Press Release
January 11, 2010

Transcript of interview in DZXL with Ely Saludar with Sen. Manny Villar

Q: Bumwelta po sa inyo itong si Sen. Noynoy, kung saan kine-kwestyon ang hindi nyo raw pangunguna para labanan ang sunod-sunod na eskandalo sa Arroyo administration?

Villar: Alam mo, nagsisinungaling naman siya diyan. Alam naman niya na ang tatlong malalaking imbestigasyon laban sa Pangulong Arroyo ay ginawa ng mga miyembro ko sa Nacionalista Party. Ako mismo ang nanguna sa imbestigasyon sa jueteng na kung natatandaan mo ay isang napakalaking eskandalo. Ang nag-imbestiga ng Garci, si Cong. Remulla, miyembro ng NP. Ang nag-imbestiga ng ZTE ay ang aking miyembro din na si Sen. Alan Cayetano. Tatlong pinakamalalaking imbestigasyon na laban sa Pangulo ay pawang Nacionalista Party ang gumawa. Kaya ako ay natatawa dito sa alegasyon ng ating kaibigan na si Noynoy na hindi yata nalalaman ang nangyayari sapagkat ang Liberal Party ay wala pa namang malakihang nagagawa gaya nito. At kung natatandaan mo, noong ako ang pangulo ng Senado, ay halos lahat ng malalaking isyu ay inimbestigahan namin. Ngayon nga medyo wala na kong naririnig sa Senado mula noong ako ay hindi na pangulo. Pero noong ako ay pangulo, maipagmamalaki natin na independent o Malaya ang Senado ng Pilipinas. Kaya medyo nakakalungkot na ang ating kaibigan ay medyo nakakalimot yata dahil lahat ng imbestigasyon laban sa pangulo ay sa aking nanggaling.

Q: Sa pinakahuling survey, lumiliit na lamang ho ang kalamangan ni Sen. Aquino sa inyo. Siya po ay bumababa at kayo po ay patuloy na umaangat.

Villar: Ako ay nagpapasalamat at lalong magsisilbing inspirasyon sa akin ito para lalo pang ganahan. Ako naman ay nagtataka sapagkat parang nagagalit siya samantalang ako naman ay matagal nang malayo at No.2, hindi naman ako nagagalit sa lahat ng resulta ng survey. Pero okay lamang iyan. Hindi naman dapat na iyan lang ang titingnan natin. Ang totoo niyan, lahat naman ng survey ay nagpapakita na paliit na nang paliit ang kalamangan. Ngayon nga itong pinaka-latest ay 11 na. Nagpapatunay lamang na ang ating mga kababayan ay nakikita na ang tunay na katauhan ng mga kandidato sa aming mga ginagawa. Isa pa, ang trabaho ay hindi lamang matitingnan sa imbestigasyon laban sa Pangulo. Iyan ay isang aspeto lamang ng ating trabaho. Pangalawa po ang pagtulong natin sa mahihirap, iyan ay hindi natin pwedeng kalimutan. Masasabi ko naman, nasaan siya at ano ang nagawa niyang tulong sa mga mahihirap. Kaya ako ay nagtataka at nagsalita siya ng ganito. Subalit mabuti na rin iyan. Ako noong araw ay hindi nagsasalita dahil baka sabihin pinapababa ko ang larangan ng pulitika o kampanya, subalit kapag ganito ay mapipilitan na rin akong magsalita ng aking mga gustong sabihin. Wine-welcome ko naman ang mga ganitong pananalita nang sa ganoon ay maliwanagan ang ating mga kababayan na iyan ang katotohanan.

Q: May mga report din na pati ang balwarte ho, ang Tarlac ay napasok n'yo na rin base po sa mga survey?

Villar: Oo nga. Ako ay nagulat na maganda ang resultang ito. Nagpapasalamat ako sa mga taga-Tarlac na maganda ang lumalabas sa survey. Iyan naman ay isang bagay na lalo pa nating pag-iibayuhin. Talaga sigurong nangangailangan na at humihingi ng pagbabago ang ating mga kababayan dahil napakatagal nang naghihirap. Kaya makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy ko pa ring gagawin iyan. Ano man po ang mga isyu na ito ay sasagutin ko. Maganda naman at nagsalita na at magsisimula na tayong magkampanya talaga.

Q: Itong charter change, Malabo na itong makalusot sa Senado?

Villar: Sa Senado malabo iyan. Hindi naming papayagan iyan.

Q: Itong pinapaiiral na total gun ban, marami na po ang nahuhuli. Kayo ho ba ay positibo na makakaiwas tayo sa karahasan sa pulitika?

Villar: Ang kailangan lang ay implementahin nang maayos iyan. Welcome sa atin ang gun ban pero kailangan maganda ang implementasyon niyan dahil ang mga masasamang tao ay hindi nagbabalak na mag-surrender ng kanilang baril. Ngayong may gun ban, dapat pagbutihin ng ating PNP ang kanilang trabaho sapagkat bibigat iyan dahil sa ang magiging armado na lamang ay ang mga ayaw mag-surrender at ang mga may gustong lumabag sa batas.

Q: Baka meron po kayong dagdag na pahayag sa ating mga kababayan na nakikinig po ngayon?

Villar: Nagpapasalamat ako sa patuloy na pagtaas po ng pagtanggap sa atin. Makakaasa po sila na talagang pagbubutihan pa natin at magpapakilala pa tayo para malaman naman nila kung ano ang ating mga gagawin at nagawa na sa mga nakaraang panahon.

News Latest News Feed