Press Release
March 10, 2010

Transcript of interview in DZXL with Sen. Manny Villar

Q. On surveys

Villar: sa tatlong survey na iyan, Pulse Asia, SWS at Manila Standard Today, ang pinakamaraming respondents ay yung sa Standard survey kasi iyon ay 2,500 respondents, ang SWS ay 2,100, at ang Pulse ay 1,800. Magkapareho ang resulta ng Manila Standard at ng SWS. Bagamat syempre, tabla pa rin, lahat naman ng kampo inaasahang siya na ang mangunguna, subalit kami ay masaya na rin diyan dahil sa napakalayo naman ng aming hinabol. Lalo itong nagpapagana sa amin na sipagan pa ang kampanya dahil nakikita namin na nagiging epektibo ang pag-iikot ng grupo namin at nagpapaliwanag kami ng aming mga planong gawin at kakayahan kung bakit kaya naming gawin ang mga planong aming sinasabi. Maliwanag na sumasang-ayon ang ating mga kababayan na kahirapan ang tunay na problema ng ating bansa at ang dapat na maging pangunahing layunin ng sinomang kumakandidato. Marami ang sumasang-ayon diyan kaya siguro ganito na kami ay umabot na sa nagunguna noong araw.

Q. Dalawang buwan na lang senador, pero tuloy-tuloy pa rin ang mga alegasyon laban sa inyo? Iyong sinasabing pagkamkam ng mga lupain, pero dito sa pinakahuling survey mukhang hindi naman kayo naapektuhan?

Villar: Halatang-halata naman kasi na imbento-imbento lang. Binabato kami ng ganyan pero nakakatawa na ang mga akusasyon, may mansion daw ako sa Utah, nakipagkita daw ako kay ganito at ganoon. Talagang mga imbento at alam naman natin itong lahat. Sinasabi ko nga, yung mga lupa, mga ganyan, kapag ako ay may kinuhang lupa na hindi maayos, sa kanila na kung sino man ang makakapagpatunay niyan. Noon pa iyang mga ganyang pananalita at talagang ayaw namang aminin na tayo naman ay biniyayaan ng magandang kapalaran sa malinis na paraan at hindi tayo gumagawa ng ganyan. Anyway, nakikita ko na ang mga tao ay hindi naniniwala at patuloy ang pagdami ng mga pumipili sa atin. Ngayon ay pantay na kami sa survey at palagay ko ngayon ay magiging mahalaga ang networking at ang local leaders habang lumalapit ang eleksyon. Malaking bagay na iyan sa kung sino ang mananalo sa Mayo.

Q. Ngayon ay Pilipinas ay pang-apat na sa pinaka-corrupt dito sa Asia-Pacific. Kung sakaling kayo ang mapunta sa Malacanang, ano ba ang gagawin ninyo para malabanan ang talamak na katiwalian?

Villar: Sa unang 100 araw ay dapat maipakita agad na hindi itotolerate ang corruption lalong-lalo na sa Office of the President o sa Customs, BIR. Ang mga iyan ay uunahin at tunay na ipapakita. Lahat ng bidding dapat televised, iimbitahin lahat ng sector na gustong siyasatin ang mga ibi-bid out para maliwanag talaga at magkaroon ng impression ang lahat ng tao na buburahin ang corruption sa ating bansa.

Q. Ang mudslinging daw ng mga pulitiko ang nagbibigay ng perception na grabe ang corruption sa ating bansa?

Villar: Dapat talaga sino man ang mamumuno sa ating bansa ay dapat sundin ang mga rating na iyan at talagang pababain tayo. Iyan ay magsilbing standard natin, kung baga kung no. 4 tayo, dapat habang tumatagal pababa nang pababa tayo diyan. Mahalaga na malalaman din naman ng sino man ang mamumuno ang pananaw ng ibang tao sa labas ng bansa. Mahalaga kasi sila ay mas subjective at nakikita nila kung ano ang kalagayan ng corruption dito. Iyan ay dapat na ibaba natin sapagkat habang mataas iyan ay wla tayong makukuhang foreign investment.

Q. Ano ang inyong pananaw sa pagbabago ng liderato ng AFP, si Gen. Bangit, isa po siya sa mangangasiwa sa eleksyon natin.

Villar: Alam natin na maraming tao ang naghihinala kaya lamang iyan ay talagang karapatan ng isang pangulo subalit dapat tayong magbantay at tingnan nating mabuti ang mga aksyon nila. Tayo naman ay may mga kilala rin na general at may mga iba na hindi naman susunod kung kanino kapag paglabag sa batas ang kanilang iuutos. Subalit walang masama na magbantay tayong lahat, magmatyag tayo at huwag nating hahayaan na ang eleksyon sa Mayo ay hindi matuloy o magkaroon ng gulo. Maliwanag na iyan ay napakahalaga sa ating demokrasya at sino man ang AFP Chief ay hindi dapat magbago iyan.

Q. Ngayong araw na ito, saan naman kayo pupunta?

Villar: Davao naman ngayon at pagkatapos sa Cotabato.

News Latest News Feed