Press Release
November 17, 2008

Transcript of interview in 24 oras with Mel Tiangco with Senator Manny Villar

Mr. Senator, paglilinaw lang po, kayo po ba ay pinatalsik o nag-resign?

Villar: Alam mo sa Senado, kapag mayroong isang miyembro na may suporta ng 13 o mahigit na senador, iginagalang natin iyon. Nakita ko na may suporta na si Sen. Enrile na 13 senators. Okey naman sa akin iyon . Si Sen. Enrile ay iginagalang ko at sumunod ako sa tradisyon ng Senado kaya ako nagbitiw.

Sabi po kasi nila , kaya nagkaganoon ay dahil nawalan na ng tiwala sa inyong liderato. Mayroon bang dahilan para mawalan sila ng tiwala sa inyong pamumuno?

Villar: Bagong upo pa lang ako na Senate President, inuuga na ako noon . Natutuwa ako na nakatagal ako ng dalawa at kalahating taon. Hindi naman tayo nagulat diyan. Iginagalang ko ang pananaw ng bawat isa. Kung wala ka nang suporta ng mayorya, dapat sport ka lang at tanggapin mo iyon. Iyon ang aking ginawa. Gusto ko lang sabihin sa taumbayan na kahit ako ay isang karaniwang senador na lamang, tuloy po ang aking pagtulong sa mga OFW, sa mga mahihirap, paggawa ng mga panukala na makakatulong sa ating ekonomiya, lalo na ngayon na may krisis tayo. Pag-iibayuhin ko pang lalo ang aking trabaho.

Ito po bang pangyayaring ito ay lalong nagpaigting sa inyong plano sa presidential elections o nagbigay-daan sa inyo ng alinlangan?

Villar: Walang nagbago.

Walang nagbago. Dire-dretso pa don pos a presidential elections?

Villar: Hindi mahalaga iyan. Ang mahalaga ay patuloy kong gawin ang aking trabaho, ang aking pagsisilbi sa bayan at nakita niyo naman na yung limang presidentiables ay lahat bomoto laban sa akin. Bahala na lamang ang ating mga kababayan magbigay ng interpretasyon.

Sa wari niyo ba may kinalaman ang Jocjoc at dela Paz issue sa nangyaring ito?

Villar: Iniiwanan ko na lang ang paghusga sa ating mga kababayan. Alam ko na ang ating mga kababayan ay mayroong naiisip na tunay na dahilan sa nangyaring ito. Iyan ay iniiwanan ko na sa kanila.

Tantiya niyo ba na collective ang ginawang ito ng 13 senador o mayroon silang dinadala laban sa inyo?

Villar: Okey lang sa akin iyon. Tayo naman ay pinanganak na iskwater at nagtitinda ng hipon sa Divisoria. Lahat ng hirap ay dinaanan ko na. Yung mga ganyang problema, nginingitian at tinatanggap na lang natin.

How do you feel about the 13 senators?

Villar: Wala akong sama ng loob sa kanila. Iyon ang kanilang pananaw. Ayaw na nila sa akin kaya hindi ko na ipinagpilitan ang aking sarili. Maganda nga ho ang rating niyo kaya nakangiti pa rin kayo. Maraming salamat po Sen. Manny Villar.

News Latest News Feed