Press Release
April 21, 2009

Transcript of interview (DZRH) with Joe Taruc with Sen. Manny Villar

Q: Mukhang hindi na kayo nakapagpigil kahapon, ano ho?

Villar: Matagal na kong nagtitimpi naman. Talagang gustong-gusto dumihan ang pangalan ko dito sa Ethics Committee. Ang complaint ko naman dito, ang naga-accuse sa akin ay ang chairman, ang mga miyembro ay pawang mga presidentiables at binago iyong rules para itong ethics case ko ay masakop. Dapat number 4 ako sa listahan, naging number 1. Talagang nakatuon ang pansin nila sa case na ito. Sabi ko sa kanila, hindi naman tama iyan sapagkat unang-una, marami din silang dapat ipaliwanag. Marami pa akong katanungan sa Ethics.

Q: Kung tutuusin, mas marami silang dapat ipaliwanag kaysa dapat na paliwanag ninyo?

Villar: Sa tingin ko, malayong-malayo itong pinag-uusapan natin sa dapat nilang ipaliwanag. Maraming mga murder case na dapat ipaliwanag ang isang miyembro diyan at marami pang iba. Noong una hindi na ako sumagot dahil ayoko ng away sa Senado bilang Pangulo, pero hindi nangangahulugan na hahayaan ko naman dumihan nila ang pangalan ko. Alam ninyo iyang C5 naman, sa aking tanging hangarin na iyong aking mga kababayan sa Cavite, Las Pinas at Paranaque ay magkaroon ng daan at makunekta kami sa C5. Itong C5 na ito ay pinalano ng mga Amerikano noong 1946 pa, bago pa ako ipanganak. Inaamin ko naman project ko iyon talaga. At saka itong proyektong ito ay napakalaki. Iyong sinasabi na double entry ay hindi naman nangyari at hindi mangyayari kamukha ng findings ng Committee on Finance. Sabi ko nga, natapos na ang hearing dito. Napakinggan na ito ng Committee on Finance, napatunayan na nila na wala akong kasalanan. Ngayon inilipat naman sa Ethics.

Q: Hindi kaya dala lang ng pag-arangkada ninyo sa lahat ng survey kaya ganito ang nangyayari?

Villar: Alam mo, iyan ang paniwala ng lahat ng aking mga kasamahan subalit ang pangalan ko naman ay matagal kong pinapangalagaan. Maski kailan hindi ako gumawa ng pera sa gobyerno. Sapat naman ang ating kinikita sa ating hanapbuhay. Hindi ko naman kailangang gawin iyan. Ayokong gawin iyan. Kaya ayoko rin naman na naakusahan din ako. Minsan nakikita ko rin kasi na maaaring may mga naniniwala sa iba nating kababayan na ako nga ay may ginawang kalokohan sa C5. Medyo hindi na rin ako nakatiis at niliwanag ko na para naman ang pangalan ko ay maprotektahan.

Q: In the meantime, iyong iba kasi baka akala nila kaya kayo nakakatulong sa OFWs ay dahil sa pakinabang dito sa naturang proyekto. Linawin lang po natin na iyong pera na inyong ginagamit sa pagtulong sa mga OFWs ay sarili ninyong pondo ito, Mr. Senator?

Villar: Alam mo, lahat ng aking ginagastos sa pagtulong sa aking kapwa, iyong OFW, iyong mga livelihood programs ko, scholarships ko, puro ho iyan sa pera ko. At dahilan sa aking hangarin at dahil kahit paano ako ay sinwerte sa larangan ng negosyo ay maibahagi naman natin sa ating lipunan dahilan sa noong ako ay bata, kitang-kita ko ang pangangailangan ng mga taong walang-wala sa tulong.

Q: At tulad ng sinabi ninyo, anuman ang inyong yaman ngayon ay kaya ninyong ipaliwanag na gusto ninyong gawin din naman ng inyong mga kasamahan sa Senado?

Villar: Totoo iyon at uulit-ulitin ko iyan. Ang lahat ng yaman ko ay kaya kong ipaliwanag. Ako ay nag-initial public offering, marami akong na-raise na pera doon sa mga dayuhan na bumili ng aking stocks. Kaya kong ipaliwanag iyan hanggang sa kahuli-hulihang sentimo. Ang sinasabi ko lang naman ay sila ba kaya nilang ipaliwanag kung bakit ang mga bahay nila ay nasa iba't ibang napakagandang lugar, wala naman silang negosyo?

Q: At kung talagang tutuusin, baka hindi sapat ang kanilang dapat na kitain kaysa doon sa kanilang mga accumulated wealth ngayon?

Villar: Iyon ang dapat nilang ipaliwanag. Naniniwala ako na marami ang dapat magpaliwanag kapag naglabasan ng ganyan. Ang sinasabi ko, hindi ako nagyayabang. Kaya lamang ayoko lang na masyado nang nadudumihan ang pangalan ko.

Q: In other words, handa kayo na harapin itong naturang complaint o anumang uri ng reklamo sa Ethics Committee kung ang hahawak ng naturang committee ay hindi magiging biased?

Villar: Hindi na sa Ethics Committee, sa buong floor ko na gagawin iyan. Sa Senate floor ako inakusahan doon ko din sasagutin iyan na lahat ng miyembro nakaharap.

News Latest News Feed