Press Release
May 8, 2008

Transcript of interview with Sen. President Manny Villar over DZRH with Joe Taruc & Karen

Q: Ano po ang inyong naging reaksyon kaugnay sa naging desisyon ng OWWA na itigil ang pagpapautang sa mga OFWs dahil mas malaki ang kanilang nalugi at hindi raw po nasisingil?

VILLAR: Ito talagang OWWA hindi napapansin ang mga problema ng ating mga pSababayan. Tuwing lalabas ako ng bansa ay nakikita ko ang mga problema ng ating mga ofw. Dapat ang OWWA ay damihan pa ang kanilang gagawing pagtulong sa ating mga kababayan na nasa labas ng ating bansa na nagkaka problema sa halip na katulad nito na ititigil ang pagpapautang. Ang maipapayo ko sa OWWA kung sila ay nagkaka problema sa koleksyon ay tingnan muna nila ang sistema nila kasi posible rin na ang sistema ng kanilang koleksyon ay mali. May magagawa silang pagbabago at improvement sa kanilang sistema para nang sa ganun ay maka kolekta sila ng mas mahusay at hindi nila kailangang itigil ang pagpapautang. Isa pa na dapat nilang unawain na talagang may pagkakataon na katulad ng biktima ng trafficking ay nagkaka problema sa mga employer doon.

Q: Ang importante din dito ay dapat pinangangalagaan nila ito ng husto sapagkat ito ay pondo ng ating mga manggagawa na dine deploy natin sa ibang bansa, hindi po ba?

VILLAR: Tama yan. Kung maganda ang pamamahala nila ng pondo na iyan ay malaki ang kikitain at yung laki ng kikitain na yan ay kaya nang takpan ang konting kakulangan na nanggagaling sa ating mga kababayan na minamalas at hindi makakabayad ng utang.

Q: At hindi rin magiging problema ng ating mga kababayan na napapariwara o nagiging biktima ng illegal recruitment yung pagbalik dito sa Pilipinas kung talagang maganda ang takbo ng naturang pondo.

VILLAR: Totoo yan. Ang pinaka basic na kanilang tungkulin ay hindi nila nagagampanan, kaya ang unang-una nilang dapat gawin ay pamahalaan ng mahusay ang kanilang pondo upang mas marami silang maibigay na benepisyo sa ating mga kababayan.

Q: Meron kayong mungkahi noong una na busisiiin ang pondo ng OWWA upang nang sa ganun ay malaman natin kung bakit hindi natutulungan ang napakaraming mga ofws na nangangailangan ng tulong at kailangang makabalik dito sa Pilipinas?

VILLAR: Totoo iyan at ipagpapatuloy ko ang pagbabantay ng OWWA at bubusisiin natin ang libro nila para makita natin kung ano talaga at kung magkano ang kanilang kinikita at kung napapamahalaan nila ng maayos ang pera ng ating mga ofws.

Q: Dito naman sa isyu ng Cheaper medicines bill, noong una ang sabi ng mga kagawad ng Senado ay nagtataka sila kung bakit hindi napipirmahan ni PGMA ang naturang batas. Kahapon naman ay nagpalabas ng pahayag ang Malakanyang na paano nila ito mapipirmahan dahil ang kopya ay nasa Senado pa, ano po ba ang totoo Mr. Senate President?

VILLAR: Wala naman sa senado. Ito ay dumaraan sa normal na proseso at kahapon ay dumating sa aking lamesa yan at napirmahan ko na. Normal ang proseso na yan sa mababang kapulungan at sa senado inaayos ng mabuti ang provisions.

Q: Wala pa sa tanggapan ng Pangulo?

VILLAR: Wala naman akong delay na nakikita dito.

Q: At totoo na wala pa sa tanggapan ng Pangulo kaya hindi pa malagdaan?

VILLAR: Oo naman.

Q: What about ang implementing rules and regulations sino po ang gagawa nito?

VILLAR: Maliwanag sa ating batas yan, sa Dept. of Health natin aasahan ang paggawa ng mga procedures na iyan.

Q: Soonest possible time maaaring malagdaan ito, sa loob ng lalong madaling panahon?

VILLAR: Anytime ay malalagdaan ito at walang dahilan para ma delay iyan. Ako pinirmahan ko agad ang kopya na iyan pagdating na pagdating sa akin.

Q: Gusto po naming malaman dahil dalawa po talaga ngayon ang kinakaharap ng ating mga kababayan na problema tungkol sa isyu ng pagtaas ng singil sa kuryente pati sa petrolyo, ano po ang magagawa ng Senado dito?

VILLAR: Tumataas ang dalawang bilihin na yan at ang kailangan lamang natin masiguro ay hindi nasasamantala ang pagtaas ng mga presyo na iyan. Maaaring tumataas na ang presyo ng langis at kuryente subalit nadadagdagan pa ito ng mga distributor dito sa ating bansa kaya walang masama na tingnan ang libro ng dalawang industriya na iyan. Halimbawa sa kumpanya ng mga langis ay talagang matagal ko nang sinasabi na busisiin na ng Dept. of Energy ang libro ng mga oil companies na ito, at ako ay sang ayon na bilhin ng gobyerno ang share ng ARAMCO dito sa Petron at ibenta ang iba para makontrol natin ang Petron at sang ayon din ako na repasuhin ang deregulation, hindi lamang ako makakuha pa ng sapat na suporta subalit isa ako sa nagpapanukala na repasuhin itong batas ng deregulation. Para masiguro natin lalo na ngayon na umaabot sa $120/ bariles ng langis kaya talagang obligado tayo na gawin ang lahat ng magagawa kasama na ang pag rereview dito sa deregulation. Para naman sa kuryente, bagamat dahan dahan tayo dito sa pagtingin ng libro sa Meralco dahil ayaw kong masabi na ito ay may kinalaman sa press freedom. Ang Meralco ay isang public company at bilang isang public company ay dapat open ang libro sa pagsusuri at walang masama kung titingnan kung ano ang mga basis sa pagtaas ng ating kuryente at ako ay naniniwala na maipapaliwanag ito ng Meralco kung tunay nga na walang mali sa kanilang pagtataas.

Q: Noong isang araw ay isinagawa ang Villar cup at ngayon ay pinapasukan ng intriga, ano po ang inyong reaksyon tungkol dito?

VILLAR: Ako ay nalulungkot diyan dahil gusto ko talagang tumulong sa sports, noong 1995 pa ako nagsimula diyan. In fact sa Las Piñas ay mayroon akong Villar games at noong panahon na iyon ay nagpapa basketball din ako sa mga Kongresista. Mayroon kaming parang olympics doon sa Congress noong ako pa ay Speaker. Mayroon ding mga celebrity players vs mga pari at ito ay patuloy ko na pagsuporta sa sports. At ngayon ay naisipan ko na maglunsad ng Villar Cup bilang pagkilala sa husay ng ating mga pinoy na player ng bilyar at nagsimula ito noong May 6 at magtatapos sa May 10. Libre po ito sa mga manonood, araw-araw ang laro na kinatatampukan ng ating mga sikat na billiard players gaya ni Bata Reyes, Alcano, Roberto Gomez, Dennis Orcollo, Django Bustamante, Alex Pagulayan, Lee Van Corteza, Warren Kiamco.

Q: Lahat halos ng big guns sa larangan ng bilyar ay nariyan.

VILLAR: Marami pang iba ito at ang daming sumasali na kung saan saan na players sa buong Pilipinas nanggagaling. Ito naman ay sa pagnanais ko lamang na bigyang inspirasyon at kasiyahan ang ating mga kababayan lalong lalo na ang mga mahihilig sa bilyar. Sa aking paniniwala kasi ang bilyar ay isang sports na nagna number 1 tayo kaya dapat na suportahan natin dahil talaga namang konting konti lamang na sports na tayo ay talagang napapansin at isa na dito ang bilyar kaya sana suportahan na natin ito.

News Latest News Feed