Press Release
February 11, 2010

Transcript of interview with Senate President Juan Ponce Enrile
- Bombo Radyo

Q: Ano po ang inyong reaksyon sa balitang kayo raw ho ang sinisisi ni Sen. Aquilino Pimentel kung bakit hindi naipasa ang mga mahahalagang batas kabilang na ho ang isinusulong niyong NTC bill?

JPE: Kasinungalingan 'yan sapagkat ang totoo ay plinano nila 'yan nung Tuesday night bago kami mag-sesyon nung Miyerkules. Hindi sila pupunta doon para hindi madesisyonan 'yung report ng Senate Committee of the Whole. 'Yun ang tunay na dahilan. Ginagamit lang ni Nene 'yung NTC Bill na na-delay dahil sa kanilang sabwatan na i-boycott nila 'yung sesyon. At alam niya 'yan sapagkat natatakot siya na ang kanyang among si Villar ay parusahan ng cellphone holders dahil diyan sa maniobrang ginawa nila sapagkat 80 million na cellphone holders ang sinaktan ni Nene dun sa kanyang ginawa na 'yon. Siya ang promotor ng boycott na 'yon.

Q: Makakaasa po ba kami Mr. Senator na isusulong niyo po ang NTC Bill kung kayo po ay ma-reelect ngayong Mayo?

JPE: Sigurado 'yon. Walang kaduda-duda at wala na 'yong kumokontra, 'yung taga-hadlang na 'yan. Kaya kinokontra ni Pimentel 'yang NTC Bill na 'yan sapagkat masasaktan 'yung isang amo niya, 'yung mga Ayala. Sila 'yung may-ari ng Globe Telecom.

Q: Bilang Senate President sir, dapat po bang maparusahan ang mga nag-boycott sa huling sesyon ng Senado?

JPE: Dapat sana pero wala kaming sapat na bilang para maparusahan sila kaya ang magagawa lang namin ay paaresto sila para pumunta sila doon sa sesyon. Pero hindi namin ginawa 'yun sapagkat 'yun ang gusto nila para maging martir sila --- maging kawawa sila sa bayan. Hindi naman mangmang si Enrile kaya hindi siya kumagat sa maniobra ni Pimentel kaya hindi namin sila pinaaresto. At saka pabayaan mo na sila, bahala na ang bayan ang maghusga sa kanila. Palagay ko kawawa ang mga 'yan kapag nagalit ang mga tao at nalaman ang katotohanan. 80 million ang cellphone holders na sinaktan nila. 80 million ang nawawalan ng prepaid load. 80 million ang gumagamit ng texting. 80 million ang gumagamit ng cellphone na sinaktan ni Pimentel sa kagustuhan niya na maipagtanggol niya ang amo niya, 'yung mayaman na kandidato sa pagka-presidente, na si Manny Villar. Kung bakit siya ay nakadikit doon, alam na ninyo, bahala na kayo.

Q: Naniniwala po ba kayo na si Sen. Manny Villar ay may unholy alliance with GMA?

JPE: Hindi ko alam. Marami ang nagsasabi niyan pero hindi ko alam na ganoon ang katotohanan. Mahirap magsalita kapag hindi natin alam.

Q: Laman ng mga pahayagan ang paghahanap ng mga awtoridad kay Sen. Panfilo Lacson, ano po ang inyong opinyon ukol dito?

JPE: Ang aking opinyon diyan ay dapat harapin ni Ping Lacson 'yung kaso niya sa husgado. Doon lang sa husgado niya maaaring linisin ang pangalan niya. Kung sinasabi niya na ang motibo ay politika, dapat niyang ipakita doon sa hukuman na politika ang dahilan at para mapatunayan niya ay magprisenta siya ng ebidensiya sa harap ng hukom para sa ganon ay ma-acquit siya.

Q: And you are ready to be his legal counsel? Is this true?

JPE: Yes, kung wala ako sa Senado pero bawal sa akin ang humarap sa husgado ngayon. Noong araw, marami na akong hinawakan na mas mahirap pa na krimen kaysa sa crime na ipinaparatang kay Lacson.

Q: Sa tingin niyo po ba ay pang-gigipit lang ito ng kasalukuyang administrasyon kagaya ng sinasabi ni Senator Lacson?

JPE: Hindi ko alam. Pero kung meron, dapat ipakita sa hukuman sa ilalim ng ebidensiya para paniwalaan ng husgado para mapakawalan si Ping at malinis ang pangalan niya.

Q: Sir, ano po ang inyong mensahe sa mga taga-pakinig natin dito sa Central Visayas?

JPE: Maayong buntag sa inyong tanan at daghang salamat sa binigay ninyong sa aking pagkakataon upang mapakinggan niyo ako. Sana po sa darating na eleksyon ay wag tayong magpapalinlang, magpapaloko sa mga taong manloloko at ihalal natin ang taong may sapat na kaisipan, sapat na kakayahan, sapat na karanasan at sapat na tapang upang magamit natin siya bilang lider ng bansa na magpapaunlad ng bansa. Dapat sa mga senador ay ganoon din ang batayan ninyo. Wag ang popularidad, kayamanan, smile at kung anu-anong bagay. Kailangan karanasan, kaisipan, katapangan, kakayahan. 'Yung hindi duwag at hindi nagsisinungaling sa bayan.

News Latest News Feed