Press Release
March 25, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' AMBUSH INTERVIEW AFTER FILING OF SYNDICATED ESTAFA CHARGES VS LEGACY OWNER CELSO DE LOS ANGELES

(BEFORE FILING OF COMPLAINT)

MAR: Nakikilala niyo naman sila, mga ordinaryong Pilipino na ang kinapital lang ay ang kanilang pagtratrabaho, ang kanilang pawis, ang kanilang lupa para makaipon sila, para masiguro nila ang edukasyon ng kanilang mga anak. Nandito sila ngayon...

Itong pina-file nating kaso ay para sa ngalan ni Nanay Beth, ni Nanay Au at sa iba pang mga biktima ng scam na ito. Kawawang-kawawa. Hindi tayo papayag na maloloko tayo. Hindi tayo papayag na hindi managot ang dapat managot dito.

Q: Ilan po ang complainants?

MAR: First batch ito, anim po. Itong anim na complainants na ito ay binigyan ako ng Special Power of Attorney para 'yung kakayahan ko po ang siyang haharap sa Piskal, ang mga abogado ko, ang mga resources ko para sige-sige ang mga kaso na ito.

Q: Bakit dito sa Makati?

MAR: Ang dahilan po kaya dito natin fina-file sa Makati ay dahil dito po sa Makati ginanap ang panlolokong ito. 'Yung mga tseke, dito po sa branch ng Equitable sa Makati. Ang headquarters po ni Celso kung saan ginawa at pinlano ang panlolokong ito ay dito po sa Makati. Iyan ang dahilan kung bakit dito tayo sa Makati RTC nagpunta.

Q: Iba pa ito sa kaso na nasa DOJ?

MAR: Iba pa 'yun. Iba din ito sa mga kaso na fina-file sa Cebu, sa Davao, at sa Dumaguete at sa iba-ibang bahagi pa ng ating bansa.

Q: Magkano ang total claims nila?

MAR: Una, ang kanilang ibinayad. At pangalawa 'yung pangako. Sa kanila nga okay na sila kung maibabalik ang kapital nila. Pero nakakalungkot na sa ngayon na ang laman ng trust fund ay kulang para ibalik ang kanilang pera.

Q: 1st batch lang ito, may susunod pa? Sa iba po bang lugar ang ibang batch?

MAR: Oo, meron pang mga susunod na batch, dun sa ibang lugar at dito din sa Makati. Tinutulungan po natin ang mga biktima sa pamamagitan ng legal aid para makabuo sila ng kanilang mga complaints, ang kanilang pagsasalaysay sa mga pangyayari, 'yung mga dokumentong kakailanganin. At ang pinakamahalaga dito, magsimula na ito. Sa bawat araw na hindi nakakalaboso si Celso, nabibigyan siya ng pagkakataon na ipagpatuloy ang pagtago ng kanyang mga ari-arian para hindi na ito masama sa pagkakasakop sa mga ari-arian na mashe-sheriff na gagamiting pambayad dito sa mga biktimang ito.

Q: 'Yung pag-file ba ng kaso resulta na 'yan ng hearing sa Senado?

MAR: Opo. Nandito na po ang mga ebidensiya na nagtuklasan natin sa hearing sa Senado. 'Yung dalawang testigo na mga high-officials na iyan, sila mismo ang kumpirma na ang pera ng Legacy Consolidated ay labas-masok na akala mo ay personal ni Celso. Itong pera na ito ay pag-aari ng mga biktima. Sila ang nagbigay, sila ang nag-invest ng mga perang ito. Bakit naman ginamit ito na parang personal na pera ni Celso?

Q: Kelan ang susunod na hearing sa Senado?

MAR: Pagkatapos na po ng Holy Week.

Celso, pasimula pa lang ito. Marami pang mga kaso ang ifa-file sa iyo. Hindi ka namin titigilan. Niloko mo, tinarantado mo ang mga biktimang ito, mga inosente, walang kalaban-laban. Pero ngayon lalaban sila at hindi ka namin titigilan.

(AFTER FILING OF COMPLAINT)

MAR: Napakabagal ng proseso kaya minarapat ko na ako na ang mag-file ng kaso dito sa ngalan nila Nanay Beth, nila Nanay Au, Tony, Nanay Lolit at iba pa nang sa gayon ang kanilang paghihirap ay mabigyang respeto naman sa pamamagitan nitong pagdedemanda kay Celso. Si Celso na nagnakaw ng kanilang pera. Si Celso na ninakaw ang kanilang pangarap. Mga fully-paid na plans na ito, pang-pension, pang-kamatayan at pang-edukasyon. Ang kasiguruhan na sinikap nilang matamo ay naglaho, nawala na, naglaho na parang bula. Kinapital nila ang kanilang pawis. Etong si Nanay Beth empenada lang ang tinitinda nito. Iregular ang kanyang kita. Iyong iba dito, nagbubuhat ng maleta bilang OFW, ilang taon niyang ginawa iyon. Iyong iba tindera ng gulay sa palengke. Pangkaraniwan na mga tao ito na ginawa lamang kung ano ang tama. Tamang paniwala na kung masiguro nila ang kanilang kinabukasan ay maliligtas naman sila mula sa kahirapan. Pero lahat nitong kasiguruhan na ito ay ninakaw ni Celso. Hindi namin siya titigilan. Kung bakit dinidemanda namin siya dito, at kung bakit hindi kami titigil at dadalhin namin ito hanggang saan kinakailangan hanggang makalaboso si Celso.

Q: Ang dami ng kaso na isinampa sa kanya pero hanggang ngayon hindi pa rin siya inaaresto.

MAR: Kasama niyo ako sa pagtanong niyan.

Q: Ano ang grounds na ginamit niyo sa complaint?

MAR: Dito sa complaint na ito ay syndicated estafa, isang malawakang panloloko o pagkukuntsaba para nakawin ang pera ng mga biktima na ito. Sa ngalan nitong anim, sa ngalan ng libo-libong biktima ay ifinile na natin ang kasong ito. Hindi natin papayagan na makalimutan na lang ito matapos mawala na ang mga camera, mawala na ang mga media ay magkakalimutan na lang, tulad ng iba pang iskandalo at scam na nangyari noong nakaraan. Nandito tayo para pursigihin na i-file itong kaso na ito at dalhin ito hanggang saan man.

Q: Iyong mga ebidensiya at testimonies sa Senado ay ginamit ba dito?

MAR: Opo, lahat po iyon, napakaraming dokumento, mga sinumpaang salaysay, lahat po iyon at napakarami pang iba ay ginamit dito sa pag-file ng kasong ito. Those are all public documents.

By the way, sinasabi ko itong si Celso ay sinungaling talaga ito. Doon po sa Senado, sumumpa po siya, sinabi niya na handa siyang buksan ang kanyang mga bank accounts. Hanggang sa ngayon wala pa siyang binibigay na waiver sa bank secrecy niya. Ano ba ang itinatago niya? Kami nandito kami, finile namin agad ito dahil sa bawat araw na nakalaya si Celso ay nabibigyan siya ng pagkakataon na itago itong kanyang mga ari-arian para hindi na masaklaw at hindi na ma-sheriff para pambayad sa kanyang mga utang. Daan-daang milyon ang nawala mula sa ating mga kababayan at hindi natin papayagan ito.

Q: Sa mga respondents, sino si Maria Concepcion at si Niccolo? Bakit kasama sila?

MAR: That includes the wife and the son. Sa aming pag-aaral hindi nangyari ito kung hindi nila alam ito. At nakalista sila bilang mga shareholders and officers dito o di kaya naman ay nakinabang sila sa prutas nitong panloloko na ito.

Q: Kahit mag-state witness na sila? MAR: Nasa DoJ iyan. Kung sila po ay mag-enter ng plea to become a state witness, bibigyang konsiderasyon at daan iyan.

As you know, ang patakaran sa state witness ay iyong least guilty, iyong hindi pinaka-guilty, iyan ang bibigyan ng konsiderasyon para maging state witness.

Q: Sa palagay ninyo hindi sila pwede?

MAR: That is for the Department of Justice and the legal system to determine. Sa ngayon ang aming paghabla ay sa lahat ng may kinalaman dito, lahat ng kasabwat dito ay isinama namin sa kaso.

Q: How about Purita and Victorino?

MAR: They're the mother and brother

Q: Ano ang kasalanan ng mother and brother?

MAR: They're shareholders, kasama sila dito sa kumpanyang ito.

Q: Paano ginawa ni Celso ang sinasabi ninyong panloloko, iyong Ponzi scheme?

MAR: Simpleng-simple. 'Yung mga idineposito nitong ating mga planholders, iyong kanilang hard-earned savings, supposed to be una ilalagay ito sa trust fund, pangalawa papangalagaan ito para lumago ito nang sa ganun sa araw ng pangangailang, sa araw ng redemption ng mga plans na ito, may pambayad. Ngayon, dahil nakita natin ang labas-masok ng pera sa Legacy Consolidated Plans na parang personal bank account niya ito, wala na ngayong pera pambayad dun, pantustos dun sa mga ipinangakong redemption ng mga plano na ito. Itong mga plans na ito fully-paid na ito, wala na silang utang kay Celso, ginawa na nila lahat ang kanilang panig sa kontrata nila. Ngayon sa panahon naman na kailangan tugunan na ni Celso ang kanyang mga pangako, wala, nagsara, nabangkarote, at ngayon nakikita natin na ang pera ng mga biktima ni Celso ay nilapastangan, binastos ni Celso dahil hindi niya ito inalagaan.

Q: Other cases?

MAR: Yes, ito ay bukod sa ating ipa-file sa iba pang parte ng bansa, katulad sa Cebu, Davao, Tacloban, Dumaguete. Napakarami pa pong mga biktima ang magpa-file ng kaso laban kay Celso.

Q: Kung sabihin ni Celso na babayaran na lang niya ang mga planholders?

MAR: Eh di bayaran na lang niya. At nasa kanila na iyon kung iatras nila ang kaso. Ang dapat na hindi natin kalimutan dito ay ang ninakaw na katahimikan, na kasiguruhan. Akala ng mga biktima nakasiguro na sila sa kanilang pag-retiro, tahimik na ito, may pambili na sila ng mga gamot, pambili ng pagkain, pambayad sa renta. Pero lahat itong katahimikan na ito, itong kasiguruhan na ito ay nawala na lang. Mahalaga ang pera pero bukod pa sa pera, ang katahimikan ng pamumuhay ng mga biktima kasama ito sa ninakaw ni Celso.

Q: Naka-hold na ba ang assets niya?

MAR: Hindi pa. 'Yun nga ang dahilan kung bakit kinakalampag natin ang DOJ. Hanggang sa ngayon wala pang pina-file na kaso ang DOJ kay Celso. At hindi pa napapa-sheriff ang mga ari-arian ni Celso. Dun sa Punta Engano sa Cebu, napakalaki ng rest house niya doon, hanggang sa ngayon ay hindi pa din napapa-sheriff. 'Yung kanyang mga magagarang sasakyan na kanyang ginamit bilang prutas ng kanyang panloloko, hindi pa din napapa-sheriff. 'Yung kanyang yate, P60 milyon ang estimate ng yate na iyan, hanggang ngayon hindi pa nashe-sheriff.

Q: Sa palagay ninyo ano ang humahadlang bakit napakabagal nitong DOJ?

MAR: Maraming espekulasyon na mga backer ni Celso, na kung sino-sino ang nagbibigay ng proteksyon sa kanya. Hindi natin papayagan na kahit sino pa ang backer niya, kung sino pa ang nagbibigay proteksyon sa kanya, tuloy-tuloy natin dadalhin natin ito hanggang saan para magkaroon ng katarungan, ng hustisya ang mga biktima ni Celso.

Q: May nagbibigay ba ng proteksyon sa kanya?

MAR: Hindi natin masasabi. Makikita natin iyan sa mga hakbang at aksyon ng Department of Justice.

Q: Kahapon nag-file ng bagong kaso ang BSP pero kasama 'yung 2 ninyong witnesses. Kasama din ba sila dito?

MAR: Hindi po sila kasama dito. Sa aking palagay tumulong sila sa kanilang pagtestigo, matapang nilang hinarap ang katotohanan. Para sa akin ay nakatulong sila sa pagpa-file ng case laban sa mastermind na ito. Ang desisyon kung pa-file-an sila ng kaso ay nasa DoJ.

News Latest News Feed