Press Release
March 31, 2009

Inaresto hindi 'staff' ni Sen. Enrile

Nilinaw ng isang security officer ng tanggapan ni Senate President Juan Ponce Enrile na, taliwas sa mga naglabasang balita, hindi "staff" ng senador ang dalawang kalalakihan na inaresto noong Linggo ng gabi sa Malabon City dahil sa paglalaro umano ng tong-its.

Ngunit staff man o hindi ng Senado, sinabi ng naturang security officer na mahigpit ang bilin sa kanila ni Senate President Enrile na hindi kailanman niya kukunsintihin ang pagne-name drop ninuman.

Ang mga inaresto ay sina Alex Dacoco, 52, at Edilberto Vidal, ng Dizon St., Barangay Teneheros. Sila ay kinasuhan ng illegal gambling, resisting arrest at preventing or obstruction of a valid police operation.

Si Vidal ay hindi kailanman naempleyo sa anumang tanggapan ni Senate President Enrile habang si Dacoco ay naempleyo sa isa sa mga kumpanya ng pamilya ng senador, anang officer.

Umano'y nagwala sina Dacoco at Vidal ng arestuhin nina PO1s Emerson Padrasta at Marcelino Boni sa Dizon St. dahil sa paglalaro ng tong-its. Batay sa report ay hinanapan nina Dacoco at Vidal ng arrest warrant ang mga naturang pulis.

News Latest News Feed