Press Release
February 24, 2010

Radio Interview of Senate President Juan Ponce Enrile with John Susi

J Kausapin po natin mga kaibigan, si Senate President Juan Ponce Enrile. Isang magandang-magandang umaga po sa inyo, Senador Juan Ponce Enrile. Good morning po sir. Kamusta na po, Senador?

SP Mabuti naman. Gusto ko, happy ka, John.

J Happy po kami dito sa Pampanga.

SP Siguro happy ang mga Cabalen.

J Nais po namin idulog sa inyo, Mr. Senate President, ito pong kaugnay ng ating sector na pang-agrikultura dahil po ay medyo namumroblema po tayo sa El Niño, wala masyadong patubig sa mga irigasyon, papano po ninyo tinitignan ito pong isyung ito, na talaga namang apektado po ang iba't-ibang bahagi po ng ating bansa, Senator?

SP Ngayon pa lang, palagay ko ay magprepara na ang gobyerno na mag-import ng bigas at mais para matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan at yung mga nagnenegosyo ng hayop tulad ng manok, baboy at bakahan dyan ay magkaroon ng feeds, pagkain. Tungkol sa pag-ulan, dapat siguro ay pag nagkaroon ng mga ulap ay mag-seeding ang gobyerno para magkaroon ng artificial rain. Pero in the long term, siguro kailangan na planuhin na yung mga tubig sa ilalim ng lupa natin ay gawin na reserba at gamitin pag tagtuyot, upang mapatubigan ang mga sakahan natin para hindi tayo ganito na natataranta pag may El Niño.

J Isang malaking question din po dito yung pagbibigay prayoridad ng ating gobyerno sa pondo, ano po? This time sa atin pong budget appropriations para sa taong 2010. Kailangan ba ay mas malaki ang pondo po natin, budget natin para sa sector ng agrikultura?

SP Ang agrikultura natin? Halos edukasyon ang number one. Number two ang infrastructure, public works. Pangatlo yata ang agrikultura eh. Kaya kung kailangan, dagdagan natin at siguro magkaroon tayo ng mga impounding areas sa mga tubig na dumarating sa atin pag tag-ulan para yan ay magamit natin kung panahon ng tagtuyot. Ang problema sa atin, ay reactive tayo. Saka lang tayo gumagawa ng solusyon pag nandyan na ang problema.

J Opo. Kaakibat din ba dito, Mr. Senate President, na kailangan din na bigyan natin ng edukasyon at impormasyon na e-equip sa atin pong mga magsasaka pati na rin sa atin pong mga mangingisda?

SP Tama yun. Lalong-lalo na ang ating mga magsasaka. Ang mangingisda, yung laot natin, hindi masyadong maaapektuhan yan sa El Niño. Kaya lamang, pag umiinit yung tubig sa karagatan, lumalayo din yung mga isda sapagkat gusto rin nila na medyo malamig yung kanilang kinaroroonan. Pero ang kailangan diyan, pag-aralan lahat yan. Ito ay malaking leksiyon sa atin. Dapat tayo ay pinaplano natin lahat ang buhay natin, over a longer period of time. Hindi yung karaka-raka ay mawalan tayo ng tubig, sabi natin, naguguluhan tayo. Anong gagawin natin sa kuryente? Saan tayo kukuha ng kuryente? Saan natin dadalhin yung mga mobile barges natin para magkaroon ng kuryente? Kailangan nyan, kahapon pa, nuon pang isang taon na pinag-isipan yan at ipe-predict mo yung mga pangyayari in the future, hindi ba?

J Opo. Ok, maiba ho ako ng usapan po. Kanina ang bati mo sa akin kailangan happy ako, and based po sa mga informal source po natin, meron kayong kampanya dito ho sa mga polisiya at alituntunin na pumapaloob po sa mga telecommunication companies. Ano po ba ang ipaglalaban po ninyo kaugnay nito para po sa ating mga mamamayan, Senator?

SP Apat na bagay yan eh. Lima. Una yung expiration date sa prepaid loads. Tapos na yan, napahaba na namin. Pangalawa, yung nawawala na load, nalutas na rin namin yan. Meron pang mangilan-ngilan pero hindi na masyado dahil nuong araw, nawawala ang load ng mga tao, eh, P10 lang na mawawala bawat cell phone, that is P800 million a day. 80 million cell phones yan eh. Pangatlo, yung tungkol sa presyo ng texting. Gusto ko ibaba yan na hindi naman masasaktan yung mga telephone companies, ano? Pang-apat yung voice call. Yan ay ginawa na naming per-pulse billing system. Ang ginawa namin, yung per pulse ay six seconds. Every six seconds magbabayad ka, at hindi per minute. Ngayon, pag nakakonekta ka, magbabayad ka na ng isang minuto. Dito, pag nakonekta ka, babayaran mo yung presyo ng 12 seconds at every six seconds thereafter, 31 centavos. Yung magagamit mo, yun ang babayaran mo. Yun ngayon ang mga nakapending at yung interconnection charge na P2.00.

J At ang isang malaking question siguro dito, Senator, ay kung papaano po natin mache-check, mamo-monitor na hindi lumalabag yung mga telcos na ito.

SP Merong sistema yan. Hindi pwede silang lalabag. Yun nga ang gusto naming gawin na hindi sosobra, hindi kukulang naman ang inyong babayaran.

J Ok. Happy na ako sa mga binanggit po ninyo, Senator, meron kayong gustong idagdag na mensahe para sa ating mga nakikinig dito sa Central Luzon?

SP Yung tungkol sa kuryente, tinututukan ko yan. Hanggang ngayon, nandun sa House of Representatives yung mga bills ko na nag-aantay ng approval ng House. Pasensya lang kayo at nag-iisa lang ako, at isusulong ko po lahat ito. Meron pang isa, Anti-Trust Law, na para sa ganun yung mga nagnenegosyo ng transportasyon, ay hindi sasamantalahin ng mga nagnenegosyo ng langis. Pinababa na namin yung presyo ng medisina. Tinanggal din namin yung VAT sa senior citizens. Kaya po, sa ating mga Cabalen, maraming salamat at sana sa darating na halalan, ay magtulungan tayo na makapili ng mga sapat ang kaisipan. Sapat ang kakayahan. Sapat ang karanasan. Sapat ang kanilang determinasyon at commitment na tapat na maglilingkod sa bayan upang sa gayon ay umusad ang sambayanang Pilipino.

J Ok. It's a happy day. Senator Enrile, marami pong salamat sa inyo.

SP Gusto ko happy ka dyan, at happy ang ating mga Cabalen.

News Latest News Feed