Press Release
May 11, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' 10-minute interview with Tina Monson-Palma during the ANC Leadership Forum in ADMU.

Q: Do you have a great understanding of what is happening in the world today, and also in the Philippines? And do you think the problems of the Philippines is internal factor-driven or external factor-driven?

MAR: Our problems are internal in nature. Generation after generation we have applied ourselves, we have poured money, we have exerted and sacrificed to try and build a nation that would be much better off than that which the previous generation left us. But our nation today is on a platform or is in a foundation of sand. Hindi tayo nakapatong sa matibay na bato ng moralidad at katarungan. Kaya kahit anong pera na gastusin natin sa budget, itong taong ito P1.4 trillion, kahit anong pagsisikap ng ating mga kababayan hindi pa rin tayo makabuo, wala pa rin tayong nakikita o napapala o di kaya naman ay hindi tayo umuusad.

Q: Ang problema ay internal, nanggaling sa ating sarili o sa leadership ng ating bansa? Walang kinalaman ang mga problema ng mundo, ang nangyayari sa financial community ng mundo?

MAR: Ang nangyayari sa abroad, nama-magnify ng ating mga problema. Pero yung mga problema natin ngayon, yung gutom, yung kawalan ng pag-asa, yung kawalan ng trabaho, internal po dito sa atin. At higit sa lahat, yung problema ng korupsyon, atin na atin lang iyan.

Q: Ikaw ay haharap sa isang napakahalagang halalan sa darating na taon, ikaw ba ang opisyal na kandidato ng Liberal Party?

MAR: May proseso kami sa Liberal Party, isang maka-demokrasyang proseso ito at inaasahan kong lalahok ako sa proseso na yun.

Q: Pero ikaw ay masugid na nagkakaroon ng maraming television ads na nagsasabi na ikaw ay magiging bahagi ng darating na eleksyon. Paano pa ang mga ibang umaasa sa Liberal Party na maging nominated as President as well? Wala na silang pag-asa?

MAR: Bukas ang proseso sa kanila. Ako ay naniniwala na mahalaga na iharap ko sa taumbayan kung ano ang mga paninindigan ko, kung ano ang pananaw ko, kung ano ang pangarap ko para sa ating lahat. At sa aking palagay yung pakikipag-usap ng rekta sa ating mga kababayan ay mahalagang-mahalaga.

Q: I am sure a lot of the people watching us right now would like me to ask you, ikaw ba ay ikakasal kay Korina Sanchez bago ka tumakbo sa 2010?

MAR: Tinanggap... natutuwa ako, laking tuwa ko na tinanggap ni Korina yung aking proposal para sa kasal. May pinag-uusapan kaming petsa. Pero palagay ko siya ang pinakamabuting magsabi nun. Dahil kahit na wala akong karanasan sa pagpapakasal, alam kong sa mga bagay na ito ang mga babae naman talaga ang nagde-desisyon.

Q: So ikaw ay nag-propose na ng kasal kay Korina, meron na kayong petsang tinitingnan, ito ay mangyayari bago ka umarangkada sa iyong kampanya?

MAR: Malalaman mo na lang 'yun, Tina.

Q: Isa pang maraming nagtatanong at gusto nilang malaman, hindi ba ang pananaw ng nakakarami diyan na kritiko mo ay ginagamit mo si Korina sa iyong pagiging kandidato? I am sure napapag-isipan niyo o napapag-usapan niyo--nasasaktan ka ba, o ano ang nararamdaman mo sa mga ganung usapan?

MAR: Tina, mahal ko si Korina. Matagal kaming nagsama, limang taon, nagkakaintindihan kami, may pangarap kami para sa isa't-isa, at matibay ang aming samahan. Tulad ng sabi mo, mga kritiko ko ang nagsasabi nun. So, inggit lang sila.

Q: Ikaw ay nasa Senado ng ilang termino na, dalawang termino na ito...

MAR: No, one term. 2004 ako nahalal. At nagpapasalamat ako sa mahigit sa 19 million na bumoto sa akin.

Q: So dun sa mga taon na ikaw ay Senador, ano ang naging paninindigan mo sa samahan ninyo as a bloc in the Senate, as senators as a whole, sa mga nakikita mong mayroon kang ibang kasamahan sa Senado na nasasangkot sa mga kontrobersiya? Ikaw ba ay magsisimula ng mga imbestigasyon sa kasama mong senador kagaya ng nangyayari kay Sen. Villar? Meron kinasasangkutang problema ngayon si Sen. Ping Lacson na siya ay idinadawit sa Dacer-Corbito case... Ikaw ba ay magsisimula ng isang imbestigasyon sa Senado?

MAR: Para sa akin, ang nakataya dito ay ang kredibilidad ng Senado at lahat ng mga miyembro nito. Kaya para sa akin dapat magkaroon ng malayang imbestigasyon dito sa mga isyu na ito para malaman natin ang katotohanan. Sa ngayon, nagsampa si Senador Madrigal, hindi ito kutso-kutso, hindi ito anonymous, siya mismo ang nagsampa ng isang kaso laban kay Sen. Villar. Para sa akin, dapat bigyan daan ito para malaman natin ang nilalaman nung kasong na-file at ano naman ang depensa para magkaroon ng katarungan.

Q: Pero iyong renewed interest, let's say, sa katayuan ni Sen. Ping and his involvement supposedly in the Dacer-Corbito case, his involvement having been the previous PNP chief and head of the PAOCTF... Ano ang pananaw niyo sa Senado, hindi ito maaaring pag-usapan, hindi ito maaaring iharap sa anumang komite?

MAR: Wala pong kaso laban kay Senador Lacson na nakasampa ngayon sa Senado. Si Secretary Gonzalez, nagsasabi na magsasampa siya ng kaso. Pero para sa akin naman e parang strip-tease ito. Sampahan niya ng kaso o tumahimik siya. Pero hindi ito na parang unti-unti na may nilalabas siya, yun pala ay wala naman pala.

Q: Ang mundo ngayon ay may kinakaharap na problemang pinansiyal. Anong nakikita mo, ang mga mundo ba ngayon as their response to the global financial crisis, sila ba ay nagiging protectionist or sila ba ay pino-proteksyunan lamang ang mga interest nila? Ano ang nangyayari sa kanila?

MAR: Matagal na 'yun na ang bawat bansa ay pino-proteksyunan ang kanilang interest. Yan ang dahilan kung bakit nung ako ay nasa DTI, hindi ako sumang-ayon na matuloy itong Doha Globalization Round. Bumoto ako na itigil ito dahil pinagsasamantalahan tayo. At iyan naman ang aking track record. Sa bawat pagkakataon na maaaring manindigan, dun ako palagi kampi sa api.

As a matter of fact, just this afternoon, kasama ko si Nanay Beth, si Nanay Au, si Tony at iba pang biktima ng Legacy, nandun kami sa DOJ dahil sinampahan nga namin ng kaso itong si Celso delos Angeles. Kawawang-kawawa. P870 bawat buwan ang kanilang inilaan sa kanilang mga plano. Ngayon yung kanilang kinapital na pawis, na luha, na sakripisyo nawala na lang na parang bula. So kawawang-kawawa sila.

Q: Itong nangyayari sa Legacy at iba pang kumpanya ng pre-need na nagkakaproblema ngayon, ito ba ay isang pagkukulang ng mga regulator o pagkukulang din ng mga kagaya mong senador na bantayan at i-monitor ang mga patakaran o ang kalakaran ng mga regulatory body?

MAR: Failure of the SEC po ito. Dahil napakamakapangyarihan po ng SEC. Nasa kanila lahat ng mga poder para subaybayan ang industriya na ito. Saan ka nakakita na sa bawat isang daang piso na ibininabayad ng bawat planholder sa unang taon, P5 lang ang napupunta sa kanilang trust fund. Sa pangalawang taon, P10 lamang ang napupunta sa kanilang trust fund. At pinapabayaan pa ng SEC na kung anong laman ng trust fund, maaaring I-invest ng mga may-ari ng pre-need sa kung saan-saan. So hindi talaga nabantayan yung interest ng planholder dito.

Q: Nagkaroon na kayo ng iba't-ibang hearing diyan sa Senado, ano na ang gagawin niyong bagong legislation para mapabuti pa ang ating mga regulatory bodies?

MAR: Tapos na kami dun. Last year pa, nakapasa na kami ng Pre-Need Regulation Code, pasado na sa amin sa Senado. Ito na nga nangyayari dito dahil hindi ito inaksyunan ng gobyerno.

Q: 'Yung nakikita nating commercial mo, 'yung tricycle ...

MAR: Hindi tricycle iyon, may motor ang tricycle, ito ay traysikad, padyak.

Q: Ito ay isang ginamit mong simbolo na gusto mong ipakita na ikaw ay bahagi nitong mga nagpapadyak? Ano ang simbolo nung padyak?

MAR: Itong traysikad na ito, itong padyak na ito, simbolo ito ng kinalalagyan natin ngayon.

News Latest News Feed