Press Release
March 2, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' press briefing after Senate committee on trade and commerce hearing into the pre-need industry plight

MAR: Sa ngayon wala pa po talagang kaso naka-file laban kay Celso delos Angeles. Pinag-aaralan pa raw ng Department of Justice at ang kanilang unang miting dito ay March 20 kahit na nung Pebrero pa isinampa ng Bangko Sentral at ng SEC ang mga kasong ito. Sobrang bagal. Talagang hindi pinapahalagahan ang pera ng ating taong bayan. At hanggang sa ngayon pumutok na ito, kitang-kita ang kapalpakan, kitang-kita ang scam, iyong fraud na ginagawa dito, 'yung panloloko dito, nasa regular pa rin ang sagot ng mga ahensiya natin dito. Hinding-hindi po natin dapat na mapabayaan na makalimutan ito, kakalampagin po natin sila. At sigurado na ang ating mga ahensiya sa gobyerno ay papanagutin natin dito sa isyu na ito.

Nakita natin sa hearing na kahit mga ordinaryong mamamayan, nanay at tatay lamang, sila nakakakuha sila ng dokumento na ang mga nakatakdang ahensiya na katulad ng SEC at ang Bangko Sentral na may sapat na kapangyarihan para mag-subpoena ng dokumento, para magpatawag ng witness, para magbigay ng witness protection, para mag-aplay sa Anti-Money Laundering Council para lamang makita ang buong katotohanan na ito, sila hindi sila nakaka-produce ng kahit na ano. Kakaunti ang kanilang reaksyon, babahagya, mabagal pa.

Tulad nito sa World Bank. Ibinigay na ang impormasyon hindi pa rin humakbang ang ating gobyerno. Ganun din dito. Matagal ng alam na marupok at ampaw itong Legacy na ito pinabayaan pa rin na magpatuloy na mag-negosyo. At ngayon na pumutok na ito, ngayon na nawala na ang pera ng ating mga kababayan, mabagal pa rin ang aksyon nitong mga ahensiyang ito.

Q: Can you attribute this to bureaucratic liturgy or is it somebody influential behind Celso delos Angeles?

MAR: Malapit na, malapit na akong humatol na talagang merong proteksyon itong Celso delos Angeles na ito. Simula't-sapul pa lang na-ban na ito sa pagba-banking. Pero nabaligtad itong ban na ito. Meron siyang pinanghahawakang bangko dati sa Marikina na nabangkarote rin. At sang-ayon sa Fit and Proper rule ng Bangko Sentral, dapat hindi na ito nakapasok sa banking. Bakit nakabalik ito? Pangalawa, mataas na posisyon ang hinawakan nito sa housing. Bakit binigyan ito ng ganung kalaking kapangyarihan bagamat masama ang kanyang record? Sunod, two years na ang nakalipas nang malaman ng Bangko Sentral, ng SEC, ng Office of the Insurance Commissioner na ampaw ang laman nitong Legacy group na ito. Matagal na ang balitang sobrang laki ng interest ang ibinabayad nito, ang ino-offer nito. Isa 'yan sa mga hudyat sa financial circles na natro-trobol ang isang kumpanya. Bakit pinayagan na magpatuloy sa pagnenegosyo? Bakit pinayahan na magpatuloy na magbenta nitong mga pre-need plans na ito? At ngayon naman na malinaw na malinaw na may fraud, na may panloloko dito sa mga namili nitong mga pre-need plans bakit sobrang bagal ng gobyerno natin?

Q: Sir, anong nakikita niyong mali dun sa mga documents na ipinakita? Bakit nakapag-withdraw pa siya?

MAR: Ang ating Bangko Sentral at SEC napaka-passive. Tinaggap nila ang sinabi niya na nag-withdraw na siya, na wala na siya dun sa pang-araw-araw na operasyon nitong mga kumpanyang ito. Sinabi niya na wala na siyang executive powers. Samantala as late as October last year, pumipirma pa rin siya as chairman and chief executive officer at ang kanyang pirma ay nire-recognize pa ng mga trust funds sa pag-withdraw ng mga perang ito. Kitang-kita na kulang talaga ang pag-e-eksamin nitong SEC at Bangko Sentral dito sa operasyon nito dahil habang sa dokumento nila, masaya na sila na wala daw si Celso delos Angeles dun, pero sa pang-araw-araw na operasyon, iyong access sa pera, iyong kapangyarihan na gumalaw ng pera ay nandun pa rin kay Celso.

Q: May kasabwat sa SEC at Bangko Sentral mismo?

MAR: Kung hindi man kasabwat, eh talagang kapabayaan. Talagang hindi sila pursigido. 'Yun nga ang sinasabi ko, ang bagal, wala silang agresibong aksyon, wala silang ginagawang mga hakbang. Katulad nung pinakita ko kanina. Nung pumutok na ito, bakit walang pito o walang tuktok sa mga trust funds ng lahat ng mga bangko para sabihin sa kanila pagdating sa Legacy, pagdating kay Celso delos Angeles, dapat dahan-dahan, dapat detalyado ang kanilang pag-proseso dahil nasangkot na nga sila sa isang fraud. Bakit wala silang pa-timbre dito sa mga bangko, dito sa mga trust funds, na pagdating kay Celso delos Angeles, o kaya sa Legacy, itimbre niyo dito sa amin sa Bangko Sentral dahil sinusubaybayan namin ito. Bakit walang ganun? Eh alam ko naman, alam nating lahat na kapag may hinihinging datos ang Bangko Sentral sa mga bangko, takot lang nila dahil 'yung buhay nila, 'yung kita nila, nasa Bangko Sentral. At nakakagalit pa itinuro ng Bangko Sentral na ginawa daw ito ng SEC. Wala namang ngipin itong SEC. Ipinasa pa nila ang obligasyon na gawin ito samantalang iyong SEC, yung kamay na bakal eh nasa Bangko Sentral. Hindi nila ito ginamit para proteksyunan ang pera natin.

Q: 'Yung testimony ni Montenegro at ni Axalan, may weight sa kaso ni Celso delos Angeles?

MAR: Ito ay nagpapakita na talagang malawakang scam ito. Hindi lamang ito iilan na investor na nahulog sa pag-proseso pero talagang kasama ito sa plano para i-scam ang ating mga kababayan. Daang milyon eh. At ipinakita dito, sa testimonya ng presidente ng Rural Bank of Bais na lahat itong pera na ito, ni isang pirma ng lehitimong bank officers, 'yung treasurer at ang iba pa, ay hindi makikita sa dokumentasyong iyon. Talagang inilihis ito, itinago ito, dun sa mga regular at opisyal na bank officers. Pinlano ito para maloko ang mga Pilipino, makuha ang pera at hindi naman makita na pumasok dun sa bangko mismo.

Q: Anong assurance na hindi babayaran iyong mga certificates of trust deposit? Baka b ayaran ng PDIC?

MAR: Kaya nga winarningan natin. Sa susunod na hearing ay tatanungin natin sa kanila kung ano ang proseso na isinagawa nila. Hindi madali na maglabas ng pera ang PDIC. Unang-una dahil may COA at humingi pa sila ng pagsubaybay mula sa isang pribadong accounting firm. Ang pinakamahalaga dito ay authentic na bank deposits lamang ang kanilang babayaran. Ang malungkot dito napakarami ng ating mga kababayan pinanghahawakan nila 'yung xerox ng certificate of trust deposits. At palagay ko ay mabibigo sila dahil sang-ayon sa PDIC unless na may pruweba na orihinal itong mga dokumentong ito, mahihirapan silang magbayad dito sa mga xerox na ito.

Q: Ganun din ang ginagawang common scheme, iyong ginawa sa Rural Bank of Bais na gumagamit ng certificate of trust deposit?

MAR: Hindi. Ang nangyari dito ay inutusan lang itong Rural Bank of Bais na mag-record ng pumasok kuno na pera. Pero wala namang pera na pumasok sa Rural Bank of Bais. Pero itong pera na ito ay nakolekta ng mga marketing agents katulad ni Ms. Myrna Axalan. Kinukulokta ang pera na ito sa pangako na may certificate of time deposit na kapalit. Itong certificate of time deposit supposed to be insured ito ng PDIC. So nagtiwala naman ang tao. Una, 'yung pera ng saver hindi pumasok dun sa bangko. Pangalawa, 'yung dokumentasyon na ibinigay bilang kapalit ng pera ay peke at hindi kinikilala ng bangko. At pangatlo, ang PDIC mahihirapan ngayon na magbayad sa mga pera na iyan. Iyan ang lumabas dito sa hearing na ito.

Q: May witnesses daw si Mr. Piccio nag-re-request ng Witness Protection ng DoJ o ng Senate. Ang Senate pwede bang magbigay?

MAR: Tatanungin ko sa committee members at sa ating Senate President kung makakapagbigay tayo kahit ng pansamantalang protection dito sa witness na ito hanggang sa maipasa natin sa DoJ. Pero dito nagpapakita ng kakulangan, ang laki talaga ng performance sa pagitan ng pursigidong makita ang katotohanan sa likod nito kumpara dun sa ating gobyerno. Biro mo ang ating gobyerno makapagbigay ng witness protection, makapag-subpoena, makapag-aplay sa Anti-Money Laundering Council para mabulatlat lahat itong bank accounts na ito para makita kung ano ang takbo ng pera. Bakit hindi ginagamit ito? Bakit parang ang lambot-lambot, ang hina-hina, ang bagal-bagal ng aksyon ng ating gobyerno? Hindi ba nila nararamdaman ang stress, ang desperation ng ating mga kababayan? Ito ang last money nila, ito ang savings nila, pinaghirapan ito. Ito ang pension money nila, ito ang pera para sa tuition ng kanilang mga anak, nga magulang na nagnanais lamang na magka-edukasyon lamang ang kanilang mga anak. Lahat ito ay nawala na lamang ng parang bula. Ang gobyerno natin - DOJ, SEC, Bangko Sentral - talagang malaki ang pagkukulang sa kanilang mga aksyon para mahabol ang fraud na ito.

Q: Bakit hindi i-cite for contempt si Delos Angeles eh may ebidensiya naman pala laban sa kanya?

MAR: Nagpupunta, sumisipot naman siya dito. Ang contempt naman para dun sa mga nag-snub sa Senate. Sa pagsinungaling, dun natin malalaman kung nagsinungaling siya pero DOJ pa rin eh. Hindi tayo korte. Ang tanong mo nagpapakita na wala ng tiwala sa mga ahensiya ng gobyerno.

Biro mo nagiging takbuhan ang media, ang Senado eh hidni naman 'yan ang trabaho natin eh.

Q: May nagbibigay proteksyon sa DOJ kaya ba ang bagal?

MAR: Para sa akin ay ang laki ng agwat sa pagitan ng salita at sa gawa. Ang salita nila ay may task force, binuo na daw itong task force na ito. Pero ang unang hakbang ng task force, six weeks later. Kaya Task Force Pagong ito. Ang bagal-bagal at talagang nagpapakita na wala silang interest.

On the filing of impeachment complaint against Ombudsman Gutierrez

Q: Sabi ni Omb . Gutierrez binabalikan lang siya ng Liberal Party kasi nag-file sila kanina ng impeachment complaint laban sa kanya?

MAR: Huwag na lagyan ng kulay ni Merceditas itong mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay gawin niya ang kanyang trabaho, na file-an ng kaso itong mjga tiwali, itong mga nangungurakot sa ating gobyerno. Simulan natin sa Euro Generals. Under oath, nasa TV, naka-record, inamin ng heneral na ito na nilabag niya ang reglamento, wala siyang pahintulot kinuha niya itong P10 milyon, nagsinungaling siya sa kanyang Bureau of Customs form, at pati dun sa Russia nagsinungaling din siya. Bakit hanggang ngayon walang kaso?

Dito sa World Bank. Sinabi ng World Bank na May 2006 pa lang sinabihan na siya na meron ganitong uri ng anomalya sa bidding. Bakit hanggang ngayon wala siyang isinagawa? Samantala ang World Bank na walang kapangyarihan na mag-subpoena, walang kapangyarihan na mag-bukas ng Anti-Money laundering, walang kapangyarihan na magbigay ng witness protection ay narating nila ang isang paghahatol na preponderence of evidence na itong mga kontratistang ito ay nagkakakuntsaba sa bidding.

Pangatlo, dito pinag-uusapan muli ang computerization ng ating election. Dito sa Mega Pacific, Korte Suprema na ang nagsabi na may anomalya sa bidding na iyan.

Bakit hanggang ngayon wala pa ring kasong finile ang Ombudsman? Diyan natin itutuok. Huwag na niyang lagyan ito ng kulay, huwag na niyang gawan pa ito ng spin. Gawin na lang niya ang trabaho niya para mahuli itong mga nangungurakot sa ating gobyerno.

Q: Walang kinalaman ang Liberal dito?

MAR: Hindi lang naman Liberal Party ang nagsasabi na ang bagal-bagal, ang hina-hina ng trabaho ni Merceditas. Lahat naman nagsasabi, ako kasama ako dun, kabahagi ako dun, na talagang kulang. Matagal ko ng sinasabi na dapat magbitiw siya sa kanyang puwesto. Dahil hindi kapani-paniwala na binabantayan niya ang ating interest. Imbes pa dun, binabantayan niya ang interest ng kanyang mga kasamahan, ng kanyang mga alipores, dun sa Malakanyang.

Q: Merong instructions to Liberal members to support?

MAR: Wala. Ito ay isinagawa ng Bantay Katarungan na pinangungunahan ni Ka Jovy Salonga. Rumerespeto ako kay Ka Jovy Salonga. At nakikita naman, imbes na magbigay pa tayo ng spin, imbes na magbigay pa tayo ng kulay o kung ano-ano pang motibo, tingnan na lang nakalaysay dun sa complaint laban kay Mercy ang lahat ng ito. Eh di sagutin na lang niya kung bakit hindi niya pina-file-an ng kaso itong mga matataas na opisyal na nasangkot dito sa mga anomalyang ito.

News Latest News Feed