan iyan sa ERC. I assume na inaprubahan ito ng ERC. Kung itong pagsingil na ito ay hindi dumaan sa ERC, maaari sila ngayong kasuhan. Pero kung dumaan iyan sa ERC, ang dapat tanungin ngayon ay ang ERC, ano ba ang nakapaloob dito sa dagdag na singil na ito na inaprubahan nila? Aalamin natin kung ano ang nakapaloob sa ating electricity bill para makasiguro nga tayo na hindi tayo pinagsasamantalahan. Ang pinaka-importante rito ay hindi tayo pinagsasamantalahan at ang ahensiya na itinalaga para magbantay sa ating interes ay ang Energy Regulatory Commission.

News Latest News Feed