Press Release
May 26, 2008

Transcript of interview with Sen. President Manny Villar
with Ruth Abao of DZRH

Q. Marami po ang mga mambabatas ang nagpupunakala nitong suspension ng evat pero ayaw naman ng Department of Finance. Ano po ba ang dapat gawin Mr. SP?

Villar: Karamihan sa amin syempre, mas gustong i-simplify na lang ang VAT. Pero para sa akin, pinaka-praktikal na gawin ay maglatag ng proposal ang DOF kung paano maibibigay sa mga mahihirap ang subsidy na P18B mula sa karagdagang VAT na makukuha sa gasolina. Pwede namang i-deretso sa mga mahihirap iyan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng subsidy sa transportasyon. Sa palagay ko, sa ganitong paraan ay matutulungan natin ang mga mahihirap nating kababayan.

Q. Ang nangyayari po kasi, habang tumataas ang pump prices ng langis, mas malaki din ang EVAT na nakukuha ng gobyerno.

Villar: Tama iyan. Dahil sa pagtatatas sa presyo ng langis, estimated P18B ang dagdag na kikitain ng gobyerno. Yung perang iyan ang sinasabi ko na pwedeng i-deretso sa mahihirap nang sa ganoon ay di masaktan ang pananalapi ng gobyerno.

Q. We are taking care of our poor, pero pati po ang mga middle income earners na sumasahod ng hanggang P15,000 a month ay nahihirapan na rin.

Villar: Kaya nga para sa akin, dapat i-define talaga kung ano yung mahirap at ano yung middle status. Yung mayayaman, kahit 10% lamang iyan sa ating lipunan, yun ang malalakas ang konsumo. Ang problema kasi ng DOF, ayaw nilang tanggalin ang VAT pero wala din naman silang ipiniprisintang proposal. Kung ayaw nilang tanggalin ang VAT, dapat maglatag sila ng proposal na matulungan ang taumbayan na ngayon ay hirap na hirap na sa buhay.

Q. Ito po ba ay nangangailangan pa ng congressional action o executive na lang ang magpapatupad?

Villar: Hindi na kailangan. Yung gobyerno mismo ay pwede nang ipamahagi o ibalik sa taumbayan ang VAT dahil tataas naman ang kita ng gobyerno. Ibalik nila yan sa tao bilang subsidy.

Q. Dito naman po sa usapin ng kuryente, gusto kong marinig ang opinyon inyo dahil di lamang kayo Senate President kundi negosyante din tungkol dito sa mga alingasngas tungkol sa mga operating expenses ng Meralco na ipinapasa daw sa consumers?

Villar: Pareho silang may punto. Kinekwestyon natin ang motibo ng ehekutibo sa paghahabol sa Meralco dahil parang pinag-iinitan, pero yung inire-raise din naman na punto ng gobyerno ay may katwiran din at di dapat balewalain. Sana, maging resulta ng away nito ang pagbaba sa singil sa kuryente. Dapat ding tingnan ng Meralco ang mga akusasyon ni Mr. Garcia dahil yung ibang punto ay talagang may katwiran. Maraming binabayaran ang mga consumers na hindi dapat bayaran. Dapat ding tanggapin ng Meralco kung saka-sakaling matatapos ang gusot na iyan na tama iyong ibang punto na inilabas ni Mr. Garcia. Dapat talagang bumaba ang singil sa kuryente. Ako din malakas ang konsumo ko sa kuryente. Masakit na rin talaga. Umaangal na rin ang misis ko. Hindi bale kung iyon talaga ang tama, pero kung makikita mo naman na hindi mo dapat binabayaran ay pinababayaran sa iyo, hindi naman tama iyon. Hindi ako kumakampi maski kanino man subalit hindi dapat pagbayarin ang mga consumers ng bagay na hindi nila dapat bayaran. Valid ang punto na ito ni Mr. Garcia.

Q. May target po ba kayo sa Senado as to how much ang dapat ibaba sa singil sa kuryente?

Villar: dalawa ang nangyayari ngayon ng Senado. Tinitingnan namin ang away ng Meralco at ni Mr. Garcia. Maliwanag na dapat mag-cooperate ang ERC dito. In fact, sa immediate measures, mas malaki ang magagawa ng ERC kaysa sa Senado. Tinatalakay din namin ngayon ang pag-amyenda sa Epira Law. Minamadali namin ang panukala na ito bago mag-adjourn ang Senado three weeks from now para maibaba kahit paano ang singil sa kuryente. Sa naririnig namin ngayon sa away ng Meralco at ni Mr. Garcia, marami kaming nakikita na pwedeng naming i-amyenda sa Epira Law. Ang Epira Law ay naisabatas 7 years ago pero hindi talaga ito tunay na ipapatupad dahil may mga probisyon na nagiging dahilan ng hindi nito pag-implimenta. Kaya kami ay umaasa na kapag natanggal ang mga probisyon na ito ay mas mumura ang power rates natin. Ang focus ngayon ng Senado ay ang mga hakbang na pagpapababa sa presyo ng kuryente pati ng ibang bilihin kagay ng Cheaper Medicines Bill. Tuloy din ang pagbusisi namin sa libro ng mga oil companies. Naka-focus kami ngayon sa pagtulong sa ating mahihirap na mamamayan para makaraos dito sa krisis na ating dinaranas.

Q. Kailan nga po pala ang bicam sa tax exemption bill for minimum wage earners?

Villar: aaprubahan iyan formally ng Senado mamaya. Yung bicam, paspasan na iyan. Baka nga mamaya ay mag-meeting na ang bicam para agad itong malagdaan ng Pangulo bilang isang batas.

Q. Yung Epira Law po, kapag ba maihabol niyo ito before mag-adjourn may lalabas na rin bang guidelines na pwedeng ante-mano ay maibaba ang singil sa kuryente.

Villar: Depende sa mangyayari, nagdedebate pa kasi. Hindi pa natin alam kung ano ang magiging porma ng final amendment sa Epira Law. Sana hindi malabnaw ang amyenda. Umaasa ako na sana maging epektibo ang gagawing amyenda para makatulong sa ating consumers.

Q. Mr. SP, although mayroong ERC, parang wala rin namang nagagawa

Villar: Malaki ang magagawang papel ng ERC sa pangangalaga sa ating mga consumers at dapat sana ay ginagawa nila ang kanilang trabaho.

Q. Yung ERC as a regulatory body, okey lang naman. Ang problema, ay iyong mga taong nakaupo, ganoon po ba iyon?

Villar: Yung upisina naman, building lang iyon eh. Tao ang nagpapatakbo sa ERC. Hindi naman kailangang buwagin iyan. Pero dapat kasi, sila ang tagapagbantay natin. Sila ang mangangalaga sa kapakanan ng mga consumers. Kaya yung mga nakaupo diyan ay hindi nabibigyan ng proteksyon ang mga consumers, diyan tayo nagkakaproblema.

Q. Panghuli na lang po Mr. SP, yung pong mga lumalabas na ads ngayon tungkol sa mga OFWs, napakarami pong mga text messages kaming natatanggap at nagtatanong kung ano daw po ba ang programang ito.

Villar: Unang-una, matagal ko nang ginagawa ang pagpapauwi sa mga OFWs natin. Nakita ko na malaki pala ang problemang ito at lalo pang lumalala kaya minarapat ko na magkaroon ng sariling OFW helpline. Iyan ay sa pakikipag-ugnayan ng OWWA,POEA at siyempre pa, gumagamit din ako ng personal kong pondo. Sinabayan ko rin ito ng pag-file ng P1B OFW assistance fund bill para pati yung mga undocumented OFWs ay matulungan din. Pinapalaki ko ang involvement ng lahat sa problemang ito. Ininvolve ko din ang media para mas matakot at maging mas mabilis ang aksyon ng mga govt agencies. Naaawa ako doon sa mga naiwan sa Jordan noong tulungan kong makauwi ang ilan sa kanila recently. Di ko makalimutan ang kanilang mga mukha. Kinakailangang balikan ko sila.

Q. Ano po bang mga problema ng mga OFW ang tinutugunan ng inyong helpline?

Villar: Yung mga gustong makauwi, yung may mga kaso na nangangailangan ng legal assistance, yung iba naman ay gusto lang mahanap ang kanilang mga kamag-anak. Iba-ibang problema ang dumarating sa amin. Sa abot ng aking makakaya, tutulong ako. Hindi ko titigilan ang problemang ito. In fact, nagdagdag na ako ng tao para dito dahil sa dami ng reklamong aming tinatanggap. Tuloy din ang pagsilip ng Senado sa trabaho ng OWWA at ibang govt agencies para malaman nila na may nagbabantay at nagmamanman sa kanila.

Q. Bilyon-bilyon ang pondo ng mga iyan, di po ba?

Villar: Tama iyan at sana magamit sa maayos na paraan para matulungan ang ating mga kababayang OFWs.

Q. At ang maganda nito, hindi kayo kagaya ng iba na naghahanap pa ng pondo dahil kayo mismo ang nagpo-provide ng pondo.

Villar: Sa ngayon ay lahat galing sa akin. Nakikita ko na sa laki ng problemang ito, dapat ding tumulong ang gobyerno. Kung mas marami ang magtutulong-tulong, mas magiging epektibo ang programa. Ito na kasi ang advocacy ko for 30 years. At taun-taon ay nag-aallocate talaga ako ng sarili kong pera para sa programang ito.

News Latest News Feed