Press Release
March 12, 2010

CRISIS POWERS NI GMA BABANTAYAN NI ROXAS

Babantayang maigi ni Senador Mar Roxas ang paggamit ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng kanyang dagdag na kapangyarihan para resolbahin ang matinding krisis sa supply ng kuryente sa Mindanao para hindi ito magamit sa pangungurakot.

Ito ang pangako ni Roxas, isang dating investment banker at kalihim ng Department of Trade and Industry, habang wala pang magagawa ang pamahalaan para magkaroon ng permanenteng solusyon sa krisis sa supply ng kuryente sa Mindanao.

Luluwag kasi ang mga bidding rules para sa anumang proyektong makakadagdag ng supply ng kuryente sa ilalim ng state of calamity na idineklara ni GMA sa Mindanao, at malamang dahil sa masamang record nito na may abusong mangyayari sa paggamit ng crisis powers ng Pangulo kaya magiging mas matindi ang gagawin niyang pagbabantay sa mga ganitong proyekto, ayon kay Roxas.

Isang posibleng panandaliang solusyon ay ang paggamit ng mga diesel power barges para magkaroon agad ng pampuno sa kakulangan sa supply ng kuryente sa Mindanao, pero nagbabala siyang magiging mas mataas ang presyo ng kuryente kung ito ang gagamitin at makakadagdag pa sa polusyon, dagdag niya.

Ani Roxas, ang talagang solusyon sa problema sa kuryente ay ang magtayo ng mga bagong planta ng kuryente, pero kahit na may pumasok na negosyanteng kayang magbuhos ng pera para sa ganitong proyekto ay aabot pa rin ng tatlong taon bago makatapos ng isang bagong power plant.

Aatupagin agad ng isang Aquino-Roxas administration ang bigyan ng agaran at permanenteng solusyon sa krisis sa supply ng kuryente sa buong bansa, dagdag ni Roxas.

News Latest News Feed