Press Release
February 23, 2010

Radio Interview of Senate President Juan Ponce Enrile
with Renz Belda of DWAL-FM

Q Sa puntong ito ng ating programa mga kaibigan, makakasama po natin si Senate President Juan Ponce Enrile para tayo po ay bigyan ng mahalagang impormasyon ngayong umaga. Live na pong makakasama natin, Senate President Enrile good morning! Good morning sir, live na po kayo sa DWAL-FM. Bumati po muna kayo sa mga tagasubaybay natin, Sir.

SP Magandang umaga po sa inyong lahat na aking mga minamahal na kababayan sa lalawigan ng Batangas. Ako po ang inyong halal na Senador Enrile, numero kinse, po sa balota ng Comelec. Ako po ay sumasaludo sa inyo ngayong umaga.

Q Marami pong issue na kailangan po nating bigyang daan at linawin. Isa na po rito, Senator, meron pong panawagan ang dating AFP Chief na kumuha ng sibilyan upang mamahala daw po sa accounting, disbursement at purchasing processes ng military, dahil daw umano ay ang brotherhood at confidentiality ng military ay nagsisilbing corruption sa military. Ano po ang masasabi ninyo dyan sir?

SP Medyo mahirap siguro yan eh. Hindi ko alam kung sino yung AFP Chief-of-Staff na yun. Sapagkat mga intelligence fund halimbawa, hindi mo mairereveal yan sa maski sinuman sapagkat pag ginawa mo yan, malalaman ang operational content nung mga disbursements. Pangalawa, kung sibilyan ang hahawak dyan at hindi military mismo ang may control ng kanilang disbursement, eh paano yung operations nila? Baka madidiskaril. Ang mabubulilyaso dyan ang bayan natin. Baka kailangan siguro, pag-aralan ng mabuti yan kung sino man ang nagmungkahi na yun. Hindi basta-basta lang yan eh.

Q Ok. Malinaw po ang inyong sagot. Ayon po dito, sa isa namang senatoriable, anak po ng dating Pangulong Marcos sir, hindi na po naging tagumpay yung People Power 1 kung saan kayo mismo ang nanguna. Ano po ang reaksiyon ninyo ukol dito, sir?

SP Well, nirerespeto ko yung kanyang opinion pero meron namang nangyari, nagawa. After the EDSA Revolution nagkaroon ng Saligang Batas na bago. Meron namang magagandang bunga yang Saligang Batas na yan. Meron ding diperensya, hindi naman perfect ang tao at saka bumalik ang halalan. Kaya nga siya ay tumatakbo ngayon bilang Senador dahil doon sa EDSA Revolution nuong 1986. Ang ekonomiya naman ng bansa natin ay lumago. Nuong kapanahunan namin ay walang mga high-rise buildings dito sa Kamaynilaan at pagkatapos ng EDSA Revolution of 1986, umangat ang ekonomiya natin at nagsitaasan ang mga buildings sa buong metropolitan area. Magmula sa Alabang hanggang sa Kalookan. Kaya kanya-kanyang opinion yan eh. Meron din mga downside yung EDSA Revolution of 1986. Sapagkat yung mga sumunod na humawak ng kapangyarihan ng ating bansa, kung minsan, gusto nila na matuwid ang kanilang pamahalaan pero yung mga nasa ibaba naman ay hindi nila nakokontrol lahat.

Q Sir, dahil nalalapit na rin po yung eleksiyon, sa tingin po ninyo, ano po ba yung mga nararapat na katangian ng susunod na pinuno po ng ating bansa?

SP Kailangan sapat ang kanyang kaisipan, sapat ang kanyang kaalaman; malawak ang kanyang karanasan; meron siyang sariling desisyon; may sikmura sa lahat ng bagay na kanyang haharapin; at may dibdib at hindi nag-aalinlangan sa kanyang mga desisyon kung kailangan na magdesisyon siya para sa bansa. Wag padadala sa public opinion. Dapat lamang na rerespetuhin niya ang mga public opinion pero sa kahuli-hulihan, ang desisyon ay nasa kanya, para sa bayan.

Q Ok. Isa rin po kayo sa kilalang ika nga'y nakikipaglaban dito po sa pagnanakaw nitong mga telephone companies sa load po ng mga cell phone consumers natin. Ano na po ang estado nito, sir?

SP Isusulong ko yan. Ipaglalaban ko yan. Natapos na yung expiration date nung mga loads, pati yung disappearing load. Ang hinaharap na lang natin ngayon ay ibaba yung presyo ng texting at yung presyo ng voice calls. Ngayon, pending yan sa National Telecommunications Commission. At kung kailangan na maisabatas yung kapangyarihan ng NTC na yan, para bumaba ang presyo ng texting pati yung voice calls, ay gagawin ko pagbalik ko sa Senado.

Q Sir, pagka-sinabing Senador Juan Ponce Enrile, bukod po duon sa pagiging bahagi po ng People Power, saan pa po makikilala ang isang Senador Enrile?

SP Ay siguro wala nang problema dito sa bansa na hindi ko dinaanan. Kahit na anong problema, pwede nila akong tanungin, at meron akong karanasan diyan. Maging sa katahimikan. Sa kaguluhan. Sa kabuhayan. Sa pananalapi. Sa hustisya. Sa katarungan ng bansa at iba pa.

Q Ok. Ano pong katangian meron ang isang Senator Enrile para mahalin po ng mga Batangueno sir?

SP Ako po ay makabayan. Ako ay nanggaling sa kahirapan. Hindi na ako tuturuan kung paano ang buhay ng mahirap sapagkat diyan po ako nanggaling. Pwede po ako mag-araro. Pwede po ako mangisda. Ewan ko kung yung ibang lumalaban ngayon sa pulitika kung naranasan nila yan. Pwede po akong magtanim ng palay, pwede rin ako pumitas ng mga mais.

Q Sanay kayo sa hirap sir?

SP Galing po ako dyan.

Q Ok. Siguro po, bigyan ko po kayo ng pagkakataon upang magbigay ng mensahe o manawagan sa ating mga kababayan na nakikinig po dito sa programa natin.

SP Renz, gusto ko happy ka. Gusto ko happy kayong lahat. At sana po sa darating na halalan, wag ninyo makalimutan ang inyong lingkod, Senador Enrile, numero kinse, sa balota ng Comelec, at maglilingkod po sa inyo pag pinalad muli na babalik sa Senado. Magandang umaga po sa inyong lahat.

Q Haping-happy po ako sapagkat nakausap ko po kayo ngayong umaga.

SP Salamat. Happy din ako at dapat happy kayong lahat.

Q Marami pong salamat, mabuhay po kayo sir.

SP Salamat.

News Latest News Feed