Press Release
May 22, 2008

Transcript of interview with Sen. President Manny Villar with Erwin Tulfo & Doris Bigornia of RMN

Mr. Senate President, ano po ba itong napapabalita na mayroong gusot diyan sa Senado dahil sa Commission on Appointments? Ano po ba ito?

VILLAR: Hindi natin maiiwasan ang mga pagkakaiba ng opinyon. Pero ginagawa naman natin ang magagawa natin para hindi maabala ang proseso ng kumpirmasyon. Hindi lang naman ang mga cabinet members ang minamadali namin kundi pati na rin ang mga ambassadors na marami din ang hinaharap na trabaho na hindi dapat mabalam dahil hindi pa sila makumpirma at di pa makapunta sa kanilang countries of assignment. Marami na rin ang nakapila ngayon for confirmation na mga opisyal ng military. Bilang chairman, ayokong namang maabala ang proseso dahil kawawa naman ang mga ating mga civil servants na naglilingkod sa bayan. Kaya sa June, bago kami mag-adjourn, lahat ay kukumpirmahin namin iyan.

Mr. Senate President, matagal na po ninyong naaprubahan at naplantsa ang Cheaper Medicines Bill pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa namin ito maramdaman?

VILLAR: Hindi ko nga alam kung nasaan na iyan. Wala nga rin akong impormasyon kung nagkaroon na ng formal signing ang Pangulo sa panukalang ito. Matagal na itong lumabas sa Senado at wala akong natatanggap na balita tungkol dito.

Kumusta naman po ang status sa Senado ng tax exemption bill para sa minimum wage earners?

VILLAR: Magandang balita. Pumasa na iyan second reading sa senate kagabi. Susunod na ang pagtalakay ng bicam tungkol diyan. Naniniwala ako na walang magiging problema sa bicam dahil parehong isinusulong iyan ng kamara at Senado. Kailangang-kailangan ito ng ating mga kababayan na mababa ang mga sweldo. Payawalagay ko mabilisan ito at baka nga mauna pa ito sa cheaper medicines bill.

Good news iyan pero mayroon ding nakaambang bad news dyan sa Senado dahil ito daw pong si dating Speaker Jose de Venecia ay tetestigo na sa ZTE.

VILLAR: Matagal nang napapabalita iyan pero hindi pa sinasabi ng chairman ng Blue Ribbon kung totoo ngang magte-testify si dating Speaker de Venecia. Wala pa akong natatanggap na pormal na impormasyon tungkol dito. Tatlong linggo na lamang ay mag-aadjourn na ang Kongreso, so kung siya siguro ay magte-testify, kailangan siguro next week or the week after.

Mukhang mababa ang kredibilidad ni JDV, pag-aaksayahan pa ba natin siya ng panahon?

VILLAR: Ang desisyon na iyan ay iiwanan natin sa Blue Ribbon kung talagang dadalo nga siya. Baka naman kasi, sabi-sabi lang iyong balita.

Paspasan ngayon ang Senado para bago magbakasyon ay maipasa na iyong dapat ipasa. Yung mga pampagulo lang Mr. Senate President, ibasura niyo na.

VILLAR: Ang priority naman talaga ng Senado ay ang pagpapatibay ng mga panukala na makakatulong sa ating mga kababayan gaya ng cheaper medicines, tax exemption para sa minimum wage earners, at pinapaspasan na rin naman ang pag-amyenda sa Epira Law baka sakaling magkaroon tayo ng formula na mapababa natin ang singil sa kuryente. Ito ang inaasikaso ng Senado sa ngayon dahil nakikita ko na dapat magtulong-tulong tayong lahat para makaraos sa krisis ang ating mahihirap na kababayan.

Mr. Senate President, kayo po ang pinakamayamang Senador at ang misis niyo naman ang pinakamayaman sa kamara with a networth na mahigit isang bilyon. Marami po ang mga nag-react na listeners namin at sinasabi nila na dapat kayo ang mahalal na Pangulo dahil sa paningin nila ay wala na kayong balak magnakaw dahil sa laki ng pera ninyo na through the years naipundar niyo sa Sipag at Tiyaga.

VILLAR: Nakuha talaga iyan sa Sipag at Tiyaga dahil 11 years old pa lang ako ay nagtitinda na ako ng hipon sa palengke. Nagbunga naman ang aking pagsisikap. Kaya kahit paano ay ibinabalik ko din sa mga tao sa abot ng aking makakaya ang mga biyayang natanggap ko. Isa na nga rito ang pagtulong sa mga OFWs in distress.

Nagulat nga ako diyan Mr. SP dahil di ko alam na nasa likod pala kayo ng mga pagpapauwi sa mga OFWs. Recently ko lang iyan nalaman.

VILLAR: Matagal ko nang ginagawa iyan . At sa pagdaan ng panahon, nakikita ko na sa halip malutas ang problema, mas lalo pang dumadami ang bilang ng mga OFWs in distress. Kaya minabuti ko na ring manawagan ng tulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagrereport sa aming hotline na 09174226800 ng mga biktima ng illegal recruitment at mga inaabusong OFW. Marami tayong kasama sa pagtulong sa ating mga kababayang OFWS.

News Latest News Feed