Press Release
June 9, 2009

TRANSCRIPT OF INTERVIEW WITH RMN-DZXL'S ERWIN TULFO

* On GMA's disapproval rating

Q: Itong disapproval rating ni PGMA ay -46% na according to Pulse Asia. Connected to con-ass?

MAR: Palagay ko itong -46% na ito ang siyang tunay na dahilan kung bakit isinusulong nila itong con-ass na ito. Bilang proteksyon sa galit ng taumbayan. Pero ito din ang dahilan kung bakit hindi sila magtatagumpay. Habang pinag-uusapan pa lang iyan, at kung sakaling umabot ito sa plebisito, simple lang naman ang kampanya eh: Kung gusto niyo si GMA, sang-ayunan ninyo itong con-ass na ito. Kung ayaw niyo na kay GMA, eh di tanggihan ninyo, vote NO dito sa con-ass na ito. Simpleng-simple lang. Dito sa pasya ng ating mga kababayan, na talagang ayaw na nila, na wala na silang tiwala kay GMA, siguradong talo itong con-ass na ito.

Q: Based on experience, 'pag nagpatawag ng plebisito dito ang gobyerno natin, kaya nilang I-maneuver, nasa kanila ang Comelec at ang makinarya, kaya nilang I-hocus pokus ang resulta ...

MAR: Huwag naman sana. Pero tama ka diyan, sa ating karanasan, ang ating mga plebisito ang nananalo ang sa gobyerno. Pero ang ating mga kababayan, makikita naman po nila na kung mali ang kanilang pinili, ang kanilang pag-pasya, ang kanilang pag-husga dito sa isyu na ito, aba anim na taon, hindi nga natin alam kung anim nga iyon o baka habang panahon na ang magha-hari-hari dito sa ating bansa. So, palagay ko alam ng ating mga kababayan iyan at hahakbang sila, aaksyon sila sa tamang panahon.

Q: Meron bang posibilidad na kung malusot itong con-ass na ito, hindi talaga kasama ang Senado? Mukhang may balak talaga silang itulak ito ... paano ito?

MAR: Iyan talaga ang nilalaman nung kanilang resolusyon, na maaaring magpatawag ng constituent assembly kahit walang partisipasyon ang Senado. At iyan ang dahilan kung bakit aakyat ito sa Korte Suprema. Kung hindi man sa ngayon, dahil lahat ng abogado, lahat ng eksperto nagsasabi wala pang justiciable issue, hindi pa ripe ang judicial action, pagdating ng tamang panahon talagang aakyat sa Korte Suprema iyan.

Kami nga sa Senado, bago kami nagtapos, nag-file ako ng motion at tinanggap naman ito na maghanda na iyong Senate legal office, makipag-konsulta na sa mga constitutional experts, mag-retain na ng counsel o lawyers na siyang haharap sa Korte Suprema. In other words, ihanda na ang posisyon ng Senado para sa araw na tinanggap ito bilang isyu ng Korte Suprema, handa na kami sa Senado na depensahan ang ating demokrasya.

Q: Negative 46% ang disapproval rating, maraming bagay ... sinasabi ng Pulse Asia, may mga problema at pangako na hindi natupad. Ano kaya itong mga problema that really brought her down? Ano ba ang mga isyu na ito na kailangang resolbahin at maaar pang aysun pagdating ng 2010?

MAR: Unang-una, pakainin natin ang sarili natin. Gutom tayo. Ang mga kababayan natin, minsan lang sa isang araw nakakakain. Minsan pa, nagpapalipas na lang, 'yung talagang mga walang hanap-buhay, mga walang choice. Taon-taon ay nag-I-import tayo ng bigas. Bakit ganun? Bakit tayo nagbabayad ng pera natin sa mga magsasaka sa Thailand, sa Vietnam imbes na ibayad natin iyan sa mga magsasakang Pilipino nang sa gayon ay magka-pera sila? Ang pera natin iikot dito sa loob ng bansa natin. Isang halimbawa iyan.

Dito lamang sa gamot. June 6, one year anniversary� last June 6 one year anniversary ng pagsasabatas nitong panukalang ito. Ngayon one year na wala pa ring nagagawa ang gobyerno natin. Wala pa talagang implementasyon. Kaya pinukpok natin, kinalampag natin ang DOH. Sa awa ng Diyos, sa wakas, kahapon sinabi ni Secretary Duque, 'Okay, sige, magpapadala na kami ng listahan ng 22 gamot na lalagyan natin ng maximum price, bababaan ng presyo.' Okay, at least. Why did it take one year mula sa pagsasabatas nitong panukalang ito?

Q: May lobby funds ang malalaking kumpaya?

MAR: Kaya dapat hindi magtaka ang Malakanyang kung bakit napakababa ng tiwala ng mga kababayan natin sa gobyerno. Ito ay mga halimbawa ng nakikita ng mga kababayan natin. Pinapakinggan ng Malakanyang, pinapakinggan ni GMA, 'yung interest ng lobby, 'yung interest ng kung sino pa, pero hindi ang interest ng pangkaraniwang tao.

Q: Ano ang dapat unahin ng susunod na pangulo para umusad ang ating bansa?

MAR: Unang-una, pinakamahalaga, pakainin natin ang sarili natin. Pasiglahin natin ang agrikultura dito sa loob ng bansa natin. Kalahati ng ating mga kababayan ay umaasa sa agriculture o sa aqua-culture. Kung kalahati ng mga kababayan natin kung maging masigla iyan, magkakaroon sila ng magandang hanapbuhay.

Pangalawa, bigyan natin ng magandang edukasyon ang mga anak natin, edukasyon at kalusugan. Hindi tulad ng mga P20 na noodles na binili DepEd, na mabuti na lang ay kinansela nila ang kontratang ito. Nagpapasalamat tayo sa DepEd at kinansela nila itong maanomalyang kontrata na ito. Bigyan natin ng magandang kinabukasan ang ating mga kabataan, bigyan natin ng tama at sapat na edukasyon para makapag-hanapbuhay sila. Dapat, ibig sabihin, 'yung diploma na iyan, ang katumbas ay trabaho. Hindi iyong nagbayad ka ng ilang taon para magkaroon ng diploma, nag-aral ka ng 4 na taon para magka-diploma, tapos ang ending mo unemployed ka rin, wala ka ring trabaho.

Pangatlo, 'yung sistema ng katarungan sa bansa natin. Nakita natin ito sa Legacy, sa mga scam�ibig sabihin 'yung pera ng ating mga kababayan, 'yung mga nagrereklamo, yung mga naghahanap ng hustisya, hindi talaga makakahanap ng hustisya. Magrereklamo ka nga, eh ang mahal-mahal ng mga fees. Pangalawa, ang tagal-tagal ng paglilitis. Eh iyang kabagalan ng paglilitis, depensa iyan ng mga may pera, ng mayayaman na pwedeng maghintay, kaya kasi nilang bayaran ang mga abogado nila, kaya nila iyong pabalik-balik iyong postpone ng postpone. Samantala kung mahirap ka, bawat postponement isang araw na nawalan ka ng kita nun eh. So hindi mo kakayanin talaga itong mga taktika na ito. So, iyong sistema ng katarungan sa bansa natin, kailangan ayusin natin iyan.

At pang-apat, iyong kasiglahaan ng ating ekonomiya. Mahalagang-mahalaga po iyan.

Hindi naman kinakailangan na one at a time lamang iyan. Pwede naman isulong ang mga programang iyan ng sabay-sabay, konektado naman po sila. Ang punto dito, mangyayari lamang ito, magtatagumpay lamang ito kung nakapatong tayo sa matibay na bato ng malinis at tapat na pag-go-gobyerno.

Q: 'Yung sinasabi mong 4 points, do you think six years is sufficient enough to change all that?

MAR: Malaki ang aking pag-asa na kakayanin natin ito. Halimbawa, sabihin lang natin, sa katarungan, continuous trial, walang postpone-postpone. Sa Amerika di ba continuous trial? 'Yung mga masalimuot na kaso, 'yung mga murder, nakikita natin sa loob ng isa o dalawang buwan, tapos kaagad, araw-araw may bista, may paglilitis, kaya agad natatapos. Bakit hindi natin kakayanin iyan dito sa atin? Sasabihin lang natin continuous trial. 'Yung mahihirap hindi pabalik-balik, magbabayad ng pamasahe, mawawalan ng kita sa araw, pagdating sa sala ng judge , postpone pala. Nagiging taktika na ito para hindi magkaroon ng katarungan.

Dito naman sa edukasyon, para sa akin imbes na magtapon tayo ng pera para sa kung ano-anong mga project, isipin na lang natin: Ano ba ang problema ng Grade 1? Tapusin natin lahat iyan, at least may napala tayo, naiayos natin ang problema ng Grade 1. May pera pa? Ano ba ang problema ng Grade 2? Tapusin natin. Hindi tulad ngayon na kung saan-saan�'yung isang lugar, may classroom, wala naman teacher. 'Yung isa may teacher, wala naman classroom. Tapos 'yung libro napunta din sa ibang lugar. Politika lang kasi ngayon eh. Kung sino lang ang nangangailangan ng atensyon, kung sino ang kailangang pagbigyan, sige padala ng pera dito, padala ng pera dun, pero hindi nabubuo.

Q: Kailangan ang lider o ang susunod na pangulo, may political will?

MAR: Tama ka diyan. Hindi pwede iyong business as usual. Hindi pwede iyong kalakaran ngayon itutuloy lamang: pagbibigyan lahat, politika, 'You scratch my back, I scratch yours'. Hindi pwede iyon. Para sa akin, ang pinakamahalagang katangian ng isang lider iyong may kakayahang tumanggi. Kasi kulang ang pera natin, lahat hihingi ng pabor, hihingi ng concession, hihingi ng tulong mula sa gobyerno. Kailangan tanggihan lahat iyan at isusulong lamang iyong pang-malawakang interest, iyong national interest. Hindi pwede iyong pagbibigyan mo ito, pagbibigyan mo iyan, eh di nawala ka na. Halimbawa. Ngayon nasa June na tayo. Ang budget sa taong ito P1.4 trillion. Kalahati na tayo ng taon. Masasabi mo ba na naramdaman mo ang kalahating taon, kalahating budget, P700 billion? Masasabi mo bang naramdaman mo na iyang P700 billion? Kahit sinong kababayan natin hindi din makapagsasabing naramdaman nila ito. Maaari kung nasa gobyerno ka, magara ang sasakyan mo, nasa aircon ka, may mga alipores ka na taga-bitbit ng celfone mo, kung may wang-wang ka, masasabi mo naramdaman mo. Pero kung ordinaryo kang Pilipino, kalahating taon na ito, kalahating budget nagastos na, wala eh, hindi natin naramdaman iyon eh.

Ang punto ko, political will talaga. Ano ba ang priority natin? Sorry na lang sa lahat. Ito ang priority nating lahat ito, dito natin ilalagay ang ating pondo, ang ating atensyon, ang buong gobyerno.

Closing Statement:

Huwag po tayong mawawalan ng pag-asa. Magkalakas loob po tayo. Sama-sama po tayo. Hinding-hindi ko po kayo pababayaan. Lalaban tayo.

News Latest News Feed