Press Release
March 17, 2009

Transcript of interview with Sen. Manny Villar
at the Nacionalista Party Office

Q: Ano po ang kaso ng tatlo?

Villar: Ito ay isa sa mga problema natin sa recruitment naman dahil sa sila ay na-recruit dito at dinala sila sa Kuching, Malaysia. Ang pag-recruit sa kanila ay singer ang trabaho nila. Hindi naman nila alam na iba pala ang plano sa kanila. Dinala nga sila sa isang prostitution den. Sila ay pinipilit doon at labag sa kanilang kagustuhan.

Q: Meron na bang kaso ito?

Villar: This is trafficking, clearly. Sex trafficking ito at ito ay labag sa batas. Hindi natin dapat i-tolerate ito. Unang-una ay labag sa kanilang kagustuhan iyang mga ganyan. Hindi naman sinabi sa kanila kung ano ang gagawin doon. Pinwersa sila. Iyong pagpwersa sa kanila ay ipinagbabawal sa Malaysia. Wala namang bansa na hahayaan ang ganitong mga pangyayari kaya maliwanag naman na hindi alam ng authorities ng Malaysia itong mga bagay na ito. Nag-magandang loob nga sila para at least ito ay mabigyan natin ng atensyon at matigil na. Maliwanag na may sabwatan din dito sa Pilipinas at ito ngayon ang aking tinitingnan din dahil sa dapat sugpuin din natin sa panig natin ang problema. Hindi lamang sa Malaysia ang problema, kundi dito rin sa atin. Maaaring iyong nag-recruit sa kanila ay alam talaga ang gagawin sa kanila. Ako ay humahanga rin sa kanilang tatlo na naglakas-loob na magpa-interview rin at maikwento nila nang hindi sapitin ng iba pa nating mga kababayan ang sinapit nila sa Kuching, Malaysia.

Q: Ano ang dapat gawin?

Villar: Ito ay talagang bawal na. Ito ay puspusang pagtutulak sa ating pamahalaan sa implementasyon n g ating mga batas nang maayos. Implementation na lamang ang problema natin dito at maliwanag naman na bawal ito. Dapat ay mahanap din ang mga nakikipagsabwatan at iyong mga recruitment agency ay managot sa nangyaring ito. Hindi naman tama na walang mananagot sa nangyari sa kanilang tatlo. I'm sure marami pang katulad nila na ganyan ang inabot na kapalaran.

Q: Meron na po tayong anti-trafficking law, pero parang maluwag ang implementasyon?

Villar: Actually, mabigat na ang parusa sa mga illegal recruiters. Ang implementasyon na lamang talaga dahilan sa napapaikutan ang implementasyon ng ating batas. Napapaikot ng mga illegal recruiter din at iyong mga gumagawa ng ganitong masasamang bagay. Ito ay isa sa pinakamaluwag na naiimplentang batas natin kaya ako ay walang humpay din sa pagtugon dito sa mga ganitong problema. Gusto kong makita ng gumagawa nito na hindi ako titigil at ako ay may sipag at tiyaga sa bagay na ito. Hindi ako titigil hangga't hindi natitigil itong mga ganitong mga bagay.

Q: Saan dapat magsisimula?

Villar: Sa pulis natin at sa maraming ahensya ng gobyerno natin, sa recruitment at sa airport. To be fair, sa embassy naman natin sa Malaysia, nakikipag-cooperate naman sila bagaman may mas magagawa pa rin sana tayo roon sapagkat alam ko na alam rin nila ang nangyayari ngayon. Maaaring sa kakulangan ng budget kaya hindi nila mabigyan ng puspusang atensyon ito. Pero obligasyon nila na continuously ay tingnan nang tingnan ang mga lugar na iyan para hind imaging madali ang operation na ganito. Maaaring mangailangan sila ng mas malaking budget para sa bagay na iyan. Iyan naman ang dapat nating ibigay. Ako ay naniniwala na ang budget na napupunta sa DOLE, halimbawa iyong pagtugon sa kanilang problema ay kulang pa ang doble. Palagay ko dapat two to four times ng budget na tinatanggap ng DOLE ang dapat para matugunan ang pangangailangan ng mga kababayan natin na OFW sa labas ng bansa.

Q: Marami pa po bang katulad nila na humihingi ng tulong sa inyo?

Villar: Alam mo, dumarami pa rin. Sa aking Helpline ay padami nang padami ang tumatawag. Bagaman tinutulungan naman natin ang mga tumatawag, hindi tumitigil ang mga humihingi ng tulong. Okay naman iyon sapagkat ang Helpline na iyan ay binuo ko para sa kanila.

Q: (To OFWs) Ano ang masasabi ninyo sa pagtulong sa inyo ni Sen. Villar?

Rhea: Unang-una ay nagpapasalamat kami kay Mr. President, Manny Villar dahil kami ay nakauwi nang maayos.

Q: (To OFWs) Pwedeng paki-kwento kung paano kayo napunta sa Malaysia?

Rhea: Simple lang kami sa amin tapos may galing doon sa Malaysia, nakasalubong niya ako. Kung gusto ko raw bang mag-Malaysia. Una sabi niya Korea. Sabi ko, sige kung Korea ano ang trabaho, waitress. Sabi ko ano ang kailangan? Binigyan kami ng mga kailgan nun tapos yung sa passport. Kung baga, nagdadalawang-isip p ako. Ang dami kong tanong. Sabi ko, waitress ha, ganun. Nasagot naman nila nang maayos. Tapos noong time na, may susundo raw sa amin sa NAIA Terminal 3. Sabi niya, sige wala namang problema.. Basta kikita kami ng P20,000 a month or P18,000, ganun. Four days lang ako doon. Hindi naman namin alam na ganoon ang trabaho. Tapos sila actually ang humingi ng tulong kay Mr. Cabilao ng embassy sa Malaysia. Humingi rin ako ng tulong kung pwede kong mai-text din si Mr. Cabilao na gusto ko na ring umuwi kasi hindi ko talaga kaya. Open talaga ang shabuhan sa gilid. Iba ang daan niya, sa gilid. Tapos siguro mga tatlong pinto, kasi parang pinaka-safety siya, nasa customer kung pipilitin ka nilang gumamit. Bale kami ang ginagawa na lang namin, pautakan na lang.

Q: (To OFW) Sino ang nag-recruit sa iyo? Marami ba kayong nahikayat?

Rhea: Ako, wala. Kasi noong napunta ako doon, sabi nila mag-recruit daw ako magkakaroon ako ng komisyon. Sabi ko, hindi na dahil mukhang iligal nga po ang pinasok doon kaya nag-atubili akong mag-text kay Mr. Cabilao sa pamamagitan naman nila iyon. Ang gusto ni Mr. Cabilao, lahat kaming mga babae maiuwi. Iyong iba po, siguro sa kakulangan din sa pera, kasi kada isang labas doon sa pera natin, P3,000.

Q: (To OFW)May mga kasama kayo doon na Pilipina? Mga ilan?

Rhea: Meron. Kasi bale 11 kaming lahat. Iyong iba alam nila siguro kasi kami recruit lang din kami.

Q: Ano ang pangako sa inyong trabaho?

Rhea: Ako, waitress. Sila singer.

Q: (To OFW) Pero dati na kayong lumalabas?

Rhea: Ako hindi, first time.

Grace: Galing na ako ng Japan.

Q: (To OFW) Direct hiring ba iyan? Walang agency?

Rhea: Diretso. Through cellphone tatawag sila. Pagdating sa airport, may susundo sa iyo, si ganito.

Q: (To OFW) Sa tingin ninyo lumalabas, illegal ang pag-recruit sa inyo?

Rhea: Hindi, nandoon na po kasi kami sa airport. Una sinabi sa akin, may agency, nasa Makati pa nga sinabi. Tapos hindi na, iyong ticket dito na lang sa NAIA Terminal 3 dadalhin.

Villar: To be fair, napakarami talagang mga Pilipino na masasabi nating illegal ang recruitment dahil sa talagang unang-una, napakamahal naman talaga ng binabayad. Tingin ko halos kalahati ng nakikita ko sa labas ng bansa illegal. Kaya hindi nila kasalanan iyan. Minsan syempre, sa kagustuhang lumabas ng bansa. Kaya sa pagtulong naming dito, hindi na naming tinatanong kung illegal o hindi, basta Pilipina lang. Wala na kaming kwestyon kung legal o hindi.

Q: (To OFW) Marami pa kayong kasamang naiwan doon?

Grace: Kami po ay marami pa.

Q: (To OFW) Wala silang planong tumakas?

Grace: Bago po ako nagpunta doon, nakuha ko po sa screen ng TV ang OFW Helpline. Noong napunta kami doon, ilang araw pa lang namin, nakita na namin kung paano ang trabaho. Meron akong isang kaibigan na pinatawag sa hotline na iyon para matulungan kami. Hindi kami makakatawag ng direct dito sa Pilipinas kasi wala kaming pera. Hindi naman kami nagpapalabas. Humingi ako sa kaibigan ko ng tulong para tawagan ang hotline na iyon.

Q: Matapos po ang pagpapauwi ninyong ito, may ibibigay pa ba kayong panimula?

Villar: Tutulungan natin sila. Ang isa pang pinapag-aralan natin dito ay kung may naiwan pa doon. Kasi nga base sa kwento nila, malawak ang operation na ito at dapat ay makipag-ugnayan tayo sa Malaysian authority para dito sa mga naiwan. Malaking bagay na sila ay nag-volunteer, pwede namang sila ay manahimik na lang subalit malaking bagay na sila ay nag-volunteer na magkwento ng nangyari sa kanila nang sa ganon ay matigil ito. Palagay ko iyan ang dapat nating pagbuhusan ng panahon ngayon. Syempre tutulungan ko rin naman sila pero iyong mga naiwan pa doon ay kailangang masiguro natin na itong panloloko sa ating mga kababayan doon ay matigil na. Titingnan din namin kung sino ang responsable rito. Sabi nga nila, marami daw ay natatakot lang baka gantihan sila dito. Hindi naman tama iyon dahil sila na ang niloko, sila pa ang tatakutin.

Rhea: Kasi po natatakot din ang mga kasama ko kasi iyong may-ari ng pub na iyon ay isang malaking grupo ng sindikato, gangster.

Villar: Palagay ko doon pinapasa. Hahanapin naman natin ang kababayan natin na gumagawa ng ganito. Doon naman sa Malaysia, magandang mai-report din sa Malaysian authority iyong nangyayari doon sapagkat wala namang bansa na kukunsintihin ang mga ganyan kung alam lang nila na merong ganyang operation.

Q: Paano kaya mapipigil ito?

Villar: Dapat kasi walang humpay iyan. Kung isa-isa ang gagawin mo, hindi mo mapipigil iyan. Pero kailangan lang walang humpay ang gagawin mong magpigil, pag-expose at pagpipilit nang sa ganoon malaman nila na hindi libre, hindi madali at meron talagang tumitingin. Kapag ikaw ay tumigil diyan, syempre babalik na naman iyan.

Q: Political will ang kailangan?

Villar: Iyan ang parati nating hinahanap. Syempre minsan nakikipag-ugnayan rin kami, hindi rin natin alam kung sino roon. Ayaw rin kasi nating lahatin iyong immigration halimbawa, dahil marami din naman doon ang walang kinalaman diyan. Subalit iyong mga gumagawa ng kalokohan ay dapat ding ma-expose. Maaaring may sabwatan din sa airport, hindi natin alam. Pero sa pamamagitan ng ganitong mga operation, lalabas at lalabas din ang mga iyan.

Q: Mainit ang issue ng Spratlys?

Villar: Hindi naman tayo dapat natatakot diyan. Nagpadala lang ng barko ang China, natakot na tayo. Alam naman natin ang nangyayari ngayon, binabalanse lamang natin ang interes dito sa South China Sea. May interes naman ang Amerika diyan, may interes din ang China. Hindi naman pwedeng China lamang ang mamamayani diyan. Ayaw nating makipag-away pero hindi naman tayo dapat matatakot. Tama iyong ating ginawa, panatilihin natin ang claim natin sa Spratlys. Naniniwala naman ako na atin iyan, bakit hindi natin ike-claim? Iyong mga pananakot na magpapadala ng barko, wala tayong magagawa diyan, karapatan nilang magpadala ng barko diyan pero hindi tayo dapat matakot. Masyado na tayong matatakutin. Dapat sa ating foreign policy, medyo tapang-tapagangan din natin dahil kawawa rin naman ang ating bayan.

Q: Kailangan daw dagdagan natin ang funding ng military?

Villar: Totoo naman din naman na ang funding para sa military modernization ay dapat iimplementa hindi para makipag-away tayo sa China. Maski na doblehin natin, triplehin natin iyan, hindi naman tayo makikipag-away sa China. Iyan naman ay maso-solve pa rin sa diplomatic means. Subalit walang masama kung ia-upgrade natin ang ating military capability hindi para makipag-away kundi para sa maraming bagay din. Marami rin naman tayong suliranin sa peace and order. Pero sa akin, maski na hindi pa natin naa-upgrade sa ngayon, hindi tayo dapat nagpapakita ng takot diyan. May mga pamamaraan naman tayong magagamit. Hindi lang naman tayo ang bansa na interesado sa lugar na iyan at hindi lang tayo aangal sa pagpapadala ng China ng barko diyan. Maaring maski ang Amerika ay umangal sa ginawa ng China na iyan.

Q: Sa tingin ninyo reaction lang ng China iyon sa presence ng US?

Villar: Talaga namang binabalanse natin ang interes nilang dalawa. Ayaw ng Amerika na kontrolin ng China iyan at ayaw rin ng China na makialam ang Amerika diyan. Basta tayo ay may claim diyan at hindi tayo basta matatakot kahit kanino. Wala namang posibilidad na aatakehin tayo ng China. Palagay ko, nananakot lang iyon.

Q: Ano ang dapat gawin ng UN?

Villar: Ang gusto natin syempre ay dalhin sa UN ang kasong iyan para maresolbe. Pero hindi ako naniniwala na bibigyan ng prayoridad ng UN iyan. Pero sa akin, kung may prayoridad o wala, basta tayo may claim diyan at huwag tayong matatakot.. Talagang magpoprotesta iyan. Tinatakot lang tayo. Nasa sa atin na kung matatakot tayo. Bakit naman tayo matatakot? Hamo na lang silang mag-ubos ng gasoline doo kaiikot.

Q: Pwede kayong mag-comment sa pagkaka-appoint kay Gaite sa SEC?

Villar: Consistent naman ako na ang pangulo ang may karapatan na mag-appoint sa anumang pwesto sa ating gobyerno. Bagamat natatandaan natin na si Atty. Gaite ay isa sa mga ZTE witnesses natin, mahirap naman na pangunahan natin ang pangulo sa bagay na ito. Maaring maraming appointment ang pangulo na hindi ako sumasang-ayon subalit iyan ay kanyang prerogative. Si Atty. Gaite naman, to be fair with him, bagamat nadiin siya sa pag-witness niya noon, kapag tiningnan mo naman ang kanyang background maayos din naman. Sa tingin ko dapat consistent din ako sa pagkomenta na when it comes to appointments, karapatan ng pangulo iyan.

Q: Qualified naman siya?

Villar: Qualified naman talaga kaya lang naging kontrobersyal ang naging papel niya doon sa ZTE noong araw. Bagamat diyan naman ay walang napatunayan, mahirap naman nating i-conclude na siya ay guilty dahil sa siya ay naakusahan sa isyu na iyan.

Q: Ano ang dapat i-priority ni Gaite sa SEC ngayon?

Villar: Marami siyang dapat iprayoridad diyan. Nakikita naman natin na maraming dapat ayusin sa SEC. Hindi lamang naman dahil sa kaso ng Legacy o sa pre-need plans, talagang meron tayong krisis pinansyal ngayon. Hindi lamang ang mga SEC natin ang malaki ang problema, ang SEC sa buong mundo, sa lahat ng bansa ay namumrublema ngayon kung paano ang magiging role nila sa mga problemang dinaranas ng kani-kanilang gobyerno dahil lahat halos ng regulatory agencies all over the world ay nire-redefine ang kanilang bagong role o magiging papel sa bagong environment ngayon pagkatapos ng krisis.

Q: On poll automation, do you believe na mawawala ang cheating talaga?

Villar: Hindi ako naniniwala na total na mawawala ang cheating. Sana mawala, sana naman sa automation ay mas mabilis ang resulta. Kaya lamang hanggang ngayon ay humahanap pa tayo ng safeguards. Gawin na lamang natin ang magagawa natin para mabawasan nang malaki ang pandaraya. Dapat linisin pa rin ang voters' list dahil sa garbage in, garbage out iyan. Kung mali rin ang ilalagay mo, mali rin ang lalabas. Kaya mas mahalaga sana sa akin na malinis iyong voters list para mas maging epektibo ang paggamit natin ng automation.

Q: Meron ka na bang napipiling vice president?

Villar: Masyadong maaga pa para pag-usapan iyon. Bagamat syempre alam natin na palapit nang palapit ang darating na halalan, pero maski naman hanggang ngayon ay maaga pa rin para pag-usapan iyan. Ngayon pa lamang naglalabasan ang mga kakandidato at magkakaroon pa ng alliances iyan sa darating na buwan at liliwanag pa lamang iyan sa darating na buwan pa.

Q: Personally may choice na kayo?

Villar: Syempre sa isipan ng aking grupo dahil hindi lang naman ako iyan, iyan ay isang malaking grupo na samahan ng mga organisasyon namin, syempre meron nang mga naglalakad na masama sa slate namin. Nakakatuwa din naman na magagandang pangalan ang gustong sumama sa amin.

Q: Mukhang ang administration, isa ang NP sa kino-consider nila for alliance?

Villar: Sa ngayon, palagay ko hindi pa alam ng admin kung ano ang kanilang gagawin. Wala pang nakakaalam kung anong gagawin dahil marami naman talagang nagsasalita for the administration. Tingin ko, hindi pa rin alam ng pangulo kung ano ang gagawin niya.

Q: Pabor ba kayo sa pakikipag-alyansa sa administrasyon?

Villar: Alam mo, ang problema hindi naman natin alam kung ano ang gagawin ng administrasyon. Kung sila ba talagang aktibong makikialam o maglalagay sila ng kandidato o magsusuporta ng kandidato. Kaya sinasabi ko lamang, ako ay pangulo ng NP at ang NP ay tuloy sa paglahok sa eleksyon ng 2010.

Q: Within the party, may mga choices na kayo?

Villar: Marami kami. Ang problema nga naming pagbawas.

Q: Kumpleto na? Pwede na?

Villar: Mahigit sa 12 ang gusto kaya iyan ang problema namin. Kaya gumagawa na kami ng screening committee para tingnan na ang mga sasali.

Q: Sa Vice?

Villar: Wala pa naman kaming pinagpipilian kasi hindi ko naman alam kung lahat ng tatakbong pangulo ay tutuloy sa pagkapangulo o magba-vice president lang.

Q: May nagla-lobby na?

Villar: Wala pa namang umaamin. Ako naman ay isang tao na marunong makisama sa lahat.

Q: Si Bro. Mike Velarde is thinking of running for president?

Villar: Magaling naman si Bro. Mike. Iginagalang ko iyan. Alam mo lahat naman pwede talagang kumandidato. Kaya nga sabi ko everytime na makakabasa tayo ng bagong kandidato, okay lamang. Talagang ganyan tayo ay isang demokratikong bansa at natutuwa naman ako dahil magagaling ang mga lumalahok sa pagka-pangulo. Puro magagaling naman sila.

Q: Sa tingin mo, makukuha mo ang suporta ng El Shaddai?

Villar: Mahirap mo namang sabihin iyan. Ayoko namang pangunahan iyan. Kaibigan kong matalik si Bro. Mike. Ang masasabi ko lang, napakagaling na tao iyan.

Q: Can you clarify your controversial P1 billion statement?

Villar: Ang sabi ng PCIJ, P2.5 billion daw. Ano ba tingin mo, masyadong mababa iyon? Ang punto ko lang, ang sinasabi nila sa PCIJ, P2.5 billion daw. Palagay ko iyong P1 billion ay kakailanganin pero hindi naman nangangahulugang sa iyo lahat manggagaling iyon. Gaya ni Obama, ang daming nagbigay sa kanya, maliliit lang pero naka-raise siya nang 3x ng laki kaysa kay Mc Cain. Hindi ko naman sinasabi na sa iyo dapat manggaling iyon. Maski wala kang pera pwede kang tumakbo sa pagkapangulo kung marami ang magko-contribute sa iyo. Ang sinasabi ko lang, realistically, at ito naman ay nababasa ko rin sa iba't ibang study na parang ganito daw ang magagastos kaya nagkomenta ako nang ganyan.

Q: Pero kayo hindi n'yo na kailangan ang tulong?

Villar: Ang tao naman, ang sinumang tutulungan ay magpapasalamat sa tulong.

Q: Open ba kayo sa open debate?

Villar: Maski na closed, maski na open, wala namang problema diyan. Araw-araw na nga kaming nagde-debate. Ang mahalaga ay kung ano ang gusto ng nakararaming kababayan natin. Nakikita nila kasi na marami rin tayong mga suliranin ngayon at kung puro na lang daldal ang mangyayari sa atin baka hindi na tayo mahalin ng ating mga kababayan.

Q: Sa Pulse Survey, no. 1 si Kabayan...

Villar: Syempre iyan naman ay tumataas minsan ikaw mangunguna o papangalawa. Anytime naman na mataas tayo sa ratings, ako ay nagpapasalamat na natutuwa ang ating mga kababayan sa ating mga nagawa at ang ating mga prinsipyo at adbokasya ay natutuwa sila. Syempre iyan naman talaga ang hinahanap din ng isang nanunungkulan, iyong pagbutihin ang kanyang trabaho. Kahit paano may kinalaman din naman ang ratings bagamat tama rin naman ang iba nung sabihin nila na matagal pa at marami pang pagkakataon ang iba na humabol.

Q: Ang trust rating ng Pangulo lalong bumaba..

Villar: Dati nang mababa kaya hindi na masyado ang epekto sa mga botante. Palagay ko pagbubutihin din ng pangulo ang kanilang gagawin sa darating na buwan dahilan sa ratings na iyan.

Q: Ano ang reaksyon ninyo sa muling pagbuhay sa Dacer-Corbito case?

Villar: Mahiram magkomenta diyan dahil hindi ko pa nababasa iyong sinabi ni Mr. Mancao at Mr. Dumlao. Mas magandang magkomenta ako diyan pagkatapos na mabasa natin, magawang public ang mga statement na iyon na pinirmahan daw nila.

News Latest News Feed