Press Release
November 13, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' ambush interview with Senate reporters

MAR: Alam ko na bolero itong si Bolante at sinungaling ito. Lahat ng mga kanyang sinabi dito ay hindi kapani-paniwala. Binobola niya ang Senado at ang sambayanan na wala siyang kinalaman dito, samantalang hindi naman maaaring mangyari na ganito kalaki, na ganitong kahalagang perang ito na walang kinalaman, na walang approval ng mas nakakataas sa kanya o 'di naman kaya ay wala siyang kinalaman sa detalye ng pag-release nitong perang ito.

Q: Wala daw kinalaman ang Pangulo dito?

MAR: Hindi kapani-paniwala iyan. Kilala natin ang Pangulo. Alam natin na nakikialam siya kapag butingting na bagay sa pamamalakad ng gobyerno. Sabihin na walang kinalaman ang pangulo sa anomalya, pero yung hindi alam ng Pangulo na ganito kalaking pera na lumabas sa gobyerno ay hindi kapani-paniwala.

Q: Sinasabing ang P728 million ay kasama sa 2003 budget?

MAR: Hindi totoo iyon. Itong perang ito ay bago ma-appropriate ito noong 2004 at madalian nilang inilabas ito noong Pebrero 2004, bago yung eleksyon, na hindi naman panahon ng pagtanim, at ito ay fertilizer. So ano ang gagawin dito? Panahon ng anihan ito, hindi panahon ng pagtanim.

Q: Maliit lang daw ang P728 million.

MAR: Iimbestigahan din iyon. Ang punto ay, dito tayo nakatuon, sa P728 million, na kung saan may testimonya na hindi nakarating, na overpriced ito, na maling fetilizer ito, na hindi ito dumaan sa bidding, at ang listahan ay gawa-gawa lamang, at hindi naman para sa tunay na nangangailangan nitong mga farm implements.

Q: Ang mga local governments lang daw ang nag-implement.

MAR: Iyon ang kanyang pagdepensa sa sarili niya, na yung mga regional director at mga congressman at mayor ang may kasalanan dito. Baka hindi niya alam, tatawagin natin lahat ng mga iyan, at magkakaroon ngayon ng engkwentro kung sino talaga ang nagsasabi nang totoo.

Q: Kung matatapos na ang hearing, ano ang magiging rekomendasyon ninyo?

MAR: Hindi matatapos today. Napag-usapan na natin na mangangailangan pa ito ng isa o dalawa pang hearing, dahilan sa tatawagin natin yung mga regional director ng DA. Aaalamin natin. Sinasabi kasi ni Bolante, malinis siya, kung may anomalya dito, sa regional ito nangyari. Tanungin natin ngayon, at magkakaalaman talaga. Ano ang sasabihin ng regional director. Aakuin ba ng regional director itong katiwalian, o ituturo nila o sasabihin nila ang buong katotohanan?

Q: Makakalaya na ba si Joc-Joc?

MAR: Depende sa proseso. Kung matapos lahat ng tanong, makakalaya siya, pero kung hindi naman, ay under Senate custody pa rin siya. Mapapag-usapan namin sa committee (kung saan siya ididiretso).

Q: How much of what he said do you believe?

MAR: Wala. Siguro yung pangalan niya, at yung dumating siya, at sa kalusugan niya. Pero imposibleng paniwalaan na ganitong kalaking halaga, walang pahintulot sa mas nakakataas sa kanya. Ni-release ito, chinop-chop ito, ipinamahagi ito sa mga pulitiko sa buong bansa. Imposible na hindi ito alam ng mga nakakataas sa kanya.

Maaari na sabihin niya na walang kinalaman si Gloria sa anomalya, pero walang kinalaman sa ganitong kalaking pera ay mare-release? Imposible iyan. Para sa akin, sa kanyang mga nasagot, ay kasinungalingan lang. Napatunayan lang niya na sinungaling talaga si Bolante. Una, iba yung sinasabi niya sa Amerika, iba yung sinasabi niya rito. Pangalawa, sinasabi niya yung mga bagay na hindi namana katanggap-tanggap, at mahirap talaga paniwalaan.

P700 million na hindi alam ng Pangulo, na hindi alam ng mas nakakataas sa kanya. Sobrang poderoso naman siya. Ang ibig sabihin lamang nito, sobrang 'in' siya o sobrang barkada niya either si FG o si Pangulo, na ganitong kalaking halaga, siya na mismo, on his say so, pwede niyang i-release, pwede niyang i-chop-chop at ipamahagi sa mga pulitikong ito, na hindi alam ng mga nakakataas sa kanya. Hindi talaga pwedeng paniwalaan ito.

Q: So may pinoproteksyunan lang siya?

MAR: Talagang malinaw na pinoproteksyunan niya, and in fact, isinubo na niya yung mga regional director. Baka hindi niya alam na ipapatawag din namin itong mga regional director. Kung may anomalya man, nangyari doon sa lebel nila. Ngayon, ipapatawag namin ngayon iyon, at magkakaalaman talaga kung sino talaga ang gumawa ng katiwaliang ito.

Malinaw na malinaw na hindi napakinabangan itong pera na ito ng ating mga kababayan. Hindi napakinabangan ng mga magsasaka. Ang pag-release ng project ay isa sa mga pinaka-pulitika na gawain ng isang gobyerno. Bakit itong mga 105 congressmen lang ang binigyan? Bakit itong mga gobyerno lang? Bakit yung mga ibang pumanig sa kalaban, sa kaaway, katunggali ng Pangulo ang winithdraw yung offer sa kanila. Obvious na obvious, pulitika ito, ginamit sa pulitika ito, at kung sasabihin lang ni Joc-Joc na siya ang may kagagawan nito, siya lang gumawa ng listahan, siya lang nag-approve nito, siya lang nag-withdraw nito, siya lang nag-release nito, ay hindi kapani-paniwala.

Q: Yung ganitong sistema ba, dinaan niyo rin noong nasa gabinete ka?

MAR: Nasa sa trabaho ng isang secretary, isang kawani sa gobyerno na siguraduhin ang tama at wastong paggastos ng pera ng taong bayan. Hindi maaaring sabihin na 'Ini-release ko ito, wala na akong pakialam kung ano ang nangyari diyan, kung ninakaw man iyan o hindi. Dapat ang ginawa nila ay isang sistema na itong pera ay hindi mawawala at mapupunta sa tama o direktibang paggamit.

Halimbawa, bakit hindi nila ginawang bulk purchase ito? Di sana nakatipid sila. Bakit hindi nila ginawa isang programa sa buong bansa? Bakit 105 na congressman lang? E higit na 200 ang distrito sa bansa natin. Ano ang nangyari sa 200? Bakit hindi na lang hinati, para lahat ng mga Pilipino ay nakinabang dito? Bakit 53 na gobernador lang? E higit sa 80 ang mga probinsya dito sa bansa natin. Bakit 23 mayors din lang? Ang punto dito ay, pulitika ang paggamit sa perang ito. So aminin natin na hindi maaari na isang low-level na undersecretary katulad ni Joc-Joc ang maaaring dumesisyon dito sa bagay na ito.

Q: Can Joc-Joc be held for contempt?

MAR: Pag-uusapan namin sa committee pagkatapos nito. Maaari siyang ma-charge ng perjury, batay sa assessment ng committee.

Q: Kapag na-cite siya for contempt, made-detain siya sa Senado?

MAR: Dito, o sa ospital, depende sa desisyon ng committee. At the end of hearing, pagbobotahan iyan. Dalawa ang pananaw diyan na pagdedebatehan ng mga senador. One reading is, sa kanyang pagpunta rito, he has purged himself of the contempt. So extinguished na yung reason for charging him. The other reading is, he will only purge himself of contempt, matapos yung buong proseso ng Senado, lahat ng mga hearing, hindi lang isang hearing. Under the first interpretation, maaari siyang umalis after lunch. Hindi naman yata tama iyon. Kaya isa ako sa mga naniniwala na ang tamang pagbasa nitong purging of contempt is, matapos ang buong proseso ng Senado, that is when you have purged yourself of the contempt. There are others who think tapos na. Pagdedebatehan at pagbobotohan pa ito.

Kung sinasabi niya na wala siyang kinalaman at hindi siya kasama sa anomalya, ay susundin natin ang paper trail, at mapipilitan siya magsabi kung sino sa pagkaunawa niya bilang dating undersecretary ng DA ang gumawa ng anomalya. Magkakaroon ngayon ng pagtuturo - yung regional director ba? Tatanungin naman natin ngayon ang regional director. 'Sabi ni Bolante ikaw may kagagawan nito.' Malalaman natin ngayon, magkakaroon ng paglinaw kung sino talaga ang gumawa ng anomalya na ito.

Q: Mukhang cooperative naman si Joc-Joc?

MAR: Mukhang maamo, napakabait, pero palagay ko isa lamang itong taktika na ginagamit niya para hindi uminit ang isyu. Karapatan niya mag-invoke ng right against self-incrimination, at tatanungin natin siya, ano'ng ibig sabihin niyan? Kung i-invoke niya ang right against self-incrimination, ang ibig sabihin niyan ay hindi na siya sasagot dahilan sa kanyang pagsasagot, lalo siyang madidiin. Kung iyan ang ibig niyang sabihin, ay tatanggapin natin, pero malinaw na iyon ang ibig sabihin ng right against self-incrimination.

News Latest News Feed