Press Release
September 19, 2008

TRANSCRIPT OF INTERVIEW in Dos por dos with Anthony Taberna & Gerry Baja with Senate President Manny Villar

Kumusta pa po kayo?

Villar: Okey naman

Sabi nga ng iba kayo iyong Mr. Cool, dati maski inaatake, cool pa din pero noong nag-presscon kayo, high blood daw ho kayo? Okey na ho ba kayo ngayon?

Villar: Oo normal na. Once lang nangyari yun. Paminsan-minsan nagkakaroon ng ganyan. Kasi iyong corruption ay isang isyu na matindi. Buong buhay ko naman wala naman akong kinuha na pera ng gobyerno at wala akong balak na gawin iyan.

Tama ba iyong sinasabi ninyo na walang double funding?

Villar: Wala talaga. Dalawang proyekto ito. Itong C5 project ay isang napakalaking project na magkokonekta sa Cavite sa Parañaque at Las Piñas sa ibang parte ng Metro Manila. Kaming mga nakatira sa south ng Metro Manila, malaking bagay sa amin na ito ay matapos na. Nangangarap din kaming mga taga-rito na sana ay matapos na ang proyektong ito.

Sabi niyo ay nangangarap kaming mga taga-rito. Ang ibig sabihin po ay isa kayo sa makikinabang sa kalsadang iyan?

Villar: Oo naman, siyempre taga southern Metro Manila ako, kaya kasama ako sa 3 milyong mga kababayan namin dito na makikinabang directly at indirectly, 11 milyon ang makikinabang na mga motorista at mga taong makakapunta naman sa aming lugar.

Tinanong po namin si Sen. Pimentel kung ano ang tamang daan papunta sa pagtatapos ng problemang ito at sabi ho niya ay Finance Committee, yun ang magsagawa ng imbestigasyon.

Villar: Oo naman. Last week pa namin ito ni-refer sa Finance Committee, Kami naman ay open na tingnan iyan. Walang nadoble diyan dahil dalawang proyekto iyan. Iyan nga ay hindi na-release. Kung mare-release naman iyan, sa DPWH ang tuloy niyan. Wala kaming kinalaman.

Paano po yun, sinabi na ni Sec. Andaya na di nila ire-release yung P200M?

Villar: Yun nga ang masakit diyan. Gusto ko nga ring malaman kung ano ang nangyari diyan. Yung pagkakadoble niyan. Di naman kami ang nagpi-print ng budget at di rin ako sa bicam. Yun ang masakit diyan. Mababalam pa ang proyekto na iyan. Even assuming na doble iyan, hindi naman talaga papayagang DBM na mag-release ng pondo.

Dito po sa proyektong ito na sabi po ninyo ay karugtong o pangalawang proyekto na may pondong P200M, hihilingin niyo po ba sa Malakanyang na i-release ito?

Villar: Sa ngayon, parang ayoko na munang maki-ano ngayon. Sinasabi ko nga sa mga taga Cavite , Parañaque at Las Piñas, sila naman ang mag-follow up dito kung gusto nilang matapos ito dahil marami nang problema ang Senado, baka makadagdag pa.

Bibitawan niyo po muna dahil napapaso kayo, ganoon po ba?

Villar: Kasi inaakusahan tayo ng hindi maganda. Kagaya ngayon, mayroong meltdown ang ekonomiya sa labas ng bansa, ako ay nahihiya na nagbabangayan pa kami na ang dapat gawin ng Pilipinas ay maghanda sa posibilidad na tayo ay maapektuhan nitong global meltdown.

Sa Lunes po, ano po ang inaasahan ninyong mangyayari sa Senado?

Villar: Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari. Pero kami ay tuloy lang ang trabaho dahil malapit na uli kami mag-adjourn. May mga pending pang panukala sa Senado tulad ng renewable energy, JPEPA, budget, marami pa kaming hahabulin. Gusto ko ring maghanda sa maaaring maging epekto nitong meltdown sa buong mundo.

Paano niyo po gustong matapos itong sagutan niyong ito ng kampo ni Sen. Lacson?

 Villar: Na-refer na iyan sa komite, sana ay magtrabaho na kasi nakakahiya na rin sa ating mga kababayan. Hindi ako nakikipag-away. Walang anomalya dito, hindi ako magkakapera dito at wala akong kasalanan. Siguro ay sapat na iyon at kami sana ay magtatrabaho na lahat.

News Latest News Feed