Press Release
January 25, 2010

Transcript of radio interview of Senate President Juan Ponce Enrile

Q: Senator, ilang araw na lang bago mag-adjourn ang Senado, ano po ang maasahan ng taong-bayan sa nalalabing araw ng sesyon?

SP: Tatapusin namin lahat ng dapat naming tapusin kahit na mayroong mga grupo na trying to obstruct 'yung trabaho namin, di namin iintindihin 'yon. Gagawin namin sa majority 'yung dapat naming tapusin para sa bayan.

Q: Senator, maipapasa po ba ang mahahalagang batas tulad ng Expanded Senior Citizens Act kung saan hindi po papatawan ng VAT ang mga senior citizen?

SP: Tinapos na namin 'yon recently --- a few days ago. Kaya nga tinatapos namin 'yang mga ganyang batas, 'yung removing the VAT sa senior citizens ay tapos na 'yan. We already passed that on Third Reading. Natapos na sa Bicameral Conference Committee. 'Yung report ng Bicameral Conference Committee ay tatapusin na ngayong araw na ito o bukas kung hindi namin matatapos ngayon. Sigurado 'yan na matatapos na.

Q: Senator, ano po ang hakbang na inyong gagawin kung isnabin ng ilang mga kakampi ni Senator Villar ang pagtalakay sa committee report ukol sa diumanoy C-5 anomaly na kinasasangkutan nito?

SP: Kung hindi sila pupunta sa Senado dahil 'yon ay obligasyon nila ay mapipilitan ako na gamitin ko 'yung binigay na kapangyarihan sa akin ng taong-bayan sa Saligang Batas na papuntahan sila ng aming Sergeant-at-Arms.

Q: So, gagamitin niyo po ang pagiging Senate President ninyo?

SP: Oo, ako ayaw kong gamitin 'yon kung maari lamang sapagkat very strong position na 'yon. Pero kung mapapasama ang interes ng bansa dahil sa ginagawa nila ay mapipilitan ako bilang Pangulo ng Senado, gusto ko man o ayaw ko, na gamitin ko 'yon.

Q: Senator, maraming lugar dito sa Mindanao ang nasalanta ng walang tigil na ulan kamakailan lang at maraming apektado at hindi pa rin nakakabawi. Kahit nga raw ang tulong mula sa gobyerno ay hindi pa dumarating. Ano po ang pwede nating gawin dito, Senator?

SP: Kailangan ay tawagan natin ang Executive upang gumalaw at magpadala ng ayuda sa mga napinsala o na-injured na mga kababayan diyan sa Mindanao sapagkat ang Senado ang gumagawa ng budget. Hanggang dun lamang. We have no power of disbursement. Kami naman ang gumagawa ng batas, kung kailangan ng batas, para matulungan ang mga taong-bayan. Ngayon, personal namin kung mayroong kailangang tulungan, kung mayroon kaming maitutulong ay gagawin namin 'yon. Hindi ko alam kung saang mga lugar ang may nasaktan o nasiraan pagkat malayo kami diyan sapagkat dito kami sa Maynila. At tatlong araw akong wala sa Maynila, nasa Eastern Visayas ako kaya hindi ko alam ang nangyayari diyan. Mamaya, kapag punta ko sa Senado, I will try to find out what's going on in Mindanao and we'll see what we can do from the Senate.

Q: Senator, napabalita na ilang mga senador ang gumagawa ng hakbang para patalsikin daw kayo sa pwesto. Ano po ang reaksyon niyo diyan?

SP: Unang-una, sinabi ko sa umpisa pa lang na itong pwesto ko ay binigay ng isang grupo ng mga senador, sila ang pwedeng magtanggal sa akin. Kung sila ay tatanggalin ako, okay lang sa akin 'yon. Walang problema 'yon. Pero 'yung mga nagsasalita, hindi bumoto sa akin 'yon. Sila nga ang minority at lumalaban sa amin sa Senado, hinahadlangan lahat ng ginagawa naming sa Senado. Kaya sa aking palagay, wala silang karapatan na magsabi sa akin na bumaba ako. Ang makapagsasabi lang na ako ay mag-reresign ay 'yung mga naglagay sa akin sa pwesto.

Q: So Senator, 'yung mga kalaban niyo na senators ang gumagawa ng hakbang...

SP: Sila ang gumagawa ng gulo.

Q: Senator, mensahe po sa mga tao rito sa Davao.

SP: Ako po ang inyong halal na Senador Enrile, ngayon ay Pangulo ng Senado, ay nagpapasalamat sa inyong lahat, sa mga tulong ninyo sa akin sa mga nakaraang eleksyon. Ang hinihiling ko po sa inyo sa darating na eleksyon natin sa Mayo 10 ay sana gamitin natin ang ating boto upang piliin 'yung mga tao na tunay na nagsasabi ng katotohanan sa inyo. Tunay na nagseserbisyo sa inyo. Tapat at malinis ang puso nila na magseserbisyo sa inyo. Hindi panay pangako kung hindi pinapakita sa gawa. Hindi sila namamasyal sa ibang bansa at magpapasarap habang kayo ay nahihirapan. Marami diyan ay nagkukunwari, mga hipokrito na akala natin ay nagtatrabaho pero walang ginagawa sa Kongreso. Huwag niyo po silang ibalik doon sa Senado ang mga taong ganyan. 'Yung mga kumakandidato sa presidente, pag-aralan po ninyong lahat ang mga kakayanan nila. Piliin po ninyo ang pinakamagaling na magiging presidente ng Pilipinas para sa ganoon ay hindi kayo magsisi sa banding huli.

News Latest News Feed