Press Release
May 11, 2008

KIKO: LAHAT SA POWER SECTOR DAPAT MANAGOT SA MATAAS NA PRESYO NG KURYENTE!

Tampulan ng sisi ngayon ang kumpanya ng Meralco dahil sa mataas na singil sa kuryente, pero babala ni Senate Majority Leader at Independent senator Kiko Pangilinan sa publiko maging mapanuri at baka isa lamang itong istratehiya upang lituhin at ikubli sa publiko ang tunay na may sala sa problemang ito.

Giit ni Pangilinan, "Paboritong punching bag ang Meralco ngayon dahil sa mataas na singil sa kuryente pero hindi ito ang solusyon para bumaba ang presyo ng kuryente."

"Hindi natin kailangan ng shortcut sa problema natin sa kuryente. Hindi natin dapat patulan ang ginagawang diskarte ng gobyerno na isisi lamang sa Meralco ang mataas na singil sa kuryente. Sang-ayon ako mainam itong pa-pogi at ingay sa pulitika pero sa huli hindi pa rin bababa ang singil sa kuryente. Huwag sanang padalos-dalos ang publiko sa mga patutsada ng gobyerno laban sa Meralco lamang dahil ang kailangan natin ay tunay na reporma din sa NAPOCOR, PSALM at TRANSCO at maging sa iba pang mga kasali rito." Dagdag ni Pangilinan.

Sa huli ani Pangilinan, "Mukhang ginagawa nilang scapegoat ang Meralco para ikubli at mapagtakpan ang iba pang may kasalanan tulad ng mga korporasyon na pag-aari ng gobyerno halimbawa rito ang NAPOCOR. Hanggang sa ngayon ay lugmok pa rin tayo sa kahirapan at patuloy na kinukuryente ng mga mapagsamantala sa gobyerno, kung nais natin na baguhin ang bulok na sistemang ito wala dapat sinasanto ang gobyernong ito!"

News Latest News Feed