Press Release
November 18, 2008

Transcript of Interview in DZRH with Joe Taruc and Karen Golfo with Senator Manny Villar

Q: Mr. Senator, talaga ho bang nabigla kayo o may naririnig na kayo tungkol dyan bago nagkaron ng pagbabago kahapon?

Villar: Isipin mo Joe, bago pa ako umupo bilang pangulo ng senado talaga namang niyuyugyog na tayo at hindi naman tumigil yan, kaya nitong mga nakakaraang araw ay may mga planong ganyan at natunugan natin yan, dangan nga lamang mabibigat yung mga umalis sa atin na mga kasamahan. Bagama't hindi naman masama ang loob ko sa kanila, wala akong sama ng loob pero pag yun ang umalis wala tayong magagawa.

Q: Isa po sa napansin ng ating mga kababayan Mr. Senator, 4 sa inyong posibleng makalaban sa 2010 ay magkakasama na bumoto laban sa inyo?

Villar: Lahat ng presidentiable ay bumoto sa akin, wala tayong magagawa, medyo may mawawala sa atin na di inaasahan pero ganyan talaga ang buhay. Sabi ko nga sa aking pinagdaanan bilang dating iskwater at tindero sa palengke ng hipon, marami na rin akong dinaanang dagok sa buhay, pero sanay na tayo dyan. Kaya lang pag minsan may nangyayaring ganyan masama pa rin ang loob mo, pero wala ka namang tampo.

Q: Kaya lang merong napapansin ang ating mga kababayan. Yun daw pagpapalit ng liderato sa Senado, totoong madaling mangyari, pero hindi madaling mangyari yung mga nangyayari ngayon. Tulad halimbawa, yung mga nasa oposisyon ang mayorya sa Senado pero ang liderato hawak ng administrasyon, hindi ho pangkaraniwan yon, ibig sabihin ang problema nasa oposisyon hindi ho ba?

Villar: Siguro dahil hati.

Q: Kasi kung tutuusin ang mayorya ng Senado ay hawak ng oposisyon, iilan lamang yung mga administration senators. Anong dahilan at pinapayagan ninyong mga nasa oposiyon na hawakan ang liderato ng Senado ng administrasyon?

Villar: Alam mo lahat ng presidentiables ay galling sa oposisyon kaya hindi mo maiiwasan yan malapit na ang 2010 ay magkakaroon ng ganyang pananaw.

Q: Alam po ninyo ang pananaw ng ating mga kababayan ukol dito kung sakaling magkakaron ng pagbabago ng liderato ng Senado, isang oposisyon ang hahawak, halimbawa si Senator Nene Pimentel na dati ring Pangulo ng Senado at sa kanya magra-rally ang mga taga oposisyon, pero kabaligtaran ang nakita ng ating mga kababayan, mga taga oposisyon bumoboto ng mga pro - administration?

Villar: Mas matindi siguro yung 2010. Pero anyway, sabi ko nga kung anuman ang pananaw ng aking mga kasamahan, yun ay aking iginagalang at alam mo sport lang ako sa mga pangyayaring ito. At talagang sa amin kapag may nakakuha na ng 13, siya na ang magiging Pangulo at kaya naman ako ay umalis kaagad pagkat may 13 na. Alam mo hindi naman tayo kumakapit tuko sa isang puwesto. Ginagalang ko yung aming tradisyon na kapag may mayorya na ang isang tao ay nagbibigay na yung incumbent.

Q. So nagkaroon ng pagbabago ang liderato, nangangahulugan magkakaroon ng pagbabago ang mga Committee Chairmanships?

Villar: Oo siyempre dahil wala na kay Allan yung Blue Ribbon, hindi na Majority Floor Leader si Kiko Pangilinan kaya magkakaroon ng pagbabago, tingnan na lamang natin kung paano hitsura ng panibagong Senado.

Q. What about iyong inyong ambisyong tumakbo para maging pangulo, nagkaroon po ba ng pagbabago ito Mr. Senator? Tuloy-tuloy ho kayo sa 2010?

Villar: Hindi naman, wala naman akong nakikitang pagbabago. Sa tingin ko nga mas marami akong oras ngayon. Sapagkat ako Joe, nais ko lamang sabihin sa ating mga kababayan na hindi magbabago ang aking ginagawa na pagtulong sa ating OFWS at sa ating mga kababayang nagsasarili. Hindi magbabago ho yan. Lalung-lalo na ngayon na tayo ay may krisis na hinaharap palagay ko ho yung aking karanasan ay makakatulong sa ating mga kababayan. Yan ho ay talagang gagamitin natin para ng sa ganun ay hindi naman tayo dumaan ng husto sa hirap. Yung aking ginawang pagtatrabaho nung ako'y pangulo ng Senado, kasi siguro maipagmamalaki ko rin naman na napakaraming panukala nag ating naipasa, bukod sa naipaglaban natin ang kalayaan ng Senado, maipagmamalaki natin yan. Pero dadagdagan pa natin yan sapagkat bilang isang pangkaraniwang senador ay mas wala ng stress at mas makakatrabaho na ko ng maluwag.

Q. Yun ho kayang pag-arangkada ninyo sa survey walang kinalaman tungkol dito sa nangyaring ito Mr. Senator?

Villar: Iiwanan ko na lang yan sa mga nakikinig Joe dahilan sa nagkataon lang na lahat ng Presidentiable bumoto laban sa akin. Iiwanan ko na lang yan sa mga nakikinig na magbigay ng interpretasyon nila.

Q. Ito pong pagtalakay sa Budget for 2009 hindi ho kaya maapektuhan ng change of leadership na ito Mr. Senator?

Villar: Hindi naman, sa akin nga sabi ko, walang sama ng loob Ang budget kasi ay isang bagay na kailangan ng ating bansa. Kung hindi papasa ito baka maapektuhan yung ating mga mahihirap na kababayan kaya kami maski nasa oposisyon ngayon at ako bilang pangkaraniwang Senador ngayon, hindi naman ako gagawa ng bagay na makakasama sa ating bayan.

Q. Wala ho ba kayong partikular na komite na maaaring hilingin sa bagong pamunuan ng Senado?

Villar: Ako'y nahahanda namang tumulong, magiging fiscalizer tayo. Nahahanda tayong tumulong sa lahat. Hindi ko naman kailangan ng komite para makapagtrabaho at makapaglingkod sa bayan.

Q. Mr. Senator, para po sa inyong mensahe, go ahead please.

Villar: Sa atin pong mga kababayan, nais ko pong sabihin na magpapatuloy po ang akin pong mga ginagawa hindi po magbabago yan. Yun ating pong mga programa ay magtutuloy sa OFWs, sa mga mahihirap ho na nagsasarili at dun sa mga walang trabaho, yan po ay tuloy-tuloy na bibigyan po natin ng atensyon yan maski po tayo ay pangkaraniwang Senador na lamang. Wala hong magbabago at lalo ko pa hong pag-iibayuhin ang aking paglilingkod at dating Pangulo ho ng Senado, sa mga darating na panahon ay irereport ko sa inyo yung ating nagawa na maipagmamalaki ko po naman, ang dami ng ating mga panukala at yung ating pakikipaglaban para sa kalayaan ng Senado.

News Latest News Feed