Press Release
August 10, 2009

Transcript of Ambush Interview of Sen. Mar Roxas
after the Kapihan sa Manila Hotel forum

On late President Cory Aquino and Sen. Noynoy as VP running-mate

Q: ????

MAR: Pagmamahal sa bansa, pagmamahal sa kapwa at pagmamahal sa Diyos. Matapos masabi ang mga nasabi na, ang natitira na lang ay ang ating pagsasabuhay ng nakita nating magandang halimbawa.

Q: As far as good intentions go, can you go as far as slide down to VP if Noynoy decides to run?

MAR: Sa totoo lang...hindi talaga napag-uusapan iyan. At hindi napag-iisipan.

Q: ????

MAR: Kami sa Liberal Party, maraming-maraming mga talent diyan na maaaring I-presinta sa taong bayan. In fact, kami lang ang partido na merong 3 na Ramon Magsaysay awardee in excellence for public service. Nagsimula sa halimbawa ni Ka Jovy Salonga, sinundan ni Mayor Jess Lobredo ng Naga at ngayon, ni Governor Grace Padaca ng Isabela. At nandiyan si Sen. Noynoy, nandiyan si Pong Biazon, nandiyan si Sen. Kiko...so kitang-kita ang tatak Partido Liberal...malinis, tapat, masinop at mapag-serbisyo sa taumbayan. At natutuwa naman kami at na-a-appreciate ito ng sambayanan.

Q: But even before, may clamor na ba for Noynoy to run as your running mate?

MAR: Marami naman ang humahanga kay Sen. Noynoy.

Q: But within LP?

MAR: Sen. Noynoy, Sen. Kiko, who have always been members of the Liberal Party, have always been on the top of the list ng pag-uusapan. Ako man mismo ay lalahok sa isang proseso ng partido kung saan pipili ang partido kung sino ang magiging tandem na ipi-prisinta sa taumbayan.

Q: Itong pag-pu-push kay Sen. Noynoy, hindi lang ito ngayon, dati pa?

MAR: Dati naman napag-uusapan iyan. Si Sen. Noynoy, tumakbo na iyan ng national, hindi ba? Si Sen. Kiko, tumakbo na din ng national. Ako din, tumakbo na din ng national. So, ibig sabihin na merong suporta ang broad cross-section ng aming partido.

Q: Bukas ba kayo na maging si Noynoy ang inyong running-mate?

MAR: Pagdating ng tamang panahon, malalaman natin iyan.

Q: Iyong bill proposing to rename EDSA?

MAR: Ito lang ano...gusto nating parangalan si President Cory Aquino. Hinahanap natin 'yung angkop at wastong pamamaraan para gawin ito. Ang isang idea para gawin ito na naisip ko ay to rename EDSA pero meron ng kahulugan ang EDSA sa kasaysayan natin. Iyong mga libro na ginagamit natin, ng ating mga mag-aaral, mga estudyante natin, meron ng ibig sabihin itong EDSA. So kung babaguhin natin ang EDSA, baka mabubura o makalimutan ang ibig sabihin kung sino itong tao kung kanino ipinangalan itong EDSA. Atsaka meron naman may ibang idea na iyong NLEX o iyong Tarlac ang siyang ipangalan para kay President Cory. Hinahanapan natin ng tama at wastong paraan para maparangalan natin si President Cory.

Naalala ko iyong reaksyon ng pamilya Aquino nung ipinangalan natin 'yung airport kay Ninoy Aquino . Ang pamilya naman nila hindi naman matakaw sa mga honors eh. Sinabi lang nila, kung ano ang nararapat, kung ano ang gusto ng taumbayan, susunod na lang po sila. Tayo naman ang gusto natin gusto natin bigyan ng permanente at magandang parangal para kay President Cory.

Q: 'Yung sinasabi ni Manong Neal, Tarlac gagawing Aquino province, okay ba sa inyo yun?

MAR: Parang napakalimitado naman. Kasi President Cory was for the whole nation. So kung isang lalawigan lang, baka naman masyadong limitado. Pero magtatanong tayo, magkukunsulta tayo. Ang mahalaga dito alam ng pamilya Aquino, alam ng mga anak ni Tita Cory, na si Tita Cory ay nasa puso nating lahat. At mahalaga na isabuhay natin ang kadakilaan na ipinakita ni Tita Cory. Ang kadakilaan na ito ay nasa loob ng bawat Pilipino. Napatunayan niya sa bawat pagpapakita ng kanyang tapang na itong kadakilaang ito ay nasa atin, ang kinakailangan lang ay hawakan natin ang ating pag-asa, hawakan natin ang ating kinabukasan.

Q: 'Yung bill on renaming?

MAR: Hindi muna kasi nga there are many suggestions nga, tulad nung sa NLEX, hanggang Tarlac iyan ang ipapangalan. And on second thought, yung EDSA meron ng kahulugan iyan eh, sa history natin. So kung papalitan yung EDSA, hindi naman maganda iyon. Nakabaon na, kasama na, integral na sa EDSA ang Cory Aquino. Baka hindi na kinakailangan ito.

Q: Okay lang ba ang relationship niyo ni Kiko? No indications of him leaving the party?

MAR: Wala. In fact, if you were in the Senate last week, I stood up to clarify an issue, and he said, 'Certainly to the president of my party.' Baka kayo lang ang nakakaisip nung may issue.

On PGMA US dinner

Q: Reaction to the $20,000 US dinner?

MAR: What is there to react to? The event speaks for itself. Kitang-kita 'yung larawan na hindi na talaga nakayapak sa reyalidad 'yung mga matataas na pinuno ng ating bansa. There's nothing to investigate. It's more one of judgment. Hindi naman government money ang ginamit...ang punto lang dito ay judgment.

On Cheaper Medicines law

Q: May threat ang mga private hospitals na mag-I-impose sila ng hospital holiday dahil dun sa Cheaper Meds law?

MAR: Lahat naman ng malawakang pagbabago ay nakakaranas ng konting lubak o konting gusot. Ang pinakamahalaga dito ay sinimulan na natin ang pag-implement nitong Cheaper Medicines law. Kung meron mang naipit na imbentaryo diyan na nabili ng mas mahal, I am sure meron mekanismo na mababawi nila iyan. Kung meron mang mga drugstores na hindi pa nila nabenta iyong luma nilang imbentaryo, may mekanismo naman na maisosoli ito sa wholesaler o sa distributor para may bagong pricing. Lahat naman ito ay accounting entry lang yan. Ang pinakamahalaga dito ay nagsimula na ang pagbaba ng presyo ng gamot dito sa bansa natin at ito ang unang hakbang pa lang, ito 'yung unang salvo pa lang. Dahil walang limitasyon ang batas. Lahat ng gamot sa Philippine Formulary, mahigit sa 40,000 po iyan, ay ire-review at ilalagay natin sa tama ang presyo ng mga gamot na ito.

Q: Okay lang ang hospital holiday?

MAR: Palagay ko hindi naman aabot sa hospital holiday iyan dahil accounting issue lang iyan, debit-credit lang iyan eh. Palagay ko naman responsible itong mga owners and managers nitong mga hospital at hindi nila tatalikuran ang kanilang pangunahing tunkulin na magbigay ng serbisyo, ng tulong sa lahat ng dumudulog sa kanila.

Q: ????

MAR: That can be an option. Or the DOH can say, 'Sumama kayo sa DSAP', which is one more month later, mabibigyan sila ng dagdag na panahon para mabenta 'yung kanilang lumang inventory. Huwag nating tingnan ito bilang obstacle, dahil gusot-gusot lang ito eh, lubak-lubak lang ito eh. Malawakang pagbabago ito sa ating sistema ng pagsisingil ng gamot sa ating bansa. So obviously, magkakaroon talaga ng konting lubak. Pero ganunpaman, tuloy-tuloy ang ating biyahe tungo sa abot-kayang presyo para sa mga gamot.

News Latest News Feed