Press Release
July 28, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' DZRH interview with Deo Macalma and Ruth Abao

On today's SONA:

Q: Mahalaga pa bang pumunta sa SONA?

MAR: Mahalaga naman. Una, kortesiya sa tanggapan ng Pangulo. Pangalawa, para makinig naman nang personal doon sa ano ba ang plano. Kasi, may pulitika man o wala, talagang naghihirap ang ating mga kababayan. Talagang nasa krisis tayo. Baka naman may mga bagay doon na maaaring isulong natin o tulungan natin para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Q: Papalakpak ba kayo kung maganda ang sinabi ni GMA?

MAR: Kung maganda naman at sinasang-ayunan naman natin - halimbawa kung sinabi niya na tanggalin natin yung VAT sa produktong petrolyo, na isang taon na natin isinusulong - di standing ovation ako.

Q: Magpapaliwanag pa nga sila kung bakit raw kailangan ang VAT.

MAR: Ipaliwanag niya. Pero wala nang nakikinig. Alam naman natin na ang perang iyan ay nanggagaling sa tao mismo. Kung ibabalik lang sa tao, bakit pa kokolektahin? E di iwan na lang sa kamay o bulsa ng tao, ng mga jeepney driver, tricycle driver, mangingisda. Lahat naman tayo nagbabayad niyan, at para sa akin, may iba namang pagkukunan. Kung talagang gusto nilang tumulong ay may ibang pagkukunan ng pera.

Q: Ano pa ang nais niyong sabihin ng Pangulo sa SONA?

MAR: Back to basics tayo. Una, pakainin sarili natin. Isang malaking bahagi dito sa inflation - ang sobrang pagtaas ng presyo, ang sobrang pagtindi sa sitwasyon natin ngayon - ay yung kakulangan sa bigas dito sa ating bansa. 2 million metric tons ang ating inangkat to the tune of P70 billion. So kung mag-back to basics tayo - bago lahat, pagkain muna, sa pamamagitan ng fertilizer support at iba pang mga tulong mula sa DA, kongkretong programa, para matapos ang isang taon - tayo mismo ang magpapakain sa sarili natin. Hindi na natin inaasahan doon sa Vietnam o sa Thailand, kasi sa bawat angkat natin, ang pera natin ay napupunta lang sa kanila, imbes na sa ating mga magsasaka.

Q: Ano ang tingin mo sa mga satisfaction ratings na survey?

MAR: Lahat naman tayo ay may kapangyarihan at karapatang magbigay ng opinyon. Itong mga survey, lahat naman tayo, at least ako, naniniwala diyan. Pinapahalagahan ko mga iyan, dahilan sa batayan iyan kung ano ang iniisip ng ating mga kababayan.

Ginagamit iyan ng mga negosyo, ng mga policymakers sa ibang bansa, at kung reputable naman yung pinanggagalingan, katulad ng SWS at Pulse Asia, marami tayong matututunan diyan.

On the rising cost of goods:

Q: Ano ang balak niyong gawin sa Kongreso?

MAR: Talaga namang nagtaasan iyan sa international, at tina-track ko ito. Magmula sa trigo, yung wheat na pinanggagalingan ng harina, hanggang sa mais, lahat naman nagsitaasan. Kaya sinusulong ko sa Kongresong ito yung ating food security, yung self-sufficiency, lalung-lalo na sa bigas. Ang kakulangan sa taong ito na inangkat natin ay 2 million metric tons. Mayroon tayong 1.4 million hectares ng irrigated land. Dalawang harvest iyan sa isang taon, dalawang cropping.

Kung tulungan lang natin ang ating mga magsasaka na makabili ng fertilizer diyan sa 1.4 million hectares na irrigated, kung makadagdag lang sila ng 1 ton per hectare - madali lang iyan, kasi 'pag may fertilizer naman, lalaki ang kanilang aanihin - hindi na tayo kailangang umangkat pa. P70 billion ang ginastos natin para makabili doon sa Thailand at Vietnam. Yung mga magsasaka doon ang nakinabang. Para sa akin, yung bahagi ng pera na ito, gastusin na lang natin dito, bumili ng fertilizer at tulungan ang ating mga magsasaka na mag-fertilizer sa kanilang sinasaka. Tayo mismo ang gagawa ng sarili nating pagkain, at yung pera ay iikot sa ating bansa.

News Latest News Feed