Press Release
November 11, 2008

Transcript of interview in Dzrh with Joe Taruc
with Senate President Manny Villar

Q: Pakiliwanag po ang naging desisyon ng Senado kagabi kaugnay ng kaso ni Joc-joc Bolante?

Villar: Inischedule namin ang hearing sa Huwebes ng alas-9:30 ng umaga. Napagkasunduan namin na payagan ang pakiusap ni Mr. Bolante na manatili sa ospital subalit siya ay mag-a-appear sa Huwebes sa aming hearing.

Q: Ibig sabihin, pinagbigyan ang kanyang kahilingan na huwag na sa Senado i-detain sa ospital na lang?

Villar: Oo.

Q: Ano po ba ang magiging lead committee, ang agriculture committee o hahawakan din ito ng Blue Ribbon?

Villar: Blue Ribbon ang magli-lead sa hearing na ito. Sila ang mamamahala sa hearings sa mga darating na panahon.

Q: Ibig sabihgin tuloy-tuloy ang magiging pagdinig ng Senado dito hanggang sa matapos?

Villar: Tuloy-tuloy at sana ay matapos, depende iyan sa sasabihin ni Mr. Bolante kung magsasabi siya. Kapag kasi nagsalita na siya at satisfied naman ang Senado, wala na ang kanyang warrant, siya ay malaya na.

Q: Provided na magkakaroon ng full disclosure?

Villar: Iyon lamang, kung sasabihin na niya ang kanyang nalalaman.

Q: What about the case of Euro generals, tapos na po ba iyon?

Villar: Umiikot kahapon iyong arrest order dahil sa kulang ng pirma. Ang rule namin kasi kailangan may pirma ng majority bagaman ako ay nakahandang pirmahan iyon anytime. Siguro ngayong araw na ito ay mapupuno na iyong required number ng pirma at iyon ay darating na sa aking mesa. Kapag dumating sa mesa ko iyon, iyon ay aking pipirmahan.

Q: Marami at patong-patong ang responsibilidad ng Senado. What about iyong priority measure na budget for 2009, ano po ang maaaring maging apekto nito?

Villar: Dito sa yugto ng aming sesyon, mahalaga rito number one ang budget. Talagang minamadali namin ang budget at kami ay nakahandang talakayin iyan at ipasa bago mag-Pasko kung wala masyadong kaguluhan. Nariyan na rin ang ating iba't ibang panukala gaya ng amendment sa EPIRA, para ito sa kuryente, iyong ating pagtulong sa mga OFW kagaya ng pagpapatayo ng OFW hospital, pagke-create ng pondo para sa pagpapauwi ng mga OFW. Kasama rin dito ang anti-child pornography act, magna carta of women. Marami kaming mga prayoridad ngayon. Kami ay nakahanda rin na makipag-ugnayan sa executive department, sa ating pangulo, kung ano ang kanilang kakailanganing mga panukala nang sa ganoon ay matugunan natin itong krisis na ating hinaharap at haharapin pa sa 2009. Pag-uusapan namin iyan siguro sa Ledac at anuman ang aming mapag-usapan ay iyon ang magiging prayoridad. Kailangang maihanda natin ang ating bayan sa darating na krisis.

Q: Wala ho bang particular na mention sa kabuhayan ng ating coconut farmers?

Villar: Actually meron dito sa ating budget ngayon ang para sa coconut farmers. Kaya naiintindihan natin na ngayon na ang dapat na thrust ay para sa agrikultura dahilan sa nakikita ko sa daranasin nating kahirapan na mahalaga na mabigyan ng prayoridad hindi lamang ang coconut kung hindi lahat ng ating mga produkto sa agrikultura dahil sa halos kalahati ng ating kababayan ay dumedepende pa diyan kaya iyan ang pinakamagandang solusyon sa ating pagharap sa krisis. Palakasin ang agrikultura at diyan ay gagamitin natin ang budget.

Q: Tama ho siguro ang sinabi ninyo na dapat paghandaan ang krisis dahil ngayon pa lang ay marami nang sector ang apektado?

Villar: Sa kabila ng maraming imbestigasyon ngayon, nais kong sabihin sa ating mga kababayan na nakatuon pa rin po ang aking pansin sa suliranin natin sa ating kabuhayan at nakatuon po ang pansin natin dito sa krisis na ang hinaharap at haharapin pa. hindi po nawawala ang aking pagtingin diyan. Bagaman ginagawa namin ang aming tungkulin sa mga imbestigasyon ay tuloy po ang aming pagtingin sa mga bagay na ito. Ang Senado ay mangunguna sa paglutas ng ating mga suliranin sa ekonomiya.

Q: Sapagkat may mga exporters na apektado na ng krisis...

Villar: Iyan ang ikinakaba ko ngayon, diyan ako nagpo-focus ngayon dahilan sa ang mga pamahalaan ngayon sa buong mundo ay nababahala sa epekto sa kanila. Iyang ating export nga ang unang-unang madadali ngayon dahilan sa ang mga bansa na pinapadalhan natin ng produkto ay pawing nasa recession ngayon at lahat ng kanilang order ngayon ay humihina. Kaya ang export natin ay kinakailangang suportahan. Ang ating exchange rate naman natin ay steady lamang at interest rate natin. So far naman ay maganda naman ang takbo ng policies natin dito. Sa panig naman na iyan ay masasabi kong tama ang takbo natin.

News Latest News Feed