Press Release
June 12, 2008

Transcript of interview with Sen. President Manny Villar
with Erwin Tulfo & Doris Bigornia of RMN

Sa kabila ng mga ginagawa niyong imbestigasyon, marami pala kayong naaprubahang panukalang batas Mr. Senate President?

VILLAR: tama iyan at ipinagmamalaki namin na nakapagpatibay kami ng 37 na national bills. Ito ay hindi karaniwang performance dahil normally, pag unang taon ng Kongreso, wala halos naipapasang batas. Subalit ngayon, naka-37 kami ng napagtibay na panukala at marami pa rin ang mga tinatalakay sa mga komite. Ang mga panukalang ito ay malaki ang maitutulong sa ating mga kababayan. Natutuwang mag-report ang Senado sa taumbayan na kahit paano, ay naging aktibo at malaki ang naitulong ng Senado sa pagpapatibay sa mga panukala na makakatulong sa mga mahihirap.

Ano po ba ang mga panukalang inaprub niyo na makakatulong sa mga mahihirap maliban sa Cheaper Medicines Law?

VILLAR: Yung tax exemption para sa minimum earners. Mayroon din para sa kapakanan ng mga OFWs. Mayroong para sa kalusugan. Mayroon ding panukalang magtataas sa sweldo ng mga guro bagama't wala pa itong counterpart bill sa Kamara. Mayroon ding mga panukala para sa pangangalaga sa kapaligiran, kapakanan ng mga small and medium enterprise at maging para sa sektor ng agrikultura.

Palakpakan po tayo dito. Good job po Mr. Senate President. Dapat naman talaga, inihahayag sa taumbayan ang mga ganitong ulat para naman malaman ng mga tao na hindi lamang puro imbestigasyon ang ginagawa ng Senado. Pero maiba po tayo, di po magandang tingnan na kapwa Senador ay nag-walkout, nagwala at nagalit na parang bata. Ano po ang masasabi niyo tungkol sa ginawa ni Sen. Jamby Madrigal?

VILLAR: Ang paniniwala ko kasi, lahat ng gustong sabihin ng bawat isang senador ay iginagalang ko, pero ang hindi ko lang maipapangako ay kung sasang-ayon sa iyo ang mga kasamahan mo. Pwede kang magsabi ng gusto mo pero iyong pagsang-ayon, ibang bagay iyan. Kung siya naman ay tutuloy sa Korte Suprema, iginagalang ko rin iyan dahil ang SC naman talaga ang dapat nag-iinterpret sa mga bagay na iyan. Basta kami, tuloy lang ang aming trabaho. Ang komposisyon ng CA ay ginawa at dinesisyunan ng Kamara at ng Senado. Iyan ang mga ipinadalang mga miyembro at trabaho namin na magkumpirma ng mga appointees ng gobyerno. Kahapon nga, isa pang record namin na napakarami ng aming nakumpirma. Kaya masasabi namin na ang Senado ay tumatakbo ng mahusay, sa kumpirmasyon, sa pagpapatibay ng mga panukla at sa mga imbestigasyon.

Malungkot lang si Sen. Lacson kasi sinasabi niya na dito daw po sa C.A ay umiiral hindi lamang ang bata-bata system, kundi maging ang pera-pera.

VILLAR: Wala akong alam na mayroong ganyan. Maaring sila ang nakakaalam niyan. Pero wala naman akong nalalaman na ganyan lalo na on the part of the senators na may nagkakapera diyan. Hindi ko lang alam sa ibang miyembro.

Hindi niyo naman papayagan na magkaganyan?

VILLAR: Hindi namin papayagan iyan. Pag may nalaman kaming ganyan, may Ethics Committee ang Senado para sa mga ganyang usapin.

Last point na po ito. Bakit po ba kapag aalis kayo ng bansa tuwing panahon ng bakasyon, laging may sumisilip sa inyo? Kahit bakasyon na at dapat wala ng pakialam ang taumbayan kung saan kayo magpunta, bakit lagi kayong nasisilip? Ano ba ang reaksyon niyo dito Mr. Senate President?

VILLAR: Ipinanganak ako na mahirap at tayo naman ay nakapagpundar na. Ang mahalaga lang ay pera ko ang ginagamit ko sa aking mga byahe. Karamihan sa aking mga lakad ay mga kumperensiya. Bilang pangulo ng Senado, mayroon din naman akong tungkulin na dapat gampanan. Sa break lang ako lumalakad. Wala po akong absent. Perfect po ang attendance ko sa Senado. Every session ay ako ang nagbubukas. Karapatan naman ng kahit na sino na magbakasyon. Kaya nga bakasyon ang tawag diyan para makapagbakasyon ka din.

At ninanamnam ninyo ang bakasyon dahil nga trabaho kayo ng trabaho?

VILLAR: Tungkulin mo rin iyan sa pamilya mo. Hindi rin naman maganda na di mo man lang ibabakasyon ang pamilya mo from time to time. Normal sa isang tao ang pagba-bakasyon.

So maliwanag na ang iyong pagba-bakasyon ay ginagawa ninyo na walang sesyon?

VILLAR: Tama iyan. Wala akong absent. Perfect ang attendance ko sa sesyon.

News Latest News Feed